TE 37

234 53 0
                                    

CHAPTER THIRTY-SEVEN

“MA’AM, BAWAL PA PO kayong pumasok,” saad sa kanya ng matandang guwardiya.

        Napakunot ang noo ni Summer. Nasa may entrance siya ng park. Papasok na sana siya nang humarang ang taga-bantay. Ang mas ikinakunot ng noo niya ay sa dami ng tao ay siya lang ang hindi pinapasok.

        “Pinagloloko mo ba ako, manong?” medyo naiinis na ani Summer. Bored siya at abala ang mga kaibigan kaya naisipan niyang magpalipas ng oras sa paboritong tambayan. “Adik ka ba at ako ang napagtripan mo?” May bahid na ng galit ang boses ng dalaga. Naglakad lang siya mula sa hotel hanggang park tapos iyon lang ang sasalubong sa kanya.

        “Pasensiya ka na, ma’am. Sumusunod lang ako sa utos,” hinging paumanhin ng matanda.

        Napabuntong-hininga na lang si Summer. May magagawa pa ba siya? Baka kargo de-konsensiya pa niya kapag nawalan ito ng trabaho. Hindi na rin niya binalak tanungin kung sino ang nag-utos dito.

        “Fine! Hindi na ako papasok,” saad niya at saka tinalikuran ang matanda. Laglag ang balikat na naglalakad siya palayo sa lugar.

        “Sunlight!”

        Napanguso si Summer nang marinig iyon mula sa nag-iisang tao na tumatawag sa kanya ng ganoon. Ang kanyang ex-moonlight. Tumigil siya sa paghakbang at saka namaywang. Hindi maipinta ang mukha niya nang nilingon ang lalaki sa kanyang likuran.

        “Ilang beses ko ba—” Naputol ang sasabihin niya nang bigla siyang napahagalpak ng tawa nang makita ang itsura ng binata. Napapahawak pa nga siya sa kanyang tiyan. Kulang na lang humiga siya sa daan at magpagulong-gulong. Mabuti na lang at kaunti lang ang tao dahil baka marami ang mag-iisip na nalipasan na siya ng gutom.

        “Nakakasakit naman ng heart ‘yang tawa mo, sunlight,” kunyari ay nasasaktang saad nito.

        “Ano ba’ng nakain mo at nagpakalbo ka, Gio?” Nagpipigil pa rin na matawa si Summer at tinakpan ang bibig niya.

        Huling punta nito sa bahay nila ay may buhok pa ito. Ang kinis ng ulo nito. Mahihiya yata pati langaw na dumapo rito. Magandang lalaki pa rin naman itong tingnan. Nagulat lang talaga siya. Hindi niya lubos akalain na ganoon ang ginawa nito.

        “Siopao ang kinain ko, sunlight.”

        Mas lalo siyang natawa sa sagot nito. Hinahayaan na rin niya kung ano man ang tawag nito sa kanya. Hindi rin naman kasi ito nakikinig at ginagawa ano man ang gusto nito.

        “Ano nga pala ang kailangan mo?” Naalala niyang itanong kung bakit siya nito tinawag.

        “Gusto mo bang sumaya?”

        Pinagsalubong ni Summer ang kanyang mga kilay. Hindi angkop ang tugon nito sa tanong niya.

        “Ang layo ng sagot mo, Gio. At lahat naman ng tao gustong sumaya. Hmmp! Diyan ka na nga. Ang labo mong kausap,” wika ni Summer at saka tinalikuran ang lalaki at nagsimulang humakbang.

        “Hep, hep!” Pigil ng lalaki sa kanya at hinawakan ang kamay niya. “Kailangan mong sumama sa akin whether you like it or not . . . para ‘di masayang ang sakripisyo ko,” saad nito at saka siya hinila.

        “Ano ba, Gio! Bitiwan mo nga ako. Saan mo ba ako dadalhin?” Nagpupumilit siyang makawala rito ngunit ang higpit ng pagkakahawak nito sa kamay niya.

        “Malalaman mo rin, sunlight. And I’m sure magugustuhan mo ito,” sagot nito habang patuloy sa paglalakad patungo sa park.

        “Uy! Bawal daw akong pumasok diyan!” saad niya nang mapansing sa loob ng park siya nito balak dalhin.

        “Kanina ‘yon, hindi na ngayon.”

        “Ano? Pinagloloko n’yo ba ‘ko?” Naguguluhan na si Summer. Ano ba ang balak nitong gawin sa kanya? “Bitiwan mo ‘ko, Gio! Hindi ako sasama sa ‘yo.”

        “Tumahimik ka na nga lang diyan, sunlight! Daldal mo!”

        Hindi na lang siya nagsalitang muli at nagpahila rito. Dinala siya sa loob at pinaupo sa isang bench—ang paborito niyang puwesto. Nagtataka siya kung ano ang mayroon sa lugar dahil maraming palamuti sa park. May mga nakasabit na white at green balloons ang upuan. May mga hawak din na mga balloons ang ibang tao sa park na malapit sa puwesto niya. May iilang mga mesa at upuan din na nakahilira sa may gitna. White and green din ang kulay ng mga table cloth na ginamit. Parang ginawang venue ang park ng isang event. Perfect place rin kasi ito sa mga nature lover na taong katulad niya. Hindi na kailangang maglagay ng mga bulaklak dahil maraming nakapalibot na namumulaklak na halaman.

        “May gaganapin yatang event dito, Gio. Doon na lang tayo sa ibang puwesto. Nakakahiya naman dito,” saad niya sa binata at tumayo.

        Pinigilan siya ng lalaki. “Diyan ka lang. Huwag kang aalis. May kukunin lang ako,” saad ni Gio at nagmamadaling umalis.

        Kahit nahihiya dahil baka paalisin na naman at masabihang bawal ay hindi siya umalis sa kinauupuan. Limang minuto na lang para mag-ala-singko ng hapon ayun sa kanyang wristwatch. Napabuntong-hininga siya at saka tumingala sa langit.

        Nababaliw na ba ako? Gusto niya itong itanong sa sarili habang nakatingin sa ulap na naging kamukha ng isang lalaki sa kanyang paningin.

        Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi bagamat napakalungkot ng kislap ng mga mata niya.

        Isang buwan na rin ang nakalipas simula nang huli niyang makita ang lalaki. Totoo nga ang sinabi ni Rex na umalis na ito sa trabaho at hindi na babalik pa dahil may bago na naman silang executive chef.

        Napalingon siya sa kanyang kaliwa nang may kumalabit sa kanya.

        Napangiti siya nang mamukhaan niya ang batang lalaki.

        “Ate Ganda,” anito at saka ibinigay sa kanya ang dala nitong paper bag.

        “Ano ‘to, Skyler?” tanong niya. Napailing na lang siya nang tumakbo na ito palayo sa kanya ang matabang bata.

        May ngiti sa labi niya habang tiningnan ang laman ng paper bag. Bagamat mabilis din na naglaho nang makita niya ang nasa loob.

        Bakit ‘to nandito?


The ExesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon