Mɪʏᴜᴋɪ Sɪʟᴠᴇꜱᴛʀᴇ Pᴏɪɴᴛ ᴏғ Vɪᴇᴡ
Binigay ko kay Henna ang dalawang litratong pinaka-iingatan ko. Tiningnan niya ang unang litrato, na kaming tatlo nila Leizy at Tomoyo. Wala itong reaksyon dito ngunit nagsalita pa rin ako.
"May pagkakahawig kayo diba?" Inirapan niya lang ako sa sinabi kong iyon.
Tsk! Totoo naman ang sinabi ko. Kahit nung unang beses na nakita ko pa lamang siya, kamukhang-kamukha niya talaga si Tomoyo dahil sa mata nito. Mahaba lang ang buhok niya ngunit kahit ganoon, nakikita ko pa rin ang mukha ni Tomoyo sa mukha niya. Hindi lang siguro kapansin-pansin sa iba dahil matagal na panahon na, na hindi nila nakikita ang mukha ni Tomoyo kaya nawala na rin sa isip nila ito ngunit ako, kailanman hinding-hindi ko iyon makakalimutan. Ang mukha ng bestfriend ko kung papaano siya ngumiti at tumawa ngunit alam ko rin na kailanman hinding-hindi siya magiging si Tomoyo.
Tiningnan naman ni Henna ang ikalawang litrato at hindi kagaya kanina, mas titig na titig ito sa ikalawang litrato na hawak-hawak. Para bang interesado ito rito at kahit hindi siya magsalita basang-basa ko sa mukha nito na gusto niyang malaman kung sino 'yung lalaking kasama ni Tomoyo.
"Dati yang karelasyon---" Hindi ko na natapos ang dapat na sasabihin ko nang hawakan ako ni Leizy sa kamay ko para pigilang magsalita.
"Sigurado ka ba sa sinasabi mo Miyuki? Maaari siyang mapahamak. Maraming nakakaalam, mas maraming madadamay. Diba, hindi 'yon gusto ni Tomoyo?" Sa unang pagkakataon, nakita ko ang pagtataka na reaksyon ni Henna sa mukha nito.
Akala ko hindi siya marunong magbigay ng reaksyon niya o marahil mahirap lang talaga ilabas ito mula sa kanya. Nakatingin lamang siya sa akin at kay Leizy na nagtatanong ang mga mata.
"Kumain na lang tayo." Sabi ko saka ako nagpatuloy sa pagkain ko..
"Akala ko ba gusto mo kong maging kaibigan?" Napatingin ako sa kanya nang sabihin niya iyon.
Pagkagulat. 'Yon ang naramdaman ko. Hindi ko alam na sasabihin niya ito. Ito 'yung unang tinanong ko sa kanya pagkagaling namin sa opisina ng Head Mistress kanina ngunit dere-derecho lang siyang naglakad palayo sa akin.
Ito na ba ang sagot niya?
Nakikita ko talaga ang mga mata niya na nangungusap na katulad ng sa kanya.
"Si Tomoyo, gusto ko siyang makilala. Sino ba si Tomoyo? Nasaan siya?" Sa pagkakataong ito, pareho na kami ni Leizy na nagulat sa sinabi niya.
"Nababaliw ka na ba?" Napataas na ang boses ni Leizy dahilan para mapatingin sa amin ang iilang seniors na malapit sa kinaroroonan namin.
Nakatingin pa rito si Althea na nanlilisik ang mga mata. Ilang lamesa lang ang layo niya mula rito sa kinaroroonan namin. Pilit inaaman kung ano ba ang pinag-uusapan namin ngayon. Hindi ito ang tamang oras para pag-usapan namin ito.
Hinawakan ko ang palad ni Leizy mula sa ilalim ng lamesa namin para sabihan na tumigil na siya ngunit hinawakan niya lang din ang kamay ko at pinisil niya ito ng tatlong beses.
Ang senyales niya hindi ko akalain na gagawin ulit namin ito.
"Nababaliw ka na nga! Hindi mo ba talaga ako natatandaan?" Napakunot lang ang noo ko sa sinabi ni Leizy kay Henna habang si Henna naman tumaas lang ang isang kilay nito.
"Wala akong panahon sa 'yo." Matigas na pagkakasabi nito at yumuko na lang ulit para kumain.
Pinisil ulit ng tatlong beses ni Leizy ang kamay ko senyales na nagtagumpay kaming lituhin ang mga estudyanteng kanina pa nakikinig sa usapan namin---lalo na sila.
BINABASA MO ANG
You're Next To Die: The Demons [COMPLETED✅]
Misterio / SuspensoHellena High School. Isang eskwelahan na saklaw ng tagong gobyerno na kung saan ipinapatapon ang mga estudyanteng kriminal. Pagpatay ay legal. Lugar ito para sa mga walang pusong estudyante. Wala silang mga puso kaya puso ng iba ang kinukuha nila. M...