Chapter 54 The Release

62 3 0
                                    

Napatingin si Gian kay don Jaime.

"Nandito kami upang magtanong ng tungkol sa nangyaring pagkamatay ni Alexander Mijares."

Binalingan siya ng mga pulis.

"Sir, pwede ho bang maimbitahan muna kayo sa presinto?"

"Hindi! Bakit ninyo gagawin 'yan?"
si don Jaime ang sumagot.

Nakikita na niya ang galit sa anyo ng don.

"May nakapagsabi sa amin na pinatay si Alexander Mijares at-"

"Nasaan ang arrest warrant ninyo?" dagdag pa ng don.

"Iimbitahan lang ho namin sa presinto si sir Villareal para sa interrogation don Jaime."

"Hindi!"

Hinarap niya ang don.

"Don Jaime, hayaan na ho ninyo, wala hong masamang mangyayari sa akin."

Nabanaag niya ang pag-aalala sa mga mata ng don.

Binalingan niya ang dalawang pulis.

"Sir pwede ho bang makausap muna saglit si Don Jaime kung maaari ay kami lang dalawa?"

"Sige ho sir, " umalis ang dalawang pulis.

Muli siyang pumasok sa loob ng silid ng don at sumunod ito.

"Don Jaime, huwag na ho kayong mag-aalala kaya ko ang sarili ko."

Hinawakan siya ng don sa balikat.

"Gian, patawarin mo ako. Kung hindi dahil sa akin hindi ito mangyayari sa'yo."

"Don Jaime, 'wag niyo hong sisihin ang sarili ninyo. Alagaan niyo ang kalusugan ninyo at kung pwede ho pakibalitaan niyo ako tungkol kay Ellah."

"Oo, Gian pangako gagawin ko lahat para hindi ka makulong."

"Salamat po. Ah, kapag hinanap ho ako ng apo ninyo pwede ho bang huwag ninyong sabihin kung nasaan ako? Ayaw ko lang ho na mag-alala siya baka mabinat ho ang apo ninyo."

"Naiintindihan ko, mag-iingat ka ha?" tinapik ni don Jaime ang kanyang balikat.

Tumango ang binata at lumabas ng silid.

Sa hindi kalayuan ay naghihintay ang dalawang pulis habang nanonood ng telebisyon.

Tinawagan niya ang kaibigan.

"Gian pare?"

"Vince pare, may ipapagawa ako kung pwede gawin mo agad."

"Ano 'yon?"

"Alamin mo ang tungkol kay Danilo Cordova kung tauhan ba siya ni Delavega o hindi."

"Sige, nasaan ka ngayon?"

"Patungong presinto."

"Bakit? Tungkol ba kay Alex?"

Nahimigan niya ang pag-aalala ng kaibigan.

"Oo pare, interrogation."

"Pupuntahan kita diyan!"

"Hindi huwag na."

"Basta pare, hintayin mo ako."

"Sige, salamat."

Nang matapos ang usapan ay nilapitan siya ng dalawa at pinagitnaan.

Napansin niya ang mga naglalakihang tiyan ng mga ito.

"Sir, tayo na."

Nagsimula silang maglakad.

WANTED PROTECTOR Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon