CHAPTER FORTY
MALAYO PA LANG SA BAHAY ng mga Buenavista ay ang lakas na ng kabog ng dibdib ni Summer.
“Nervous?” tanong ni Sky. Napansin kasi nitong simula sumakay sila ng taxi ay hindi na mapakali ang babae.
“Halata ba?”
Tumango ito. “Relax ka lang. Hindi naman sila nangangagat.”
“Si Sky lang ang nangangagat,” singit muli ni Gio. Ito ang nasa front seat.
Hindi na lang pinansin ng dalawa si Gio. Mukhang may tupak, e. At kahit hindi inimbita ay kusa itong sumama sa kanila. Gusto raw nitong i-witness ang magaganap na pagpapakilala sa kanya sa pamilya ni Sky.
“Nandito na tayo.”
Boses iyon ni Gio. Huminto na ang sasakyan. Tumingin sa labas ang dalaga. Kita niya ang simple ngunit may kalakihang bahay.
“Bumaba ka na,” ani Sky sa kanya.
Tumalina naman siya. Hinayaan lang niya ang mga lalaki na magbaba ng mga bagahe. At isa pa, may hawak siyang bungkos ng mga pink roses. Sabi kasi ni Sky na paborito raw iyon ng ina nito. Kaya naman nagpahinto siya sa flower shop na nadaanan nila.
“Hello, Manang Suling,” magkasabay na bati ng dalawang lalaki sa isang may-edad na babae. Ito ang nagbukas ng gate para sa kanila.
Samantalang si Summer ay nakangiti lang na pinagmasdan ang mga ito.
“Hello din sa inyong dalawa. Tagal nang hindi ko kayo nakita. Lalo ka na Gio,” masayang turan ng matanda. “Bakit ngayon ka lang ulit bumisita?”
“Busy po sa trabaho, e,” sagot naman ni Gio.
“Manang.” Sumingit na si Sky dahil baka humaba pa ang usapan ng dalawa. “Si Summer po. Ang girlfriend ko,” pakilala nito sa dalaga.
“Hello po,” nakangiting wika ni Summer.
Tumingin naman sa kanya ang matanda. Tinitigan siya nang matagal. Nawalang bigla ang masayang aura nito. Tumingin ito kay Sky. Sa kanya ulit. Balik na naman kay Sky. Mas lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Kung kanina ay nagawa pa niyang ngumiti nang batiin ang matanda ay ngayon hirap na siya. Ayaw na lang niya isipin ngunit pakiramdam niya ay may hindi magandang mangyayari. Huwag naman sana.
“Manang Suling!” Pumagitna si Gio. “Huwag mo nga siyang tingnan nang ganyan. Tinatakot mo siya, e. Baka tumakbo ‘yan palayo.”
Muli siyang tiningnan ng matanda. Hindi ibinukas ang bibig ngunit parang narinig niya ang boses nitong sumabay sa hangin na nagsabi ng ‘mabuti nga kung gano'n’. Naipilig ni Summer ang kanyang ulo. Kung ano-ano na ang pumapasok o naririnig niya.
“Summer! Sunlight! Okay ka lang ba?” magkasabay na saad ng dalawang lalaki.
Sumenyas lang siya ng okay sign.
“Pumasok na kayo. Si Manong Randy na ninyo ang bahala sa mga bagahe ninyo,” saad ni Manang Suling. Bago tuluyang pumasok ay tumingin pa ito sa dalaga.
“Nasaan sila, Manang?” tanong ni Sky.
“Nasa loob,” sagot naman ng matanda.
“Halika na, Summer,” ani Sky at saka hinila ang dalaga papasok.
Nanatili naman sa kinatatayuan si Gio. Ilang hakbang na lang ay makakapasok na ito sa loob ngunit biglang nabahag ang kanyang buntot. Siguradong hindi magiging maganda ang idudulot niyon sa kanyang kalusugan. Tatalikod na sana ito nang siyang pagbukas ng main door. Nakatayo na ang mga magulang ni Sky. Naroon din ang Kuya Tyler nito na nasa wheelchair.
“Makaalis na nga lang muna. Family matters ito,” anito at akmang hahakbang nang matigil na naman. Bigla itong nakaramdam ng bigat sa hangin.
Ang mag-asawang may malawak na ngiti na nagbukas ng pinto ay nawala. Kung hindi ito nagkakamali ay galit ang nakikita nito. Ang lalaking nasa wheelchair ay larawan ng isang tao na parang nakakita ng multo. At ang kaibigan na si Sky, tila ba ito ay nalilito. Palipat-lipat ang tingin nito sa pamilya at sa girlfriend nito. Nakita niya na nabitiwan ni Summer ang hawak na mga bulaklak.
“Masama ito,” anito at patakbong pumasok sa loob.
“Ma, ngayon n’yo nga palang nakita ang girlfriend ko galit na agad kayo?” Naguguluhan na si Sky. Hindi nito lubos maisip na iyon ang mangyayari. “Pa? Kuya?” tanong naman nito sa dalawang lalaki. Wala itong nakuhang sagot. “Summer,” baling naman nito sa babaeng may umaagos nang luha sa pisngi.
Hindi umimik si Summer. Hindi na lang nito pinansin si Gio na nasa likuran ng dalaga dahil alam naman nitong wala rin itong alam.
“Ayaw ko nang makita ang pagmumukha ng babaeng ‘yan!” galit na saad ng ginang.
“Ano?” Naihilamos ni Sky ang sariling mga palad. “Iyan lang ang sasabihin ninyo? Walang explanation?”
Wala na naman itong nakuhang sagot.
“Ida.”
Sa wakas ay nakuha rin na ibuka ng kanyang kuya ang bibig nito. Pero teka . . . ano ulit ang sinabi nito? Ida? Biglang napalipat-lipat ang tingin ni Sky sa kanyang kuya at kay Summer.
Maging si Gio ay nagulat sa narinig. Ibig sabihin ay kilala nito ang dalaga. Iilan lang kasi ang tumatawag kay Summer gamit ang ikalawa nitong pangalan.
“Umalis ka na muna,” sabi ng lalaki na nasa wheelchair.
“Ano ba?” Napasigaw na nang malakas si Sky. “Hindi ba talaga kayo magsasalita?”
“Gusto mo talagang malaman?” galit na saad ng ginang. “Puwes sasabihin ko sa ‘yo! Ang babaeng ‘yan!” Tinuro-turo nito si Summer. “Ex ‘yan ni Tyler. Siya ang dahilan kung bakit nagkaganito ang kuya mo!”

BINABASA MO ANG
The Exes
RomanceMuling makakatagpo ni Summer Ida Mondarlo ang lahat ng kanyang exes, na manggugulo sa nananahimik niyang puso. Sino ang mas mananaig para sa kanya? Si ex-number one, na first love niya? O si ex-number two, ang forgotten ex niya? Ang obsessed niya k...