CHAPTER ONE
HUMIHIKAB ANG BABAE HABANG siya ay pababa ng hagdanan. Halatang hindi pa nasusuklay ang mahabang buhok nito na kulay brown. Kakulay rin nito ang suot niyang fitted T-shirt na pinaresan ng black jeggings.
Napahawak siya sa kanyang tiyan nang bigla siyang nakaramdam ng gutom nang nanuot sa ilong niya ang amoy ng bacon and egg fried rice.
“Gising ka na pala, Ida. Tamang-tama! Tapos na akong makapagluto.”
Napatingin ang magaganda niyang abuhing mga mata sa nagsalita. Nakatayo sa may kitchen door ang isang may edad na babae. May hawak itong sandok at nakasuot pa ng apron na may nakaprinta na Betty Boop na naka-bikini.
Gumuhit ang ngiti sa may kanipisan nitong labi at ang paglabas ng kanyang pantay at mapuputing mga ngipin. “Good morning, Ma!”
“Morning din. Halika na’t kakain na tayo,” saad nito at bumalik na sa kusina.
“Okay.”
Napadako ang tingin niya living room. Biglang nagsalubong ang pormado at may kakapalan niyang mga kilay nang makita ang white tulips na nasa vase na nakalagay sa ibabaw ng mirrored center table.
“Ma!” malakas niyang sabi at saka malalaki ang hakbang na pumasok sa kusina. “May bago ka naman bang manliligaw?”
“Ikaw talagang babae ka!” pasigaw nitong saad at saka initaas pa ang hawak na sandok na tila ipapalo sa kanya.
Agad naman siyang napalayo rito. “Ma, ‘wag mo akong paluin niyang hawak mong sandok baka ‘di na ako tumangkad!”
“Matanda ka na! Hindi ka na tatangkad.”
Napanguso na lang siya. Talagang idiniin pa nito ang salitang matanda.
Isang biyuda ang kanyang ina . . . magandang biyuda.
Dalawang taon na lang ay magiging fifty na ang kanyang ina ngunit hindi halata. Maalaga kasi ito sa katawan, palaging nakaayos kahit nasa bahay lang. Hindi puwedeng walang makeup. Dinaig pa siya kung pagpapaganda ang pag-uusapan.
“Pero seryoso, Ma. Sure kang wala ka na namang bagong manliligaw?” paninigurado pa niya. “Saan galing ‘yong white tulips sa sala?”
“Wala. Binili ko ‘yong white tulips,” sagot nito at saka inihanda sa lamesa ang mga pagkain.
“Mabuti kung gano’n. Ayaw ko kayang magkaroon ng kapatid na kaedad ng magiging anak ko.”
Napailing-iling na lang ang kanyang ina. “Kumain ka na nga lang. Gutom lang ‘yan kaya kung ano-ano na ‘yang pinagsasabi mo.”
Napahinga naman siya nang maluwag. Hindi naman sa ayaw niya, hindi lang niya gustong makita na masaktan ulit ang kanyang ina. Halos magpakamatay na kasi ito noong sumakabilang buhay ang kanyang ama dahil sa sakit sa puso.
Pero kung ano man ang maging desisyon nito’y susuportahan pa rin niya ito.
“Nga pala tumawag ang Lolo Mac mo. Tulog ka pa kanina kaya sinabi kong tatawagan mo lang siya.”
“Okay,” simpleng tugon niya.
“Pati ang kuya mo tumawag din. Tinatanong kung kailan ka magri-resign sa pinagtatrabahuan mo. Mukhang naghahanap ng makakatulong doon sa hotel natin.”
“Kaya na ‘yon ni Bagyo,” sagot niya habang sumusubo ng fried rice.
Ang nag-iisa niyang kuya ay nasa Bicol namamalagi, ito ang namamahala sa Mondarlo Hotel doon. Ang kanyang lolo naman, nasa Siargao, ang nagpapatakbo ng kanilang resort doon. Kaya naman, silang dalawa lang ng kanyang ina ang nakatira sa kanilang two storey bungalow.
BINABASA MO ANG
The Exes
RomanceMuling makakatagpo ni Summer Ida Mondarlo ang lahat ng kanyang exes, na manggugulo sa nananahimik niyang puso. Sino ang mas mananaig para sa kanya? Si ex-number one, na first love niya? O si ex-number two, ang forgotten ex niya? Ang obsessed niya k...