TE 47

224 52 0
                                    

CHAPTER FORTY-SEVEN

“SUMMER.”

        Ang pagtawag sa pangalan niya ang nakapagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.

        “Sky,” sambit niya sa pangalan ng lalaking nasa kanyang tabi.

        “Summer, I—”

        “Alam ko na ang sasabihin mo,” putol niya sa lalaki. Ayaw na niyang marinig nang paulit-ulit. Sobrang masakit sa dibdib. “Narinig ko ang usapan ninyo ni mama.”

        Ilang sandali naman na tinitigan ng lalaki ang dalaga. Malinaw na nakikita nito sa mga mata ang sakit at panghihinayang. “Still . . . gusto ko pa rin na mag-sorry sa 'yo, Summer. Kahit ayaw kong gawin pero kailangan dahil sa buhay ng mama ko ang nakataya.”

        “Hindi mo kailangang mag-sorry, Sky. If I were in your shoes, I'd do the same. So don't make it a big deal. I do understand you.”

        “Gusto ko rin na humingi ng tawad sa nagawa ng kuya ko. Kung alam ko lang, Summer, sana pinigilan ko na lang ang sarili ko na lapitan ka noon. Hindi ka na sana nasasaktan ngayon.”

        Magsasalita pa sana si Summer ngunit natigil nang tumunog ang cell phone ni Sky. Tumatawag ang ama nito. Mabilis naman nagpaalam sa kanya ang binata. Hinayaan na lang niya kahit marami pa sana siyang gustong sabihin. Mukhang may hindi magandang nangyari sa mama nito.

         Nang maglaho sa kanyang paningin ang binata ay pabagsak siyang naupo sa buhangin. Hinayaan niyang magsipatakan ang mga luha sa magkabilang pisngi.

        Makalipas ang ilang minuto ay nakaramdam siya ng isang pamilyar na yakap sa kanyang likuran. Alam din niya ang amoy nito.

        Mas lalo siyang naluha. “It's over, Gio. W-wala na kami.” Hirap pa rin sa kanya ang sabihin na wala na sila kahit pinaghandaan na niya ang araw na 'yon.

        “Hush, sunlight. Hindi mo kailangan pang magsalita. Umiyak ka lang para mabawasan ang sakit na nararamdaman mo.”

        Nang mga sandaling iyon, hiniling niya na sana bumuhos ang napakalakas na ulan. Kagaya sa palaging napapanood niya sa mga palabas. Sa tuwing maghihiwalay ang mga bida o mag-aaway, o may malaking problema na kinahaharap ay palaging umuulan. Tapos magpapaulan ito. Pero bakit sa kanya walang nangyayari na ganoon? Gusto niya rin na umulan para kahit gaano man karaming luha ang pumatak ay hindi magiging halata.

        Pumikit siya. Maya-maya ay naramdaman niya na may nagsipatakan sa kanyang mukha.

        Umuulan na ba? Nang kapain niya iyon ay naningkit ang kanyang mga mata. Buhangin. Sino ang walang hiya na tapunan ang kanyang magandang mukha?

        Isang lingon lang ay nakita na agad niya ang salarin. Kumuha ito ng buhangin at muling itinapon sa kanya. Mabuti na lang ay mabilis siyang napapikit dahil baka mabulag siya sa pinaggagawa ng babae.

        “Stop it, Chelsea!” galit na sigaw ni Gio. Ginawa nitong harang ang sarili para hindi na matama ang mga buhangin sa dalaga.

        “Stop?” malakas ang boses na saad ni Chelsea. “Tawag ako sa 'yo nang tawag, hindi mo sinasagot. Kahit isang reply sa mga text ko wala akong natanggap. Alalang-alala ako sa 'yo kaya kita pinuntahan dito pero ito lang ang maaabutan ko? Napakawalang-hiya ninyong dalawa. At ikaw, Ida. Ang landi mo talaga. May boyfriend ka na nga, inaakit mo pa si Gio.”

        Kumawala si Summer sa yakap ni Gio at tumayo. “Hoy, babae!” Tinuro niya ang isang daliri at ang isang kamay ay nasa baywang. “Huwag ka nga magtatalak ng kung ano-ano. Kino-comfort lang niya ako dahil sa naghiwalay na kami ni Sky.”

        “Ano? Hiwalay na kayo?” Mabilis itong nakalapit sa kanya at hinawakan ang kamay niya at saka siya nito hinila. “Sumama ka sa 'kin, Ida. Kailangan nating puntahan si Sky. Magmakaawa ka sa kanya para makipagbalikan siya sa 'yo. Kung kailangan mong lumuhod, gawin mo!”

        Nawindang sina Gio at Summer sa narinig.

        Malakas na binawi ng dalaga ang kanyang kamay. Tiningnan niya ito ng may hindi makapaniwalang ekpresiyon. “Nababaliw ka na, Chelsea. Pahatid ka na sa mental.”

        “Talagang mababaliw ako kapag kayo naman ang nagkabalikan!” Itinuro silang dalawa ni Gio. “Kaya sumama ka sa akin. Pupuntahan natin si Sky. Hindi kayo puwedeng maghiwalay!” Muli nitong hinila si Summer. Muntik pang mangudngod ang dalaga dahil sa lakas ng pagkakahila nito.

        This time, si Gio na ang kumilos. Inilayo niya si Chelsea kay Summer. Hinawakan nito ang magkabilang balikat ng babae at bahagyang niyugyog. Baka magising sa kabaliwan. “Huwag kang magsasalita ng kung ano-ano, Chelsea. Hindi mo alam ang buong kuwento.”

        “Natatakot ako na agawin ka niya sa akin, Gio.”

        Napasabunot ng sariling buhok si Summer sa pinagsasabi ng bruhang ito. “Ilayo mo sa akin ang babaeng 'yan, Giovanni, bago pa magdilim ang paningin ko!”

The ExesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon