CHAPTER THIRTY-FOUR
MAINGAY NA SILID ANG sumalubong kay Summer pagpasok pa lang niya sa locker room.
“Good morning, Summe!” bati sa kanya ng kaibigang si Patty.
“Good morning din, Patty,” balik-bati niya at hinubad ang suot na backpack. “Bakit ang ingay nila?” tanong niya habang ang mga mata ay nakatuon sa tatlong babae. Mga bagong kasamahan nila.
“Ay! Hayaan mo ang mga ‘yan. Parang ngayon lang nakakita ng guwapo!” sagot naman ni Patty sa kanya at saka biglang pumalakpak nang may maalala. “Nga pala, Summe. Nagbalik na siya. Nagkita kami kanina. Binigyan nga niya ako ng pasalubong na perfume,” masayang pagkukuwento nito sa kanya. “Ikaw, Summe? Ano ang natanggap mo? Sabi kasi nito special daw ang pasalubong niya sa ‘yo.”
“Special? Ahm . . . hindi ko alam.” Kahit may pangalan na naglalaro sa kanyang isipan ay nagkunwari na lang siyang walang alam. “Hindi pa naman kami nagkikita.” Luminga-linga siya sa paligid. “Si Daniela nasaan?” pag-iiba niya sa usapan.
“Nagpunta sa ob-gyn.”
“Ano?” may kalakasan ang boses na tanong ni Summer. “Paano siya nabuntis?”
“Gaga! Hindi siya. Iyong girlfriend ng kapatid niyang tomboy ang buntis.”
“Ha? Paano nabuntis kung pareho naman sila ng ano.”
“Kasi si bakla ang ama.”
“Ano?” pasigaw na aniya at halos lumabas na ang mga mata ni Summer sa narinig. “Si bakla na—” Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang biglang tinakpan ni Patty ang kanyang bibig.
“Hinaan mo ang boses mo, Summe. Baka malagay sa front page si bakla. Magagalit ‘yon,” mahinang saad ni Patty malapit sa kanyang tainga habang hindi pa rin inaalis ang kamay nito sa bibig ng kaibigan.
Pinalis ni Summer ang kamay ni Patty. “Totoo ba ‘yang pinagsasabi mo? Kailan pa? Bakit hindi ko ‘to alam?” sunod-sunod na tanong niya rito. Hindi pa rin siya makapaniwala.
Bumuntong-hininga muna si Patty bago nagsalita. “Paano naman kasi, Summe, sa loob ng tatlong buwan para kang nakatira sa outer space. Wala kang pakialam sa nangyayari sa paligid mo. Hindi ka na sumama sa amin ni Daniela na gumala. Maaga kang umuuwi. Kapag pinupuntahan ka namin ni bakla sa bahay n’yo nagkukulong ka lang sa kuwarto mo. Sabi ng mama mo pabayaan ka lang daw muna namin. Hanggang ngayon o bukas o susunod na araw hahayaan ka namin. Hihintayin namin na ikaw mismo ang magsabi sa amin kung ano ang nangyayari sa ‘yo.”
Napatingin na lang si Summer sa sahig. “Sorry, Patty. Hayaan n’yo babawi ako sa mga susunod na araw.”
“Asahan namin ‘yan ni bakla. Magbo-boys hunting tayong tatlo. Ay! Tayong dalawa lang pala dahil may babae na si bakla,” masayang turan ni Patty.
“Sure ka na gusto mong mag-boys hunting? Asan na ‘yong Lander mo?” wika ni Summer na may ngiti sa labi.
Nabura ang saya sa magandang mukha ni Patty. Biglang lumungkot ang mga mata nito na para bang ilang sandali lang ay may lalabas na roon na luha.
“Did I say something wrong? May problema ba, Patty?”
Huminga nang malalim si Patty at saka ngumiti ulit. Pero halata na pilit lang ang pagkakangiti nito.
“Nga pala, Summe, magkunwari kang walang alam, ha? Baka magalit si bakla. Sabi kasi niya siya mismo magkukuwento sa ‘yo.”
Halatang ayaw pag-usapan ni Patty ang tungkol kay Lander. Mukhang nagkakaproblema na naman ang love life nito. Hindi na lang niya muna tatanungin kung ano ang nangyari dito.
“Sure. Sasabihin kong sinabi mo sa akin na magkunwaring wala akong alam,” nakangiting aniya.
Napasimangot na lang si Patty pero alam naman niyang hindi siya ilalaglag ng kaibigan kaya muli itong ngumiti.
“May bago na naman bang manliligaw ang mama mo?”
“Siguro,” sagot ni Summer habang binubuksan ang locker niya. “Bakit?”
“Napadaan kasi ako kanina sa bahay n’yo. May nakita akong kausap niya sa labas. Binigyan siya nito ng green roses. Mukhang bata pa. Matangkad at mukhang yummy,” ani Patty habang ini-imagine ang lalaking nakita. “Pero sayang lang kasi matanda na ang trip.”
“Uy! Ikaw talaga. Hindi pa matanda ang mama ko,” kontra ni Summer sa kaibigan. “Para ko nga lang siyang ate, e. And speaking of that guy. Ano’ng itsura? O baka delivery guy ‘yon.”
“Hindi ko nakita ang mukha ng lalaki, e. Nahihiya kasi akong ipahinto sandali ang sinasakyan kong tricycle dahil may ibang pasahero. At saka hindi ‘yon delivery man dahil sa suot nitong damit,” paliwanag ni Patty.
“Bakit ano ba’ng suot niya?” nakakunot ang noong tanong ni Summer.
“Pang-jogging. Naka-all gray siya.”
Nakangiting tumango na lang si Summer at pinagana ang utak. Makailang ulit niyang in-imagine ang suot ng lalaking tinutukoy ni Patty ngunit iisang mukha lang ang lumalabas sa kanyang imahinasyon.
Those green roses are from him?
BINABASA MO ANG
The Exes
RomanceMuling makakatagpo ni Summer Ida Mondarlo ang lahat ng kanyang exes, na manggugulo sa nananahimik niyang puso. Sino ang mas mananaig para sa kanya? Si ex-number one, na first love niya? O si ex-number two, ang forgotten ex niya? Ang obsessed niya k...