MY FAT SUITOR
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 2
Unedited...
"Tama na nga 'yang kain!" saway nito kay
Luis nang pagpasok niya sa kusina, kumakain
na naman si Gab. Kakatapos lang nila ng
hapunan at patulog na sana siya nang may
marinig niya ang kaluskos dito sa kusina.
"Ano ba ang pakialam mo kung kakain ako?"
nakakunot ang noong wika ni Gab at
hinablot ang sandwich.
"Gab naman! Wala nang natitirang pagkain
sa kusina!" ani ng kakambal.
"E di bumili kayo!" sagot ni Gab.
"Hindi ka na ba naaawa sa sarili? Tingnan
mo nga ang katawan mo! Wala ka nang
leeg. Kailangan pa nating magpatahi ng mga
damit mo dahil wala kang size sa tindahan,"
ani LL junior na nag-aalala para sa
kakambal. Hindi na kasi tama ang pagiging
mataba nito.
Nagulat siya nang tinapon ni Gabriele ang
sandwich sa pader. Kahit sina Ann at GV na
papasok sa kusina ay nagulat din.
"Kumakain ako pero iniistorbo ninyo ako!
Kung anu-ano pa ang pinagsasabi ninyo sa
akin. Kesyo ganito, kesyo ganiyan.
Nakakasawa na!" naririnding sabi ni Gab saka
pagalit na tumayo at tumungo sa elevator.
Patagilid pa itong pumasok dahil ilang
pulgada na lang, hindi na siya kakasya. So
bale, lahat na lang ng bagay at gamit ay sila
ang nag-aadjust sa size niya.
"Mom? Hindi na tama ang katabaan ni Gab,"
sabi ni Loki Luis.
"Kasi kapag kumakain siya, huwag ninyo
siyang pagsalitaan ng masama," ani Ann saka
sinundan ang apo.
"Kasi si Lola, hindi sinasaway," narinig pa
niyang reklamo ng apong si Luis pero hindi
na siya nag-abala pang balikan ito. Pumasok
siya sa elevator at nang makarating sa
kuwarto ni Gabriel Vince ay kumatok siya
bago buksan. Habang college, dito muna
ang mga apo niya dahil walang elevator aa
bahay nila, pinapagawa pa lang. Nahihirapan
na kasing umakyat si Gabriele at sa gitna pa
lang ay hinihingal na.
"Apo?" tawag niya sa binatang nakahiga sa
kama. Napakagat si Ann sa ibabang labi nang
makitang halos bumaon na ang buong
katawan nito sa malaking kama.
"Nandito rin ba kayo para sermunan ako sa
pagkain ko?" tanong ni Gab at kinuha ang
tablet saka naglaro.
"Hindi," tanggi ni Ann saka naupo sa tabi
nito. "Huwag mong ang dibdibin ang
sinasabi nila. Alam ko namang gusto mong
pumayat pero masarap lang talaga ang
pagkain."
"Mabuti pa po kayo, lola, naiintindihan mo
po ako," malungkot na wika ni Gab saka
naupo sa kama. Agad namang tumayo si Ann
at pasimpleng napahawak sa dibdib. Hindi
niya inaasahang gagalaw ang apo kaya akala
niya, may lindol.
"Oo naman. Basta huwag ka lang ma-
depress. Ang bata mo pa para
magkaproblema sa katawan mo," ani Ann.
17 years old pa lang ang kambal. Palagi rin
namang nabu-bully si Gabriel Vince sa
katabaan nito pero hindi ito nagpapatalo.
Paano, tinuruan ito ni Mandy na lumaban.
"Hindi naman po ako depress, Lola Ann. Isa
pa, ang pogi ko para isipin ang mga
pinagsasabi ng nasa paligid ko," wika ni Gab
kaya napangiti si Ann.
"Ganiyan nga, apo. Lumaban ka lang. Mahal
na mahal kita. Ano ba ang gusto mo?
Nagugutom ka na ba?" tanong ni Ann.
"Opo, Lola. Kailangan ko po ng pagkain,
kumakalam ang sikmura ko," sagot ni Gab.
Napatingin si Ann sa wallclock. Alas diyes na
ng gabi. "Sige, ipagluluto kita. Ano ba ang
gusto mo?" masayang tanong ni Ann kaya
napanganga si Gab.
"B-Busog na po pala ako, Lola. Ang dami ko
po palang kinakain," sabi ni Gabriele habang
hinihimas ang tiyan para mas convincing.
"Ganoon ba? Mabuti nga at mag-diet ka,"
sabi ni Ann saka lumabas na.
Dahan-dahang bumangon si Gab saka
lumapit sa kilohan. Nanlumo siya nang
makitang 195kgs siya o 429 pounds.
Pabagsak na inihiga niya ang katawan sa
malambot na kama. Alam naman niyang
hindi siya ang pinakamatabang tao sa
mundo o Pilipinas pero minsan lang siyang
makatagpo ng lalaking kasintaba niya.
Napasulyap siya sa litratong nasa bedside
table. Walong taong gulang pa lang siya
noon at kasing payat pa niya ang kakambal.
----------------
Nasa library si Nica habang nagbabasa ng
notes at hiniram na libro. May half-hour pa
naman siya bago ang first subject nila
ngayong hapon. Napatingin siya sa lalaking
papasok.
Iniwas niya ang mga mata dahil baka mahuli
siya nitong tumitingin pero pinakiramdaman
niya ang bawat kilos nito. Lumapit ito sa
counter at iniwan ang bag saka kumuha ng
aklat.
Marami pa naman ang bakanteng upuan kaya
sa pinakadulo ng mesa nito napiling
pumuwesto. Napansin niyang napapasulyap
ito sa babaeng nagbabasa na nasa kabilang
table. Maganda ito, may kapayatan lang at
mukhang barbie doll dahil ang liit ng
bilugang mukha.
"Miss? Puwede bang doon ka na lang?"
tanong ng babaeng nasa harapan niyang
may kasamang nakasalamin at marami ang
librong dala.
"Bakit?" tanong ni Nica. Ang daming space
pero dito pa talaga sila manggambala.
"Para malayo sa librarian. Mag-aral kasi kami
ng kaibigan ko kaya medyo maingay kasi
magtatanungan lang pero kung ayaw mo,
okay lang," sagot nito kaya tumayo si Nica
saka kinuha ang mga aklat.
"Sige lang, tapos na rin naman ako," sagot
ni Nica at ibinalik ang hiniram na aklat saka
lumabas na ng library at dumiretso sa
classroom.
"Nica?" tawag ni James na kaklase niya.
Hinila nito ang upuan at naupo sa tabi niya.
"Puwedeng magtanong?"
"Ano 'yon?" tanong ni Nica. May mga
kakilala na siya sa classroom nila. Friday na
ngayon kaya naka-survive siya sa first week
ng pasukan.
"Do you have a boyfriend?" tanong ni James
at napasulyap sa dalagang katabi. Maganda
si Nica, matangkad, at maputi. Napansin din
niyang matalino ito dahil nakakasabay sa
lecture kahit na nag-iisang galing sa public
school.
"Wala," sagot ni Nica. Ilang kaklase na niya
ang nagtanong sa kaniya. Wala naman siyang
problema sa mga babaeng kaklase niya dahil
walang pakialam ang mga ito sa kaniya.
"Can I court you?" tanong ni James. Una pa
lang na pagkakita niya kay Nica ay
nagagandahan na siya.
"Bata pa ako at hindi pa ako nagpapaligaw,"
sagot ni Nica at nginitian ang binata para
hindi ito magtampo sa kaniya. Sana lang ay
maintindihan siya nito. Mas priority talaga
niya ang pag-aaral sa ngayon.
"Okay lang," kibit-balikat na sagot ng binata
at bumalik na sa upuan nang makitang
parating na ang Filipino teacher nila.
HRM ang kursong napili ni Nica dahil mahilig
talaha siyang magluto. Bakery business kasi
ang naipundar ng kaniyang mga magulang
kaya bata pa lang siya, mahilig na siyang
mag-bake.
Pagkatapos ng klase, lumipat sila ng
classroom para sa Philosophy.
Wala pa siyang kaibigang babae dahil hindi
naman niya kayang sakyan ang trip ng mga
girls.
Nang uwian na, naglalakad siya sa hallway
nang may lalaking humarang sa daan niya.
"Hi," nakangiting bati nito at inabot sa
kaniya ang hawak na pulang rosas, "for you,
Miss Beautiful."
Nag-alinlangan si Nica na abutin ito nang
makita niya ang pinakamatabang lalaki na
lumabas sa classroom kasama ang mga
kaklase nito.
"S-Salamat," pasalamat niya at inabot ang
bulaklak.
"Nanliligaw ka ba sa kaniya?" tanong ni
Gabriele kaya napatigil ang mga estudyante
sa paglalakad at napatingin sa kanila.
"H-Huh? Manliligaw pa lang," sagot ng
estudyanteng nilalabanan ang takot. Gusto
talaga niyang manligaw kay Nica dahil noong
nakita niya ito sa auditorium, crush na niya
ito.
"Sigurado ka? Kung hindi totoo ang
panliligaw mo, umalis ka na kung ayaw
mong makatikim ng kamao ko!" pagbabanta
ni Gab at ipinakita pa ang malaking kamao
sa binatang kaharap.
"S-Sorry," paumanhin nito at kumaripas na
ng takbo kaya tawa nang tawa si Gab. Buo
pa naman ang boses nito kaya parang kapre
lang.
Hindi na kumibo pa si Nica. Naiinis siya sa
binata dahil naging pakialamero ito.
"Hindi siya seryoso sa 'yo, Miss. Kaya ang
daming nalolokong babae dahil sa mga
duwag na manliligaw," wika ni Gab na
napatingin sa dalagang hindi nakatingin sa
kaniya.
"Salamat," tanging nasabi ni Nica. Hindi niya
nagustuhan ang ginawa nito pero ayaw niya
ng gulo. Gusto sana niyang umalis na pero
nakaharang ito sa daan niya.
"Walang anuman," nakangising sagot ng
binata. Pasimpleng ikinuyom ni Nica ang
mga kamao. Ang presko nito. Iyong
guwapong-guwapo pa talaga ito sa sarili.
Sayang, guwapo sana kaso mataba na nga,
pangit pa ang ugali.
"'Tol? Tara na, kanina pa nila tayo
hinihintay," naiinip na yaya ni Luis kaya
napalingon si Gab. Kaibahan nito, mas
tinitilian ito ng mga kababaihan dahil sa
katawa at kapogiang taglay pero si Gab
naman ay kinakatakutan.
"Oo na!" sagot ni Gab at muling hinarap si
Nica. "Hoy babae, huwag mo akong
kalabanin kung ayaw mong makatanggap ng
death note!" pagbabanta ni Gab habang titig
na titig sa mukha ni Nica.
"A-Anong death note?" nagtatakang tanong
ni Nica kaya ngumisi si Gab at pinasadahan
siya ng tingin mula ulo hanggang paa.
"Bukas, malalaman mo kung ano ang death
note," makahulugang sagot ni Gab, "pero
ngayon, exempted ka muna."A/n:
Gamit na gamit na ang death note pero
keribels lang. Fan ng F4 sa Meteor Garden e.
Hehehehe... Ang op ang nagbigay ng name
ng kambal at dahil may Loki na, gagamitin
ko na lang ang Luis para may originality si
Ako... Thank you...
