CHAPTER FORTY-ONE
PAROO’T PARITO si Sky sa gitna ng kanilang magarbong sala. Nalilito na siya kung ano ang nararapat na gawin. Pakiramdam niya ay nasa isang pagsusulit siya na may nakabantay na terror na guro. Dagdag pa na ang exam ay walang kahit isang multiple choices. Fill in the blank at problem solving lang. Hindi siya pupuwedeng mag-eeny, meeny, miny, moe.
Huminto siya at hinarap ang mga magulang at kuya na magkakatabing nakaupo na kanina pa nahihilo sa kanya.
“Baka naman nagkakamali lang kayo. Sabi n’yo nga noon na hindi ninyo kilala kasi ayaw sabihin ni kuya kahit ang pangalan,” ani Sky. “Baka naman magkamukha lang. Marami ang ganyan.”
Umaasa pa rin siya na pagkakamali lang ang lahat. Na isa lamang iyong masamang biro. Na isang masamang panaginip lang iyon.
“Bakit? Ano ang akala mo sa akin? Basta-basta na lang gagawa ng eksena na walang sapat na basehan?” may bahid ng galit na saad ng kanyang ina. “Nakita namin ang picture nila ng kuya mo sa pitaka nito last week. Pinakatago-tago niya ang pitakang ‘yon.” Binalingan nito ang katabing asawa. “Dy, kunin mo nga iyong nakita nating litrato sa wallet ni Tyler.”
Tumango ang ginong at saka tumayo. Lumapit ito kay Sky at tinapik sa balikat ang anak. “Huwag mong kakalimutan na mahina ang puso ng mama mo,” anito at umalis na.
Mas lalo namang namroblema si Sky sa narinig. Wala na ba talagang pag-asa? Hanggang doon na lang ba? Wala na ba siyang pupuwedeng gawin? Pero bakit ba ganoon? Sa tingin niya ay wala naman siyang nagawang masama para mangyari iyon sa kanya. Sino ba ang may sala? Sino ang dapat sisihin? Ano ba ang nararapat niya na gawin? May paraan pa ba upang lahat sila ay maging masaya?
“Puwede mong tanungin iyang kuya mo. Siguro naman this time magsasalita na ‘yan,” patuloy ng kanyang ina.
Makulimlim ang mga matang tumingin si Sky sa nakatatandang kapatid. Mag-half brothers lang sila. Anak ito ng mama niya sa unang asawa. Namatay ang unang kabiyak nito at pagkalipas ng dalawang taon ay muling nag-asawa. At nagkaroon ng Skyler na bunga.
“Aamin na ako,” saad ng kapatid. “Naging kami nga ni Ida during college days for seven months. Totoo na nagtangka akong tumalon sa building nang makipaghiwalay siya sa akin pero na—”
“Oh ayan, Skyler,” biglang saad ng ginang kaya naputol si Tyler sa pagsasalita. “Narinig mo naman siguro nang malinaw, ‘di ba? Hindi ako nangingialam sa inyo pagdating sa love life pero this time hindi ako mananahimik. Paano ako mapapanatag kung ang kasintahan mo ay siya rin ang dahilan kung bakit ganyan ang kuya mo?”
“Pero, Ma. Sa—”
“Nandito na ang papa mo,” pagputol ng ginang sa anak.
“Ito, oh,” saad ng ama nito at iniabot sa kanya ang isang wallet size picture.
Pagkatanggap ay agad niya iyong tiningnan. Nakangiti nang matamis ang babae sa larawan at nakahalik sa pisngi nito ang lalaki. Kahit bali-baliktarin pa niya ang hawak na picture ay makikilala't makikilala pa rin nito ang dalawa.
Ang kuya niya at si Summer ang babae.
SAMANTALA, sa labas ng bahay ng mga Buenavista ay naroon pa rin sina Summer at Gio. Nakaupo sila sa gilid ng daan. Pupuwede silang mapagkamalang mga pinalayas o namomroblema na walang matirhan dahil sa mga bagahe nilang nasa kanilang tabi.
Tirik na tirik ang araw at napakalinaw ng mangasul-ngasul na kalangitan subalit hindi nakiayon ang pakiramdam ng dalaga. Umuulan ang mga mata niya. Malakas na ulan na minsan hihina at muling lalakas. Habang ang lalaking katabi ay patuloy lang sa paghaplos sa likod ni Summer. Nasasaktan din ito sa nakikita. Gumawa ito ng paraan noon para lang maging masaya ang babae kahit pa parang nagsaksak ng kutsilyo sa sariling dibdib. Hindi nito inaasahan na darating ang expiration date ng happiness na ‘yon.
“Gio,” anas ng dalaga. Patuloy pa rin sa pagpatak ang mga butil ng tubig sa kanyang makinis na pisngi. Namumula na rin ang ilong niya at mga mata. “Bakit ang malas ko pagdating sa pag-ibig?”
“Don't say that, sunlight.”
“Nagsasabi lang ako ng totoo. Ikaw.” Itinuro niya ang katabi. “Iniwan kita noon dahil kay Chelsea. Si Danrick nahuli kong may iba. Huwag na nating isama iyong kaibigan ni Sky kasi 'di ko maalala. At si Sky dahil ex ko ang kuya niya.” Nagpunas siya ng mukha at suminghot.
“Nabanggit nito noon ang about sa kanyang Kuya Tyler na nagtangka na naman daw magpakamatay. Pumasok bigla sa isip ko ang ex ko na si Tyler na nagtangka rin magpakamatay. Pero hindi man lang pumasok sa isip ko ang posibilidad na baka iisa lang sila. Magkaiba naman ang apelyido nila. Wala rin silang same features.”
“Magkaiba kasi sila ng ama, sunlight,” ani Gio. “Anak si Kuya Tyler ni tita sa una nitong asawa at doon nagmana. Si Sky naman, mana kay tito.”
Nagtaas-baba lang ang ulo ng dalaga. Kaya naman pala, aniya sa isip.
“Sunlight, matanong kita. Hindi mo binanggit kung bakit kayo naghiwalay ni Kuya Tyler.”
Natigilan si Summer sandali sa sinabi ng lalaki. Sinadya niya talagang huwag banggitin pero bakit pa nito naisipang itanong?Malamang naku-curious ito. Nilingon niya ang bahay ng mga Buenavista. Hindi siya nabigyan ng pagkakataon na makapasok sa loob kahit isang segundo man lang. Iyon ang unang beses na pagpunta niya, magiging huli na rin ba?
Muli niyang hinarap si Gio. “Umalis na muna tayo,” aniya at saka tumayo na siya. Pinunasan niya ang mukha gamit ang panyo na ibinigay ni Gio sa kanya noong magsimula siyang umiyak. “Tatawagan naman siguro ako ni Sky.”
“Saan tayo pupunta, sunlight?”
“Sa MH. Saan pa nga ba?” sagot niya at akmang hahawakan ang maleta ngunit mas mabilis ang kamay ng lalaki.
“Ako na,” ani Gio.
“Okay,” sagot naman niya.
Sa katunayan ay duda siyang kaya niyang hilahin ang malaking bagahe. Naubos yata ang kanyang enerhiya dahil sa hindi inaasahang pangyayari at pag-iyak niya.
“Maglakad na lang tayo palabas. Wala yatang dumaraang public vehicles dito,” ani Summer at humakbang na paalis.
Malalaki ang hakbang ni Gio na sinundan ang dalaga. Hila-hila nito ang mga bagahe. Nakarating na lang sila sa labas ng subdivision ay wala pa rin taxi na nagpakita.
May nakita ang lalaki na nagtitinda ng mga street foods. “Sunlight, kain muna tayo ng fish balls. Nagugutom ako.”
“Ikaw na lang. I don't like fish balls,” sagot naman ni Summer.
“Ha?” Nagkaroon ng mga guhit ang noo ng lalaki. “'Di ba paborito mo ito? Madalas nga tayo kumain noon at ikaw pa mismo ang nagyayaya.”
“I lied. Sinabi ko lang ‘yon kasi alam kong mahilig ka sa fish balls. Pero ang totoo ay pinipilit ko lang ang sarili ko noon. Kaya kung hindi ka naman talaga gutom. Doon ka na lang kumain sa hotel,” saad ni Summer at tinalikuran na ang lalaki.
Samantala, biglang nawala ang gutom na nararamdaman ni Gio. Nagsinungaling sa kanya ang dalaga pero bakit abot-tainga siya makangiti?
Sinaway nito ang sarili. Hindi dapat siya magsaya dahil sa kondisyon ng puso ng dalaga. Pero kasi hindi nito mapigilan ang sarili. Napapatingin tuloy sa kanya ang ilang tao. Sa halip na mahiya ay nginingitian pa nito ang mga nakatingin sa kanya.
Nang madako ang tingin sa dalaga ay napatakbo ito nang mabilis. Medyo malayo na sa kinaroroonan niya si Summer at pasakay na sa taxi. “Sunlight, 'wag mo kong iwan!”
BINABASA MO ANG
The Exes
RomanceMuling makakatagpo ni Summer Ida Mondarlo ang lahat ng kanyang exes, na manggugulo sa nananahimik niyang puso. Sino ang mas mananaig para sa kanya? Si ex-number one, na first love niya? O si ex-number two, ang forgotten ex niya? Ang obsessed niya k...