TE 39

226 53 0
                                    

CHAPTER THIRTY-NINE

MASAMANG BALITA. May malakas na bagyo. At ang masaklap ay isang lugar lang ang pininsala nito. Nagresulta ng kalat at dumi. May mga nilamukos na papel, junkfood wrapers, softdrinks in can sa sahig. Umaapaw na garbage can. Nagkalat ang mga damit, sapatos, sandal at kung ano-ano pang abobot.

        “Dios ko naman, Ida! Bakit ganito ang silid mo?” saad ng may-edad na babae na nakatayo sa may pinto. May suot pa itong Betty Boop na apron. “At bakit hindi ka pa tapos mag-impake?” anito habang nakatingin sa nakatiwangwang na malaking maleta sa ibabaw ng kama.

        “Ma, tulungan mo 'ko. Hindi ko alam kung ano ang mga dadalhin ko.”

        “Bakit mo ba ‘yan pinoproblema? Kahit ano. Ang mahalaga ay may magamit ka.”

        Napanguso ang dalaga. “Mama, naman, e! Alam mo namang ipapakilala na niya ako sa pamilya niya. Siyempre ayaw kong mapahiya, ano?”

        “Ikaw talagang babae ka!” saad ng ginang at naglakad palapit sa anak na nakaupo sa kama. “Sabi nga nila, ‘just be yourself’. Kung ano ang sa tingin mo ang maganda at komportable ay iyan na ang dalhin mo.” Umupo ito sa tabi ng anak. “Hindi mo kailangang magpa-impress para lang magustuhan nila. Kung ano ang tunay na ikaw ay iyon ang ipakita mo sa kanila.”

        “'Yan din ba ang ginawa mo nang ipakilala ka ni Papa kina lolo’t lola?”

        Nakangiting tumango-tango ang ginang. “Sige na, Ida. Tapusin mo na ‘to. Maya-maya lang darating na ‘yong si Sky. Tumawag siya kanina, on the way na raw siya. Sige na baba na ako dahil baka masunog na iyong niluluto ko.” Tumayo na ito at saka naglakad palabas ng silid.

        “Salamat, Ma. You’re the best!” pahabol ng dalaga.

        Ngiti lang ang itinugon ng ginang.

        Pinalipas niya muna ang ilang sandali bago tumayo. Lumapit siya sa closet at kumuha ng mga damit at inilagay sa maleta. Wala pang sampung minuto ay tapos na siyang makapag-impake at makapagbihis. Hinila na niya ang bagahe palabas ng silid.

        “Ako na ang magdadala niyan.”

        Bahagyang napaigtad ang dalaga at nabitiwan ang dala nang may bigla na lang nagsalita pagkabukas pa lang niya ng pinto.

        “Sky, naman, e!” Napapadyak siya.

        “Sorry. Nagulat ba kita?” nakangiti pang saad nito. Tila ba naaliw pa ito sa nagawa.

        “'Di ba obvious?” nakairap na saad niya.

        “Sorry na.” Bahagya itong yumuko upang magpantay ang mga mukha nila ng dalaga. “Ano’ng gusto mo para makabawi ako?”

        Umatras nang kaunti si Summer. Tatlong buwan na rin silang magkasintahan ni Sky pero nakararamdam pa rin siya ng ilang kapag sobrang lapit na ng kanilang mga mukha.

        “No need na. Ibaba mo na lang ‘yang ba— Ayy!” Malakas siyang napasigaw nang walang pasabi siya na binuhat ng lalaki na parang sako at bumaba ng hagdanan. “Ano ba, Sky! Sabi ko iyong bagahe ko ang ibaba mo, hindi ako.”

        “Huwag ka ngang malikot, Summer! Baka mahulog tayo,” anito sabay palo sa pang-upo ng dalaga.

        Nahinto naman ang dalaga sa paggalaw. Ilang segundo lang ay pinaglakbay niya ang isang kamay patungo sa pinalo ng lalaki. Sa halip na sakit ay iba ang naramdaman niya. Ay basta kakaiba. Baka kung saan pa mapunta ang kanyang imahinasyon.

The ExesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon