CHAPTER THIRTY
SA TANTIYA NI SKY ay tapos na sigurong mag-usap sina Summer at Santi kaya naisipan na niyang bumalik sa loob ng visiting area. Subalit tanging ang kaibigan lang niya ang mag-isa sa mesa. Nakaupo lang ito roon at sa isang direksiyon ang mga mata nakatingin. Sa unang sulyap pa lang ay agad nang masasabi na wala roon ang atensiyon nito.
“Where is she?” tanong ni Sky kay Santi nang makalapit siya rito.
Isang sulyap lang ang itinugon ng kaibigan sa kanya.
“I said, where is she?” pag-ulit pa niya ngunit walang ipinagbago sa tugon ng kaharap.
Hinawakan niya ang magkabilang balikat ng kaibigan at bahagyang niyugyog. “Nasaan siya, Santi?”
Iginala niya ang paningin sa paligid ngunit wala roon ang kanyang hinahanap. Kung umalis na ito ay bakit hindi niya napansin? Naroon lang naman siya nakatunganga sa labasan—naghihintay pero . . . bigla siyang natigilan at napaisip. Tumawag ang kanyang ina kaya sinagot naman niya agad at dumistansiya nang kaunti sa puwestong pinaghihintayan nito. Bakit hindi siya nito nilapitan o sinabihan man lang?
Naramdaman ng mga kamay niya ang bahagyang pagyugyog ng mga balikat ng kaibigan. Nang muli niya itong tingnan ay nakayuko na ang lalaki.
“Sky . . . ang s-sakit,” garalgal ang boses na bigkas ni Santi.
Napailing-iling na lang si Sky at tinapik-tapik ang likod ng kaibigan. His best friend really loves her . . . so much. Ang isang Santi na walang inuurungan ay umiiyak dahil sa isang babae. At sa mapaglarong tadhana ay iyon din ang babaeng napupusuan niya. What's happening on earth?
Iniangat ni Sky ang nakayukong ulo ng kaibigan para makita niya ang mukha nito. May tumutulong butil ng tubig ang mga mata nitong namumula. Pinagsalubong niya ang kanilang mga mata bago nagpakawala ng sunod-sunod na tanong. “Bakit? Ano ba ang nangyari? Nasaan ba kasi siya?”
Dumaan muna ang ilang sandali bago ikinuwento ni Santi ang nangyari.
“So natatandaan ka na niya?” Nasa tono ang galak subalit kahit anong pilit ni Sky na pasiglahin ang boses ay hindi lingid ang lungkot sa mga mata nito.
“Sky, it’s not like a movie where you can simply replay specific parts so you can remember the scenes you forgot. Or a book where you can just simply flip the pages to reread the parts.”
Hati ang nararamdaman niya nang marinig ang sinabi nito. Nalulungkot siya para sa kaibigan dahil hindi pa rin ito maalala ng babaeng mahal nito. Natutuwa naman siya para sa kanyang sarili dahil hindi mangyayari ang kinatatakutan niya.
Maituturing na ba siyang kontrabida dahil sa saya na nararamdaman sa kabila ng sakit na nadarama ng matalik na kaibigan?
Matatawag na ba siyang masama kung aaminin niyang ipinagdasal niya na sana hindi na bumalik pa ang alaala ng dalaga?
Ibinalik niya ang atensiyon kay Santi nang muli itong nagsalita.
“Sky, naalala mo iyong napag-usapan natin noong high school pa lang tayo?”
Tanging tango lang ang isinagot ni Sky. Pinagsisihan niya na pumayag siya usapang iyon simula nang makilala nito si Summer.
“Nangako tayo sa isa’t isa na hindi magkakagusto sa isang babae para hindi tayo mag-away. And if ever it will happen we will both forget that girl,” pag-ulit ni Santi sa napagkasunduan nila noon ni Sky.
“Tapos ini-record pa natin ‘yan para hindi natin makalimutan. May copy pa nga ako niyan sa bahay,” segunda naman ni Sky.
“Naulit na naman iyong nangyari noon, Sky. Puwede bang gawin ulit natin ngayon?” tanong ni Santi.
Tiningnan muna ni Sky sa mga mata ang kaibigan. Seryoso nga ito sa mga binitiwang salita.
Gusto niyang sabihin na hindi ngunit ayaw lumabas ang salitang iyon sa kanyang bibig. Gusto niyang sabihing basagin ang napagkasunduan nila noon at hayaan siyang maging masaya sa piling ng dalaga subalit hindi nito magawa.
Hindi lang niya ito matalik na kaibigan. Itinuturing niya rin na saviour ang lalaki. Iniligtas nito ang buhay niya noon. Not once but twice. Kaya nangako siya sa sarili na gagawin niya ang lahat para mabayaran ang nagawa nito sa kanya noon.
Binigyan ni Sky ng ngiti ang kaibigan. Subalit ang mga mata ay nababalot ng lungkot at sakit.
“I’ll do all my best to forget her, Santi.”
BINABASA MO ANG
The Exes
Storie d'amoreMuling makakatagpo ni Summer Ida Mondarlo ang lahat ng kanyang exes, na manggugulo sa nananahimik niyang puso. Sino ang mas mananaig para sa kanya? Si ex-number one, na first love niya? O si ex-number two, ang forgotten ex niya? Ang obsessed niya k...