CHAPTER TWENTY-FIVE
SA HALIP NA MAG-ABANG ng masasakyan ay napagpasyahan ni Summer na maglakad-lakad muna. Tinahak niya ang daan pakaliwa. Balak niyang mag-window shopping. Huminto siya sa harap ng isang boutique at tiningnan ang mga naka-display na mga wedding gowns na suot ng mga mannequin.
Naisip niya kung kailan kaya siya makapagsusuot niyon at maglalakad patungo sa altar. Natigil siya sa pagmunimuni nang mapansin niyang may parang kanina pa nakatingin sa kanya. Bigla siyang kinabahan. Marami pa naman siyang narinig sa mga balita na uso raw ang kidnapping ng mga babae na hindi pa nalalaman kung ano ang gagawin ng mga sindikato sa mga kini-kidnap ng mga ito. Ang hula ng mga awtoridad ay gagawin daw bugaw. Iginala niya ang tingin sa paligid at may nakita siyang nagtatago sa poste. Wala siyang ideya kung sino dahil tanging balikat lang ng jacket ang nakita niya at mga tao sa paligid ay may kanya-kanyang pinagkakaabalahan.
Mabibilis siyang humakbang palayo roon hanggang sa naging takbo na ang kanyang ginawa. Nang malayo na ang kanyang natakbo ay tumigil siya sandali dahil hinihingal siya. Napayuko siya habang nakalagay ang mga kamay sa tuhod niya. Ilang segundo siya sa ganoong posisyon nang makita niyang may isang pares ng sapatos na nakatayo sa harap niya. Nag-angat siya ng tingin upang alamin kung sino ang nagmamay-ari niyon.
“What do y—”Hindi niya natapos ang itatanong nang bigla nitong hinawakan ang kamay niya at saka hinila siya.
“Ano ba’ng problema mo, Sky? Bakit bigla ka na lang nanghihila?” pagrereklamo niya dahil halos magkadapa-dapa na siya sa bilis nitong maglakad.
Hindi sumagot ang lalaki at patuloy siyang hinila patungo sa isang hindi mataong lugar.
Napahawak naman si Summer sa kanyang kamay matapos siyang bitiwan nito. Sobrang pula na niyon.
Tiningnan niya ang galit na mukha ng lalaki. “Ano ba’ng ikinagagalit mo sa akin?” maluha-luha niyang tanong dito. Wala naman siyang ginawang masama rito. Kung tutuusin siya pa nga ang dapat magalit dahil sa ginawa nito sa kanya. Ang tungkol sa nangyari noon sa bahay niya sa isla at pang-aakyat-bahay nito.
Pinaglakbay ng lalaki ang mga mata nito sa kabuuan ng dalaga. “Alam mo, hindi ka naman sobrang ganda. I already meet a lot of women before who are better than you.”
Napaawang ang labi ng dalaga. Iniinsulto ba siya nito? Kasi aaminin niyang may bahagi ng kanyang dibdib ang kumirot. “So ano’ng connect niyan para magalit ka sa akin?”
“Hindi ako galit sa ‘yo, Summer! Galit ako dito!” Sinuntok-suntok nito ang kaliwang dibdib. “Galit ako dito kung bakit sa dinami-rami ng mga babae ikaw pa ang itinitibok nito! Bakit sa ex pa ng mga best friends ko?”
Napatakip si Summer sa kanyang bibig dahil sa narinig. Ito na iyong moment na hinihintay niya kaya dapat ay tumalon siya sa tuwa o yakapin ang lalaki pero hindi magawa. Naroon kasi sa likod ni Sky sina Gio at Danrick.
TIRIK NA ANG ARAW NGUNIT hindi pa rin bumabangon si Summer. Daig pa niya ang broken-hearted dahil gusto lang niyang magmukmok sa loob ng kanyang silid. Nakadapa siyang nakahiga habang nakabaon ang mukha sa unan. Narinig niya ang tunog ng pagbukas at pagsara ng pinto, maging ang ingay ng yapak ng mga paa.
“Ida.”
Nagkunwari siyang tulog.
“Alam kong gising ka kaya bumangon ka na, anak.”
Hindi pa rin siya kumilos at pinanindigan ang pagkukunwari. Naramdaman niyang umupo ang ina sa kanyang kama.
“Kahit hindi mo sinabi ay alam ko ang totoong nangyari sa inyo noon ni Danrick at ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan ngayon.”
Napabangon nang mabilis si Summer at umupo sa kanyang kama paharap sa ina. Nagtatanong ang kanyang mga mata kung paano nito nalaman ang totoo.
“Nasa labas siya ng bahay. Kanina pa siya pumunta dito at nagkausap kami. Malakas ang pakiramdam ko na may kakaibang nangyari kahapon dahil parang iba siya ngayon,” saad ng kanyang ina.
Napaisip siya sa sinabi ng ina. May nangyari nga kaya? Wala siyang ideya dahil nang makita niya na naroon ang tatlong lalaki ay nagtatakbo siya palayo.
“Hindi ka nagalit sa kanya?” pagtataka niyang tanong. Wala kasi siyang mababakas na kahit anong galit o inis sa mukha nito.
Umiling ang kanyang ina at saka ngumiti. “Kung magagalit ba ako sa kaniya ay maibabalik ba ang nakaraan upang maitama ang mali niyang nagawa?” tanong ng ina niya.
Umiling lang siya bilang sagot dito.
“Kahit pa sabihin nating nagkasala siya ay hindi naman niya iyon sinasadya at naniniwala ako roon. Sa sitwasyon ninyong dalawa ay iyon ang naging dahilan ng inyong paghihiwalay. Hindi mo siya binigyan ng isa pang pagkakataon. Sumuko ka kaagad. Pero naiintindihan kita kasi masakit naman talaga ang nakita mo.”
Nagsimula nang magtubig ang kaniyang mga mata. “M-ma . . .” Tuluyan nang pumatak ang luha sa kanyang pisngi. “Alam mo kung gaano ko minahal si Danrick noon. Ibinigay ko ang lahat kaya hindi n’yo ako masisisi kung iniiwasan ko na magkausap kami dahil labis niya akong sinaktan noon. At aaminin kong hanggang ngayon ay may bahagi pa rin ng puso ko ang nasasaktan sa tuwing naalala ko ang nangyari noon. Kahit masakit, Ma, pinilit kong maging malakas at kinalimutan siya. Pero bigla siyang babalik kung kailan okay na ako. ‘Di ba, nakakainis ang ganoon?” saad niya sabay punas sa kanyang mga luha.
“Anak, hindi ko ito sinasabi sa ‘yo para makipagbalikan ka sa kanya. Ang punto ko ay kailangan mong palayain ang natitirang galit diyan sa puso mo sa kanya para maging lubos kang masaya,” saad ng kanyang ina at kinuha ang kamay niya para hawakan. “Sinabi niya sa aking mahal na mahal ka pa rin niya. Ikaw ba anak may pagmamahal pang natitira diyan sa puso mo para sa kanya?”
Hindi siya agad nakasagot. Nagbaba siya ng tingin at saka inilagay sa tapat ng dibdib ang isang kamay. Ilang sandali ay umiling-iling siya.
“Kung wala ng pagmamahal diyan sa puso mo para sa kaniya ay bakit hindi mo rin subukang alisin iyang bitterness sa puso mo. Walang mangyayaring maganda kong palagi ka na lang galit kay Danrick. Masyado nang matagal na panahon ang lumipas. Sige na mag-ayos ka na ng sarili. Kausapin mo si Danrick andoon siya sa garden natin. Nahihiya na raw siyang pumasok dahil alam ko na ang totoo. Sabi niya, hindi pa raw kayo nagkausap nang maayos dahil palagi mo siyang iniiwasan. Ida, hindi puwedeng ganoon na lang palagi. Kailangan n'yo mag-usap. Sige na at lalabas na ako para makapag-ayos ka na,” nakangiting saad ng kanyang ina.
Niyakap siya nito pagkatapos ay hinalikan sa noo. Tumayo na ito sa kama at naglakad palabas ng silid. Bago nito isinara ang pinto ay may pahabol na salita ang ina. “May isa ka pa palang bisita pero agad din na umalis nang makita si Danrick.”
“Sino, Ma?”
“Si Sky.”
BINABASA MO ANG
The Exes
RomanceMuling makakatagpo ni Summer Ida Mondarlo ang lahat ng kanyang exes, na manggugulo sa nananahimik niyang puso. Sino ang mas mananaig para sa kanya? Si ex-number one, na first love niya? O si ex-number two, ang forgotten ex niya? Ang obsessed niya k...