TE 05

266 60 29
                                    

CHAPTER FIVE

KUMATOK SI SUMMER ng tatlong beses sa isang kulay blue na pinto na may nakasulat sa labas na, “Bawal pumasok ang pangit.”

        “Sino 'yan?” tanong ng taong nasa loob.

        “Room service,” medyo may kalakasang sagot naman niya.

        Hindi nagtagal ay bumukas ang pinto ng silid. “Pasok ka, Summe,” bungad ni Patty sa kanya. “Ikaw talaga maypa-room service ka pang nalalaman diyan! Concierge kaya ang trabaho mo.”

        Bahagya siyang natawa. “Kunyari room service captain ako ngayon.”

        Maaga siyang gumising para puntahan ang kaibigan. Gusto niyang alamin ang kalagayan nito. Nakita kasi nila ang boyfriend nito sa pizza store na may kasubuang iba at animo'y may shooting dahil may kissing scene pang naganap.

        Pinagmasdan niya ang itsura ng kaibigan. Sobrang gulo ng buhok nito. Namamaga ang mga mata sa kaiiyak at kulang sa tulog. Nagkalat pa ang make-up nito sa mukha at suot pa rin nito ang damit kahapon.

        “Grabe ka naman, Patty. Hindi ka man lang nagbihis baka nangangamoy ka na.”

        Sumimangot ito. “Pakialam mo ba! Wala namang aamoy sa akin.”

        Hinila niya si Patty papunta sa harap ng full length mirror sa kuwarto nito. “Take a look at yourself and tell me what you see?”

        Tiningnan naman nito ang sarili sa salamin at umiyak ulit. Niyakap ito ni Summer at dinala sa kama para makaupo sila.

        “Hush, Patty. Huwag ka nang umiyak, okay? Hindi dapat iniiyakan ang mga lalaking kagaya niya dapat pinapalitan.”

        “Summe, naman, e! Nagmo-moment ako sinisira mo!” medyo nakangiti na nitong saad.

        “Don't feel sad over that guy who cheated on you, feel sorry for him kasi pinakawalan niya ang isang kagaya mo. Aba! Mas maganda ka pa sa haliparot na 'yon.” Huminga siya nang malalim. “At isa pa hindi lang naman siya ang lalaki sa mundo. Minsan may mga taong aalis o mang-iiwan sa atin dahil may mas higit pang darating na mas mamahalin at iingatan tayo.”

        Napatatango lang si Patty sa sinasabi niya.

        “Just because one person doesn't seem to care for you, doesn't mean you should forget about everyone else who does. Marami kaming nagmamahal sa '‘yo, Patty. Nalulungkot din kami para sa ‘yo. Ang pamilya mo malungkot at nasasaktan din sila na makita kang ganyan, kaya ‘wag kang mandamay!”

        Napataas ang kaliwang kilay ni Patty.

        “Hindi uubra sa akin ‘yang pagtaas-taas mo ng kilay, Patty.”

        “Ang ganda na sana ng mga sinabi mo kung hindi mo lang ako sinabihan ng huwag mandamay!”

        “Kapag malungkot ka, siyempre malungkot din kami, lalo na ang pamilya mo. At kung nasasaktan ka, ganoon din ang nararamdaman namin kasi mahal ka namin kaya sinabihan kitang huwag mandamay.”

        Umiyak muli si Patty dahil sa narinig. Napabuntong-hininga na lang si Summer sa inasal ng kaibigan. “Puwede ba 'wag ka nang umiyak! Mas lalo kang papangit niyan!”

        “Hoy, Summe!” Pinanlakihan siya nito ng mga mata. “Hindi ako pangit ha! Maganda ako!”

        “Maganda? Ikaw? Nagpapatawa ka ba?” Hinila niya ulit ito paharap sa salamin. “Now tell me! Ano'ng ikinaganda ng hitsura mo ngayon, ha?”

        Hindi sumagot si Patty. Nakatingin lang ito sa sariling repleksiyon sa salamin.

        “Puwede ba tumigil ka na sa kakatingin sa salamin kasi ang pangit ng view!”

        Hindi pa rin kumibo si Patty.

        “Be strong now, Patty, because things will get better. It might be stormy now but it can't rain forever,” saad nito habang nakalagay ang kanan niyang kamay sa balikat ng kaibigan.

        “Alam mo, Summe, kanina ko pa napapansin na panay ang English mo. Saan mo ba ‘yan napulot ha?”

        Ngumiti si Summer. “Napulot ko sila sa may dumpsite malapit dito sa bahay ninyo. At mas maganda mag-moment kapag English. Sosyal!” sagot naman niya na nakangiti.

        “Teka lang, Summe, bakit parang pamilyar ang linyang ‘yan? Saang movie mo ‘yan ginaya?”

        Umalingawngaw ang malakas niyang tawa sa apat na sulok ng silid. “Ngayon mo lang napansin? Lahat naman ng sinabi ko sa 'yo, napanood at nabasa ko lang. Sige na, Patty, maligo ka na at baka dalhin kita sa dumpsite dahil mukha ka ng basurera. Ang dungis ng mukha mo dahil sa make-up. At isa pa baka nakalimutan mong may trabaho pa tayo,” ani Summer at saka tinulak si Patty papasok sa banyo.

        Hindi nagtagal natapos na itong makapag-ayos ng sarili kaya inaya na ito ni Summer na lumabas ng silid.

        “Bumaba na tayo at nang makapag-almusal ka na at aalis na tayo.”

        “Salamat, Summe, ha. Ang bait-bait mo sa akin,” sabi ni Patty sabay yakap sa kaibigan.

        “Puwede ba tumigil ka na sa pagda-drama at hindi ka papasa bilang artista,” natatawang saad ni Summer samantalang nag-pout si Patty.



NASA LABAS NG HOTEL si Summer, nag-aabang ng masasakyan habang may kausap sa cell phone.

        “On the way na ako. Nasa loob na ako ng taxi. Oo, nga! Ang kulit. Hindi ako nagsisinungaling. Bye na!” aniya sabay off sa tawag.

        Si Patty ang tumatawag. Tinatanong kung nasaan na siya. Napagkasunduan kasi nilang mag-bar hopping. Magsi-celebrate raw ang kaibigan sa pagiging sawi nito sa pag-ibig. Nauna na ang dalawa sa lugar. Napapadyak siya ng paa dahil kung kailan nagmamadali, saka naman walang dumaan na taxi.

        Napalingon siya nang makarinig ng mga boses. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang tatlong lalaki na masayang nag-uusap. “Bakit hindi ko alam na magkakilala sila?” naitanong niya sa isipan.

        Patungo ang mga ito sa blue BMW na nakaparada malapit sa puwesto niya. Hindi niya alam paano magri-react. Tatakbo ba siya? Magtatago? Tatakpan ang kanyang mukha? Ngunit ang lahat ng iyon ay malabong magawa pa niya dahil nakita na siya ng tatlo.

        “Hey, Sum!”

The ExesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon