CHAPTER TWENTY-TWO
NAKAUWI NA SI SUMMER sa kanila. Balik-trabaho na rin siya at nakakapagod ang araw na iyon para sa kanya. Hindi niya alam kung bakit. Wala naman siyang mabigat na ginawa. Matapos ang trabaho ay nag-aya sa kanya ang dalawang kaibigan ngunit tinanggihan niya at sinabing may jet lag pa siya. Mabuti na lang at hindi na nangulit pa sina Patty at Daniela sa kanya.
Naglakad-lakad siya hanggang sa dinala siya ng kanyang mga paa sa isang park. Nang makakita ng bakanteng upuan ay nagtungo siya roon at naupo. Tiningnan niya ang mga bata na masayang naglalaro. Nang mapatingala siya ay napansin niya ang pagsisimulang pagkapal at pag-itim ng mga ulap sa kalangitan. Ramdan na rin ang maalinsangan na hangin. Nagmamadali na rin na magligpit ng mga gamit ang mga nagpi-picnic at ang mga batang nagtatakbuhan pabalik sa mga magulang nito. Samantalang siya ay naroon lamang. Tila walang balak umalis sa kanyang kinauupuan kahit nagbabadyang umulan.
Sa di-kalayuan, sa mga nakaparadang sasakyan, sa loob ng black Mercedes Benz ay nakaupo si Sky habang ang mga mata ay nakatuon lamang sa dalagang nakaupo sa bench. Tila isang estatwa na hindi gumagalaw habang nakatingin sa itaas.
Papaandarin na sana niya ang kanyang sasakyan nang siyang pagbuhos ng malakas na ulan. Napakunot ang kanyang noo nang makitang hindi pa rin umaalis ang dalaga sa kinauupuan nito.
“Problema ng babaeng ito? Gusto yatang magkasakit.”
Lumipas ang isang minuto ay hindi pa rin kumikilos ang dalaga kaya napagpasyahan niyang labasin na ito.
Subalit, agad din natigil sa tangkang pagbukas ng pinto nang makita nito ang isang lalaking tumatakbo palapit sa babae. May dalang payong si Danrick. Pinatayo nito ang dalaga at inalalayang naglakad paalis.
Nang hindi na nito matanaw ang dalawa ay mas lalo pang lumakas ang ulan. Mabilis siyang lumabas ng sasakyan. Tumingala siya at hinayaang pumatak sa kanyang pisngi ang tubig-ulan. Nagbabasakaling matangay niyon ang nararamdamang bigat sa kaloob-looban niya. Nang magsimulang tumila ang ulan ay pinili na niyang umuwi. Bago tuluyang pumasok ay tumingin pa ito sa puwestong inupuan ng dalaga sa huling pagkakataon.
Ipinasok na nito ang isang paa ngunit muling inilabas nang may makita itong pamilyar na tao na naglalakad palapit sa kinaroroonan niya. Kagaya niya, basa rin ito ng ulan. Malapit na ito sa kanya, subalit, halatang hindi siya nito napansin. Tila ba lutang ang isip nito. Napaisip tuloy siya kung may problema ba ito.
Hinarangan niya ang dinaraanan nito. “Gio!” sambit niya sa pangalan nito.
Gulat naman na napatingin sa kanya ang lalaki. “Sky? Wow! Hindi ko akalain na magkikita tayo dito.”
Katulad ng nakasanayan ay nag-bro fist ang dalawa.
“Bakit ka basa, Sky? Nagpaulan ka rin? Huwag mong sabihin sa aking broken-hearted ka?” sunod-sunod na tanong ni Gio.
Natawa na lang si Sky. Mukha ba siyang broken-hearted? Siguro ganoon nga ang mangyayari kung hindi siya kikilos.
“Nandito ka pala hindi mo man lang sinabi sa akin,” ani Sky. “Sama ka sa akin sa bahay, Gio. Inom tayo.”
Mapanuring tingin ang ibinigay ni Gio sa kanya at saka ito tumingin doon sa isang bench na inupuan ng dalaga. “Dahil ba sa nakita mo kaya ka magpapakalasing?”
“Ang sabi ko inom tayo hindi magpakalasing,” kontra ni Sky.
“Sus! Dami mo pang sinasabi! Doon pa rin naman ang tungo. Sige na nga sasama na ako sa ‘yo. Parang gusto ko rin uminom,” saad naman ni Gio.
“Ang dami mo rin sinasabi, Gio. Sasama ka rin naman pala,” natatawang sabi naman ni Sky at saka na pumasok sa sasakyan nito. “Ano pang hinihintay mo? Halika na!” tawag pansin niya sa kaibigan na nakatingin pa rin sa kanya. “Huwag mong sabihin sa akin na nagaguwapuhan ka sa akin. Sorry ka na lang ‘di tayo talo!”
“Siraulo ka, Sky! Huwag kang masyadong confident dahil mas guwapo ako sa ‘yo,” tumatawang saad ni Gio at saka nagmamadaling humakbang patungo sa kabilang side ng sasakyan.
AGAD NA LUMABAS NG sasakyan si Summer pagkahintong-pagkahinto pa lang niyon sa tapat ng bahay niya. Nagmamadali siyang nagtungo sa main door at nag-doorbell. Gulat na mukha ng ina ang sumalubong sa kanya pagkabukas pa lang ng pinto.
“Bakit ka basa?” tanong ng kanyang ina.
“Hindi pa raw po kasi siya naliligo kaya naisipan niyang maligo sa ulan.”
Mabilis na nilingon ni Summer ang nagsalita. Nasa likuran niya si Danrick. Hindi niya namalayang sumunod pala ito sa kanya. “Ano pa ang ginagawa mo dito?” nakataas ang isang kilay na ani Summer. “Umuwi ka n— ouch!” Napahawak ito sa tagiliran na kinurot ng kanyang ina.
“Ikaw talagang babae ka! Huwag ka ngang ganyan sa bisita mo.”
Baka buwesita!
Binalingan ng tingin ng kanyang ina ang lalaki. “Salamat sa paghatid sa kanya, Danrick, ha? Halika pasok ka muna para makapagkape.”
“Ah, e . . . sige po.” Bigla itong napangiti nang mapatingin siya kay Summer na ang sama ng tingin sa kanya. “Huwag na po pala kasi may gagawin pa ako sa su—”
“Okay bye!” putol ni Summer sa sasabihin pa sana ni Danrick. “Narinig mo ‘yon, Ma? Aalis na raw siya,” baling naman siya sa ina. “At saka baka nakalimutan mong wala na tayong kape,” dagdag pa niya at saka pumasok na sa bahay nila at nagtuloy-tuloy sa pag-akyat sa hagdanan. “Matutulog na rin ako kaya good night!” pahabol pa niya bago tuluyang pumasok sa kanyang silid.
Nagkatinginan na lang ang kanyang ina at si Danrick.

BINABASA MO ANG
The Exes
RomanceMuling makakatagpo ni Summer Ida Mondarlo ang lahat ng kanyang exes, na manggugulo sa nananahimik niyang puso. Sino ang mas mananaig para sa kanya? Si ex-number one, na first love niya? O si ex-number two, ang forgotten ex niya? Ang obsessed niya k...