TE 20

240 55 0
                                    

CHAPTER TWENTY

ANG ITIM NA KALANGITAN ay unti-unting lumalabo at nagiging kulay abo na. Ang milyon-milyong bituin ay nagsisimula nang itago ang kanilang ningning at dahan-dahang napapawi.

        Ang araw ay lumabas na mula sa kanyang kinahihimlayan. Ang malagintong liwanag nito ay kumikislap-kislap at dahan-dahang umangat. Makikita ang ilang ibong lumilipad na tila ang saya-saya. Mga puno at halaman ay nagagalak. Pakiwari ba ay nakangiti sila sa araw at nagbigay ng pasasalamat. Isang bagong umaga—magandang umaga. Kay sarap sa pakiramdam. Kay gandang pagmasdan ngunit taliwas doon ang pakiramdam ng dalagang si Summer.

        Tamad siyang bumangon sa kama at nagtungo sa kubeta. Makalipas ang lampas sampung minuto ay lumabas na ito roon nang nakaroba. Mabilis siyang nagbihis at lumabas ng kanyang bahay. Pupunta siya sa kusina ng resort. Kumakalam na ang kanyang tiyan dahil hindi siya nakapaghapunan. Matapos ng nangyari ay nagkulong lang siya sa kanyang silid.

        Bago makarating sa kusina ay nadaanan pa niya ang ilang staff ng resort na nagkukumpulan. Hindi siya napansin ng mga ito. Hindi na lang sana niya sasawayin at ipagpapatuloy ang paglalakad nang umabot sa kanyang pandinig ang pinag-uusapan ng mga ito.

        “What's going on here?”

        Nataranta naman ang limang babae nang makita si Summer.

        “E, Ida, kasi si Diego namatay kahapon tapos si Dora naman ngayon,” sagot ng isang babae, si Hailey. Isa ito sa mga naging kaibigan niya noong high school pa lang sila. Sa kanila ito nagtatrabaho. Dahil sa magandang performance nito ay mabilis itong na-promote. Ito na ang head ng housekeeping department.

        “Ah, kaya ganyan kayo kalungkot ngayon,” ani Summer. “Hayaan n’yo na sina Diego at Dora. Ganyan ang buhay, e. Hindi kinaya ni Dora ang lungkot, pangungulila, at sakit sa pagkawala ni Diego. Tila nakalimutan na niyang parisukat ang kinalalagyan niya. Puwede siyang tumingin sa apat na sulok niyon at malalaman nitong ‘di siya nag-iisa. Na kung ibubukas lang niya ang kanyang mga mata na palagi namang dilat ay baka makahanap pa siya ng ibang Diego. O puwede rin na si Mario at Luigi ang pagtiyagaan niya.”

        Habang sinasabi iyon ni Summer ay napapanganga ang mga babae sa kanya.

        “Hugot ba iyan, Ida?” hindi nakatiis na tanong ni Hailey.

        Kinunutan ito ng noo ni Summer at saka tumingin sa malaking aquarium na maraming gold fish ang lumalangoy. “Ano ba ‘yang pinagsasabi mong hugot? Wala ngang ibinaon, hugot pa kaya,” seryosong saad nito.

        Napahagikgik naman ang mga babae sa kanya kaya pinagsalubong ni Summer ang mga kilay niya.

        “Walang mali sa sinabi ko. Kayo talaga ibang baon at hugot iyang nasa utak ninyo. Jusko! ‘Wag kayong ganyan,” seryoso niya pa rin na sabi.

        Mas lalong natawa ang mga kasama niya.

        “Ano ba! Huwag nga kayong tumawa kasi wala ako sa mood,” ani Summer.

        Natigil naman ang mga ito ngunit naroon pa rin ang ngiti sa mga labi.

        “Huwag din kayong ngingiti sa akin dahil malungkot ako. At saka bumalik na kayo sa pagtatrabaho,” aniya at saka tumalikod na at naglakad patungong kusina.

        Sinabayan siya ni Hailey sa paglalakad. Kahit paano ay close naman silang dalawa.

        “Bakit naman malungkot ang maganda kong kaibigan ngayon?” tanong ni Hailey habang sila ay naglalakad. Hindi sumagot si Summer. “Dahil ba sa umalis na iyong lalaking kasama mong nagpunta dito? Hindi na ba kayo nakapag-usap? Nakita ko silang nag-uusap ng lolo mo bago ito umalis.”

The ExesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon