TE 24

234 54 0
                                    

CHAPTER TWENTY-FOUR

“NAKAKAINIS KA NA talaga, Patty! Kung ayaw mong magbigay ng advice e ‘di ‘wag! Hindi ‘yang binabatukan mo pa ako!” nakangusong saad ni Summer habang nakalagay ang kaliwang kamay sa ulo niya.

        Nasa station silang tatlo nina Daniela. Tapos na ang oras ng trabaho pero hindi pa muna sila umuwi. Humingi siya ng advice rito tungkol kay Danrick at Sky pero hindi niya binanggit ang pangalan ng huli.

        Bumuntong-hininga si Patty bago ito tumabi sa inuupuan niya. Abala naman si Daniela sa kakadotdot sa cell phone pero alam nilang nakikinig ang isang tainga nito sa kanilang dalawa.

        “Makinig ka, Summe. Hindi ako expert sa pagbibigay ng payo dahil ikaw ang magaling nito. Pero ito lang ang masasabi ko. Kailangan mong timbangin ang sitwasyon. Pag-isipan mong mabuti,” seryosong saad ni Patty.

        “Tama siya, Summe. Kailangan mo munang tanungin ang ‘yong puso kung may pagmamahal ka pa sa kanya pero mukhang bitterness ang laman niyang heart mo hindi love,” sabat naman ni Daniela pero nakatuon pa rin ang mga mata nito sa cell phone. Nag-angat ito ng tingin at saka ngumiti sa kanila. “Huwag kang makipagbalikan sa lalaking iyon para magkaroon ako ng chance sa kanya.”

        Napangiti na lang si Summer. Tama siya na nakikinig lang ito sa kanilang dalawa ni Patty.

        “Oh, narinig mo ‘yong sinabi ni bakla? At tungkol naman diyan kay anonymous guy na ayaw mong bigyan ng pangalan kahit obvious naman kung sino ay ang maipapayo ko lang ay follow your heart,” nakangiting ani Patty.

        Magsasalita na sana si Summer upang pasalamatan ang mga ito nang tumunog ang cell phone ni Patty. Mabilis pa sa alas-kuwarto na nawala ito sa tabi niya. Kinuha nito ang cell phone at nakangiti habang binabasa ang mensaheng natanggap. Pagkatapos ay mabilis itong nag-type para mag-reply ngunit agad na napasimangot.

        “Kainis naman! Wala pala akong bala.” Humarap ito kay Summer. “May load ka ba, Summe? Pa-text naman, magri-reply lang ako kay Lander.”

        “Nasa bag kunin mo,” sagot niya.

        Agad namang tumalina si Patty at binuksan ang bag ni Summer na nasa tabi lang ng gamit nito.

        “Ano ‘to?” nakakunot-noong tanong ni Patty at kinuha ang nakita. “Bakit may isang sapatos na panlalaki dito sa bag mo, Summe? Cinderella lang ang peg? Hahanapin mo ang may-ari nito?” natatawang saad ni Patty.

        Agad naman na napatayo si Summer sa kinauupuan at nilapitan si Patty. Inagaw niya ang sapatos at ibinalik sa loob ng bag at inilayo rito.

        “Pakialamera ka talaga minsan, Patty! Cell phone lang ang kailangan mo iba ang kinuha mo,” kunyari ay naiinis niyang saad.

        “Sino ang may-ari niyan? Sige na sabihin mo na,” pangungulit nito.

        “Hindi kita pahihiramin sa cell phone ko kung ‘di ka titigil diyan, Patty!” pagbabanta ni Summer dito.

        “Fine!” Tumulis ang nguso nito. “Akin na ‘yang cell phone mo baka mainip na ang Lander ko dahil ang tagal kong mag-reply,” pagsuko ni Patty at saka inilahad ang palad niya kay Summer.

        Kinuha naman ni Summer ang kanyang cell phone at ibinigay kay Patty.

        “Kilala ko sino may-ari niyan,” sabat ni Daniela sa kanila na hindi pa rin nag-angat ng tingin.

        “Sino?” tila excited na tanong ni Patty. Tumigil pa talaga ito sa pagta-type.

        Bigla namang kinabahan si Summer. Nagtaka rin siya kung paano nito nalaman kung sino ang may-ari ng sapatos.

        Nag-angat ng tingin si Daniela at tiningnan si Summer bago tumingin kay Patty. Ngumiti ito. “Secret,” saad nito at saka muling nagbaba ng tingin upang harapin muli ang cell phone nito.

        Napasimangot si Patty. “Nakakainis ka talaga bakla!” sabi nito at nagpatuloy na sa pagtitipa.

        Nakahinga naman nang maluwag si Summer dahil nagbibiro lang pala si Daniela. Wala siyang balak ipaalam sa mga ito kung sino ang may-ari ng sapatos. Para sa kanya, may mga bagay lang talaga na hindi dapat ipaalam sa mga kaibigan. Saka na lang siguro niya ibabahagi sa mga ito kung maganda na ang takbo ng kuwento niya.

        Nang makita niyang tapos na mag-send si Patty ng message ay mabilis niyang inagaw ang kanyang cell phone at inilagay sa loob ng bag.

        “Mauna na akong uuwi sa inyo. Bye!” paalam niya at saka nagmamadaling umalis. Hindi na nga niya hinintay ang sagot ng mga kaibigan.





SA OPISINA NG managing director,  abala si Rex sa mga paperworks nito nang makarinig siya ng katok at pagbukas ng pinto. Nakita niyang pumasok si Sky at may kasama itong isang lalaki na hindi niya kilala.

        “Relax ka muna, Rex. Mas lalo kang yayaman niyan,” nakangiting saad ni Sky. “Nga pala kasama ko si Gio, ‘yong kinukuwento ko sa ‘yo,” pagpapakilala niya.

        Nag-shake hands naman ang dalawang lalaki.

        “Ano’ng maipaglilingkod ko sa inyo, Sky?” tanong ni Rex.

        “Sama ka sa amin papuntang Fudgee Bar.”

        “Naku, Sky, ha! Napadadalas na ang pag-aaya mo sa aking uminom. May problema ka ba?”

        “Ito naman! Para nag-aya lang may problema na agad? Hindi ba puwedeng gusto lang gumala pampawala ng stress sa trabaho?”

        “At kailan pa nakakawala ng stress ang pag-inom?” nakakunot-noong tanong ni Rex.

        Napakamot naman sa ulo si Sky at saka ngumiti. “Ngayon pa lang.”

        “Kapag andoon na tayo sa bar itali natin ‘yang si Sky dahil baka bigla na lang umalis at babalik na isa na lang ang sapatos,” natatawang sabat ni Gio sa kanila.

        Natawa naman si Rex sa narinig. “Is it true?”

        “Of course not!” pagtanggi nito at saka tumingin sa glass wall. Nasa ikalawang palapag kasi ang opisina ni Rex at tanging salamin lamang ang mga dingding nito. Kita rin mula sa puwesto nila ang reception ng hotel. “Pasaway lang talaga ang lala—” Naputol ang sasabihin niya nang makita ang palabas ng hotel at nagmamadaling lumabas ng opisina.

        “Hey, Sky! Saan ka pupunta?” tawag ni Gio ngunit ‘di na siya narinig nito.

        Nagkatinginan naman si Rex at Gio dahil doon.

        “Ano’ng nangyari doon?” pagtatakang tanong ni Rex.

        Nagkibit-balikat lang si Gio dahil hindi rin niya alam kung bakit bigla na lang itong umalis na walang paalam.

The ExesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon