CHAPTER FORTY-THREE
NABABALOT NG PAG-AALALA ang tatlong pares ng mga mata habang sila ay nakatingin sa isang nakasaradong pinto.
Lumapit ang may edad na lalaki sa pintuan at ilang beses nitong kinatok nang malakas ang pinto.
“Ano ba, Skyler! Ilang araw ka nang nagkukulong sa kuwarto mo. Lumabas ka na!” pasigaw na turan ng ginong.
“Manang Suling!” pagtawag ng ginang.
Ilang sandali lang ay lumabas ang isang matandang babae mula sa kitchen.
“Hindi mo pa rin ba nahahanap ang spare keys?”
Umiling-iling si Manang Suling. “Pasensiya na. Kung saan-saan ko na hinanap pero wala talaga.”
“'Wag n’yo na hanapin. Kinuha ni Sky,” sabat ng lalaking nakaupo sa wheelchair.
“Bakit ngayon mo lang sinabi?” May kalakasan at may bahid ng kaunting galit sa boses ng ginang habang nakatingin sa anak. Muli nitong tiningnan ang matanda. “Balik ka na sa trabaho mo, Manang Suling.”
Tumango-tango naman ang matanda at bumalik na ito sa pinanggalingan.
“Hayaan n’yo na lang muna si Sky. Lalabas din ‘yan,” turan ni Tyler.
“Hayaan?” pasigaw na saad ng ginang. “Hihintayin lang siya kung hanggang kailan siya lalabas? Paano kung may nangyari na pala na masama? Paano kung matu—” Hindi nito naituloy ang sasabihin nang madako ang mga mata nito sa mga binti ng panganay na anak.
“Kung sasabihin mong baka matulad sa ‘kin si Sky? ‘Wag kayong mag-alala. Hindi ‘yon mangyayari. . . hindi ko ‘yan hahayaang mangyari,” puno ng determinasyon na sabi nito.
“Kasalanan ito ng babaeng ‘yon! Bakit naman kasi sa dinami-rami ng lalaki, si Skyler pa ang napili niyang landiin?” turan ng ginang.
“Don’t say that! Hindi ganyang babae si Ida!”
Nanlalaki ang mga mata at may nakaawang na mga bibig habang sila ay nakatingin kay Tyler. Ilang beses din na kumurap ang ginang. Baka kasi nagkakamali lang siya. Pero hindi! Ito talaga ang sumigaw at may galit na galit na mukha habang nakatingin sa kanya.
“Huwag mo ngang tingnan ang mama mo ng ganyan!” saway ng ginong. “Baka ma—” Hindi niya naituloy ang sasabihin nang ibaling ni Tyler ang masama nitong tingin sa kanya.
Nakabawi naman sa bahagyang pagkagulat ang ginang at saka tiningnan din nito nang masama ang panganay. “Bakit mo ba ipinagtatanggol ang babaeng ‘yon?” pasigaw na anito. “Baka nakakalimutan mong ang Ida na ‘yon ang dahilan kung bakit ka ganyan ngayon!”
“Hindi ko siya ipinagtatanggol! Sinasabi ko lang na hindi siya ganyang babae!” malakas na saad nito. “Hindi niya nilandi si Sky. Nagkataon lang na nahulog sila sa isa’t isa.”
“Hindi ipinagtatanggol?” Mas malakas na ang boses ng ginang. “E ano ‘yang tawag mo sa ginagawa mo ngayon, ha?”
“I’m just stating a fact!”
“Tyler, ‘wag mong pagtataasan ng boses ang mama mo!” saway ng ginong dito.
Hindi naman pinansin ni Tyler ang sinabi ng stepfather nito.
Sa ikalawang pagkakataon, umawang muli ang bibig ng ginang at may hindi makapaniwalang mukha. Pinagtataasan siya ng boses ng panganay na anak. Hindi ito ang reaksiyon na inaasahan niyang makita. Hindi ganitong mga salita ang inaasahan niyang marinig. Sa halip na sa Ida na iyon ito magalit ay sa kanya pa ito galit. Sa halip na kamuhian nito ang Ida na iyon, bakit ipinagtatanggol pa nito?
Hindi niya gustong isipin pero iisa lang ang dahilan na pumasok sa kanyang isipan kung bakit ganito ang kanyang anak.
Mahal pa ba ng panganay niya ang ex-girlfriend nito na girlfriend na ngayon ng bunso niya?
Huminga si Tyler nang malalim bago nito tiningnan ang ina sa mga mata. “Nagtangka akong magpakamatay dahil hiniwalayan niya ako. Totoo ‘yan. Pero wala siyang kasalanan sa kung ano man ang nangyari sa akin. Hindi niya deserve ang mga masasakit na salita, ang mga mura at galit ninyo.”
“Ano ba’ang ipinupunto mo, Tyler?” tanong ng kanyang stepfather.
Nagsalitang muli si Tyler, “Ni minsan ba tinanong ninyo kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit niya ako hiniwalayan?”
Nagkatinginan ang mag-asawa. Para silang nag-uusap gamit lang ang kanilang mga mata. Inaamin nilang wala silang alam at hindi rin nila binalak pang alamin. Nang malaman nila na nagtangka itong magpakamatay ay galit na galit sila. Para maibsan ang nararamdaman ay kailangan na may mapagbuntunan sila. At ang ex-girlfriend nito ang napili nilang sasalo ng kanilang galit at masasakit na mga salita.
Ilang sandali pa, muli nilang hinarap ang binata.
“Mahalaga pa bang malaman namin ‘yan?”
Tumango-tango si Tyler sa tanong ng ina. “Kung alam n’yo lang kung ano ang nagawa ko sa kan—” Naputol ang sasabihin nito nang mapadako ang kanyang tingin sa nakabukas na pinto. Nakatayo roon ang haggard na kapatid.
Gulo-gulo ang buhok at nangingitim ang gilid ng mga mata. Tumubo na ang balbas sa mukha at gusot-gusot ang damit na suot pa nito noong pag-uwi nito.
“Sky! Mabuti’t lumabas ka na,” may galak sa boses na wika ng ginang. “Gusto mo na bang ku—” Natigil siya sa pagsasalita at nawala ang saya sa mukha nito. Hindi dahil sa itsura ng anak kung ‘di dahil sa emosyon na makikita sa mga mata nito.
“Ano’ng ginawa mo sa kanya?”
Tila naestatwa si Tyler at hindi nakapagsalita dahil sa tingin ni Sky sa kanya. Para siya nitong kakainin nang buhay. Kung hindi lang siya nakaupo sa wheelchair ay baka kanina pa siya bumulagta sa sahig.
“Ano’ng ginawa mo sa kanya?” wika ni Sky na mas malakas at mas madiin.
Sinalubong ni Tyler ang galit na galit na mga mata ng kapatid bago ito nagsalita. “I hurt her emotionally and physically. Hindi lang ‘yan . . . muntik na rin siyang magkaro’n ng criminal record dahil sa ‘kin.”
BINABASA MO ANG
The Exes
RomanceMuling makakatagpo ni Summer Ida Mondarlo ang lahat ng kanyang exes, na manggugulo sa nananahimik niyang puso. Sino ang mas mananaig para sa kanya? Si ex-number one, na first love niya? O si ex-number two, ang forgotten ex niya? Ang obsessed niya k...