CHAPTER FIFTY-TWO
MAGAAN ANG PAKIRAMDAM ni Summer habang naglalakad siya papasok ng hotel.
Tama nga ang naging desisyon niya na kausapin si Chelsea. Hindi pa man naibabalik ang pagiging mag-best friend nila pero masasabi niyang hindi na sila magkaaway. Naipaintindi na niya rito na hindi siya nito karibal.
Natigil si Summer sa gitna ng lobby nang makita niya ang isang lalaki na nakaupo sa wheelchair.
“Good morning, Ida!” bati nito sa kanya na may alanganing ngiti sa mga labi. “Can we talk?”
Lumipas ang ilang sandali na hindi nagsalita si Summer. Nakatingin lang siya sa lalaki.
Kung ang nangyari dito ang naging kabayaran nito sa mga nagawa nito sa kanya noon, parang sobra-sobra ito. Galit na galit siya rito noon at inaamin niyang may kaunting galit pa siya para dito. Subalit hindi naman niya hiniling na mapahamak ito.
Bumuntong-hininga siya bago initango ang ulo niya. Kahit may nagawa itong masama sa kanya noon, kapatid pa rin ito ng lalaking mahal niya. Hindi niya ito maiiwasan habambuhay.
“Doon tayo sa may dalampasigan mag-usap,” seryoso ang mukha na sabi ni Summer. “Itulak na kita,” pagpresenta niya.
Ilang minuto lang ay nasa dalampasigan na sila. Pareho silang nakaharap sa mapayapang dagat.
Lumipas pa ang ilang sandali na walang nagsalita sa kanila. Magkasalubong ang mga kilay na tiningnan niya ang lalaki. Ito ang gustong makipag-usap sa kanya pero ayaw naman magsalita.
“I don’t have all the time in the world. Kung may gusto kang sabihin ay sabihin mo na, Tyler!” pagbasag ni Summer sa katahimikan.
Napahinga nang malalim si Tyler bago nito tiningnan sa mukha ang dalaga.
“Gusto kong lumuhod sa harapan mo para humingi ng tawad sa mga nagawa ko sa ‘yo noon. Pero nakita mo naman . . .” Itinuro nito ang mga binti nito. “Hindi ko na ‘yon magagawa dahil sa kalagayan ko kaya pasensiya ka na.”
“Hindi ako Diyos para luhuran mo kaya maupo ka lang diyan.”
Nakita naman ni Summer na sincere ito sa paghingi ng tawad sa kanya. Mukhang pinagsisihan na nito kung ano man ang mga nagawa nito sa kanya.
“Sincerity is enough for me,” wika ni Summer. Hindi naman siya mahirap magpatawad. Basta makita lang niya na nagsisisi ito ay ayos na sa kanya.
Muling nagsalita si Tyler. “Pagpasensiyahan mo rin ang mama namin sa naging asal niya.”
“Ayos lang,” sagot naman niya. “Iisipin ko na lang na hindi nila alam ang mga nagawa mo sa akin at ako ang sinisisi nila sa nangyari sa ‘yo.”
“Tama ka,” nakayuko ang ulo na saad ni Tyler. “Pasensiya ka na talaga, Ida.”
“Let’s forget it. It’s not a big deal anyway. Naiintindihan ko sila.”
Nag-angat ng ulo si Tyler at tiningnan nitong muli sa mukha si Summer. Ilang sandali rin siyang napatitig dito. Sa nakalipas na mga taon ay mas lalong gumanda ang dalaga sa kanyang paningin. Her beauty is like a fine wine. The older she gets, the more beautiful she becomes.
Tumikhim-tikhim si Summer para agawin ang pansin ng lalaking nakatanga sa harapan niya.
“S-Sorry, Ida,” nauutal na bigkas nito at saka mabilis na nag-iwas ng tingin.
Pumalatak si Summer. “Kung wala ka nang mahalagang sasabihin ay tapusin na natin ang pag-uusap na ito.”
“‘Wag muna. May gusto pa akong sabihin, Ida.”
“Kung gano’n ay sabihin mo na,” nakataas ang isang kilay na ani Summer.
Huminga muna nang malalim ang lalaki at may malulungkot na mga mata na hinarap ang dalaga. “Ida, I hope . . . kung ano man ang mga nagawa ko ay hindi makaapekto sa inyong dalawa ng kapatid ko. Simula nang malumpo ako . . . si Skyler na ang inaasahan ng pamilya namin. Gusto kong maging masaya ang kapatid ko.”
Nagsalita si Summer. “Kung ‘yan lang ang inaalala mo. Huwag kang mag-alala. Hindi nakaapekto ang kung ano man ang nangyari sa pagitan natin sa nararamdaman ko kay Sky. Hindi ako gano’n kababaw. Higit sa lahat, hindi mababaw ang nararamdaman ko para sa kanya.”
“Salamat. Masaya akong marinig ang mga sinabi mo, Ida,” ani Tyler. Napabuga ito ng hangin na para bang nakahinga ito nang maluwag. “Tungkol naman sa mama namin . . . para makabawi ako sa mga kasalanan ko ay tutulungan kita para mapasagot mo ang mama namin.”
“Thank you. Aasahan ko ‘yang sinabi mo, Tyler.”
“Puwede ka nang umalis, Ida. Kanina pa naghihintay si Skyler sa ‘yo.”
Magkasalubong ang mga kilay na tiningnan ni Summer ang lalaki. Hindi niya makuha ang nais nitong sabihin.
Nginitian siya ni Tyler. “Hinihintay ka ni Skyler sa lugar kung saan kayo pinakaunang beses na nagkitang dalawa.”
BINABASA MO ANG
The Exes
RomansaMuling makakatagpo ni Summer Ida Mondarlo ang lahat ng kanyang exes, na manggugulo sa nananahimik niyang puso. Sino ang mas mananaig para sa kanya? Si ex-number one, na first love niya? O si ex-number two, ang forgotten ex niya? Ang obsessed niya k...