Josef
Pagkagising ko, tulog pa rin si Cheska kaya siya naman ang ginising ko. Hindi na siya nakahirit ng five minutes dahil ayaw ko nang magpaabot ng gabi sa daan. Baka maligaw pa kami. Hindi ko pa naman kabisado itong lugar na napuntahan namin. Nagdire-diretso lang naman ako kagabi kaya nakarating ako dito.
Pagdating ko kasi sa St. Claire wala na si Cheska. Tinawagan ko si Karl para ipatanong sa driver nila kung nasundo na ang kapatid niya. Muntik na akong mainis dahil inisip kong baka pinag-trip-an lang talaga ako ni Cheska. Pero, nadagdagan pa ang kaba ko nang sabihin sa akin ni Karl na wala sa bahay nila si Cheska at mas lalong hindi pa ito nasusundo ng driver nila.
Nagtanong ako sa guard ng St. Claire kung napansin nila si Cheska. Nasabi nilang nakita nila itong naglakad palabas ng gate at hindi na nila nakita kung saan nagpunta. Sinubukan kong magtanong sa mga estudyanteng nakatambay sa labas ng campus kaya nalaman kong sumakay ng bus si Cheska. Hindi muna ako umalis dahil hindi ko naman sigurado kung saan nga papunta 'yung bus na sinakyan niya. Hindi ko rin alam kung dapat ko ba siyang sundan o hanapin. Ano’ng malay ko kung naisipan niya lang na magpunta ng mall?
Nagpalipas pa ako ng kalahating oras bago ko tinawagan ulit si Karl para itanong kung nakauwi na si Cheska. Nagtaka na rin si Karl kung bakit panay ang tanong ko tungkol sa kapatid niya kaya sinabi ko na ang totoo. Sinabi ko na nag-text sa akin ang kapatid niya at sinabing kailangan ako. Wala naman sinabi si Cheska kung bakit niya ako kailangan kaya hindi ako nagmadali. Sinabi ko na rin kay Karl na kasama ko kasi no’n si Pris An kaya nagdadalawang-isip ako kung pupuntahan ko ba si Cheska o hindi.
Hindi naman nagalit sa akin si Karl dahil alam niya na ang driver nila ang susunod sa kapatid niya. Nag-alala na rin siya dahil hindi man lang daw nag-text sa kanya si Cheska para sabihin kung may nangyaring masama. Sinabi ko na lang kay Karl na baka nahihiyang magsabi sa kanya ang kapatid niya. Gano’n naman talaga si Cheska, eh. Laging pinapairal ang pride. Manong ipaalam kaagad sa kapatid kung may nangyari sa kanya. Hindi 'yung sa iba o sa akin pa malalaman.
Dahil hindi pa rin nagpaparamdam si Cheska, kinabahan na ako. Tiningnan ko kung saan papunta 'yung mga bus na humihinto sa sakayan. Hindi na ako nagdalawang-isip pang sundan 'yung isang bus kung saan man ito papunta. Kakasunod ko ay hindi ko na malaman kung nasaan ako. Hindi ko alam kung ano ba ang nangyari kay Cheska at nakarating siya sa malayong lugar. Ayaw ko namang isipin na may nangyari talagang masama sa kanya. Hindi pa kami nakaka-move on kay Ate Faye kaya baka hindi ko kayanin kapag may nangyari rin sa kanya.
Inaamin ko naman. Nakaramdam na rin ako ng pag-aalala sa kanya. Hindi rin maalis sa isip ko ang sinabi ni Pris An na baka may gusto ako kay Cheska. Parang hindi ko naman ma-imagine na may gusto ako sa babaeng katulad niya. Eh, pinapasakit nga lang niya ang ulo ko. Kumbaga, hindi siya ideal girlfriend para sa akin para magustuhan ko.
Sakto naman ang na-flat ang gulong ko kaya napahinto ako sa isang tabi. Dahil magaling t-um-iming si Lord, nakita ako ni Cheska. Madilim kaya nagtaka ako kung paano niya ako nakilala. Pero, buti na lang at nakita na namin ang isa’t isa. Nabawasan na ang kaba at pag-aalala ko. Hindi ko na nga alam kung bakit bigla ko na lang siyang nayakap. Basta, parang nakahinga na ako nang maluwag no’ng makita ko siya.
Gabi na kaya pinaalam ko na lang muna kay Karl na kasama ko na ang kapatid niya. Sinabi ko rin na na-flat-an ako kaya baka maghanap muna kami ng matutulugan. Sinabi ko rin na wala namang nangyaring masama kay Cheska. Nakatulog lang naman siya sa biyahe kaya hindi siya nakapara kaagad. 'Yun nga lang, hindi ko pa naitatanong kung bakit nag-text sa akin si Cheska na parang kailangang-kailangan niya ako. Aalamin ko ang bagay na 'yon.
BINABASA MO ANG
Love Hate: By Your Side
Comédie[Love Hate Book Two] Nananahimik ang buhay ni Josef nang biglang umeksena si Karl na overprotective sa kapatid na si Cheska na patay na patay naman sa all-time crush nitong si Kaizer. Posible nga kayang magkaroon ng katahimikan kapag pinagsama ang i...