MY FAT SUITORby: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 20
Unedited...
G-Gab? Sorry sa nangyari noong nakaraang
araw," paumanhin ni Nica nang lumapit kay
Gab na nakaupo sa mahabang bench dito sa
tree park ng CTU.
"Wala iyon," sagot ni Gab na nginitian si
Nica. Hindi pa nga sila ni Nica, ang dami na
niyang masasakit na naranasan. Paano pa
kaya kapag sagutin siya nito? Baka may
magmu-murder na sa kaniya.
"Bati na tayo?" nakangiting tanong ni Nica
na nakatayo sa harapan niya kaya natigilan si
Gab.
"W-Wala ka namang kasalanan at hindi
naman tayo nag-aaway," sagot ni Gab at
napalunok siya ng laway. Para tuloy siyang
baboy na nabulunan nang dahil sa ngiti ni
Nica. Hindi niya kayang tanggihan ang
dalaga.
"Pero iniiwasan mo ako," wika ni Nica.
Napapansin niyang umiiwas si Gab sa kaniya.
"H-Hindi pa kasi naghilom ang gasgas sa
legs ko at masakit pa rin ang mga paa ko sa
pagtakbo kaya gusto ko munang
magpahinga," pag-amin ni Gab. Pero hindi
niya nakakalimutan ang magpadala ng mga
bulaklak at chocolates kay Nica.
Dumidistansiya lang talaga siya muna
ngayon.
"Gab? Salamat sa lahat ng efforts pero
puwede bang friends lang tayo?" pakiusap ni
Nica.
"Handa akong maghintay para sa more than
friends na status natin," sagot ni Gab. Hindi
naman siya nagmamadali dahil bata pa
naman siya.
"Gab? Wala talaga e," sabi ni Nica kaya
napatingin ang binata sa mukha nito.
"A-Anong wala?" tanong ni Gab at iniwas
ang mga mata. Alam niyang may maririnig
siyang hindi kanais-nais sa pandinig niya at
ayaw na niyang masaksihan pa mismo ng
kaniyang mga mata.
"W-Wala akong gusto sa 'yo. Gusto kitang
maging kaibigan pero hindi bilang
kasintahan," sabi ni Nica. Mas mabuting
habang maaga pa, magkaliwanagan na sila ni
Gab. Ayaw niyang darating ang araw na
sumbatan siya nito dahil paasa siya.
Namayani ang katahimikan sa pagitan nilang
dalawa. Pawang nakamasid sa mga
estudyanteng nagkukuwentuhan at harutan
sa loob ng tree park.
"D-Dahil ba sa mataba ako kaya ayaw mo sa
akin?" malungkot na tanong ni Gab na
pinipigilan ang sariling humarap kay Nica.
"Hindi--"
"Kapag ba pumayat ako, magugustuhan mo
na ako? Sasagutin mo na ba ako, Nica?"
puno ng hinanakit na tanong ni Gab.
Hinawakan ni Nica ang kanang kamay ng
binata saka pinisil. "Hindi iyon ang rason ko,
Gab. Wala sa size o bigat ang pagmamahal
pero sa ngayon, ayaw ko munang
magkaroon ng kasintahan."
"Kapag siguro payat ako, sasagutin mo rin
ako," malungkot na sabi ni Gab. Masakit
naman talaga na marinig na hindi siya mahal
ng babaeng gustong-gusto niya. Ngayon
lang siya nasaktan ng ganito. Siguro dahil
nagbigay siya ng sobrang effort sa
panliligaw kay Nica.
"Hindi rin," sagot ni Nica. "Huwag mong
isinipin na dahil sa katabaan mo kaya hindi
kita sinagot. May nga priority lang talaga
ako sa buhay."
Mapait na ngumiti si Gab saka yumuko.
"G-Gab? Please, huwag kang magtampo.
Sana maging magkaibigan pa rin tayo."
"P-Pero ayaw kong maging magkaibigan
lang tayo," honest na sagot ni Gab.
"Pero iyon lang ang mai-offer ko sa 'yo sa
ngayon," ani Nica. Sana naman ay
maintindihan siya ni Gab.
Hinila ng binata ang malaking damit dahil
pakiramdam niya, lumalabas na ang pusod
niya.
"Ayaw ko. Mahirap makisama sa taong
hanggang kaibigan lang ang turing sa akin,"
ani Gab. "Sana maintindihan mo rin ako,
Nica. Kung ayaw mo akong maging
kasintahan, ayaw rin kitang maging kaibigan.
Mahirap pakitunguhan ang taong mahal ko
pero hanggang kaibigan lang ang turing sa
akin."
"Hindi kita pipilitin, Gab. Pero sana
maintindihan mo rin ang desisyon ko.
Darating ang araw na makikita mo rin ang
babaeng nararapat para sa pagmamahal
mo," sabi ni Nica.
Hinila ni Gab ang kamay na hawak ng
dalaga. "Nakita ko na pero ayaw talaga niya
sa akin," malungkot na saad ni Gab. "Masakit
man pero kailangan kong tanggapin."
"G-Gab--"
"Huwag ka nang magpaliwanag pa, Nica.
Naiintindihan kita. Sana maging masaya ka
at sana ingatan ka ng lalaking magustuhan
mo," sabi ni Gab at napahawak sa tuhod
saka tumayo. Naiintindihan niya si Nica pero
sana, maintindihan din siya nito. Ngingitian
siya sabay sabing wala siyang pag-asa?
Sarap durugin! Pero siyempre hindi niya
gagawin. Mahal niya e.
Habang papalayo si Gab sa kaniya,
nakaramdam siya ng lungkot. Ewan niya
kung bakit pero parang nawalan siya ng
lakas at gana sa lahat ng bagay.
Tama kaya ang ginawa niya? Pero ayaw lang
niyang may manggulo pa sa tahimik niyang
mundo.
Matapos ang ilang minuto ay tumayo na siya
para pumunta sa next subject.
Naglalakad siya sa hallway nang
makasalubong niya si Sheryl.
"Kumusta naman ang relasyon ninyo ni
Gab?" pinasadahan siya nito ng tingin mula
ulo hanggang paa. "Tumataba ka na rin a."
Hanggang ngayon, masama pa rin ang loob
niya sa ginawa ni Gab. Para ano na bigyan
nito ng death note ang boyfriend niya? Ang
babaw naman ng rason nito.
"Wala ka nang pakialam do'n!" sagot ni Nica
saka tinalikuran na sila saka pumasok sa
classroom nila.
"Ba't ganiyan ang mukha mo? Para kang
bombay na nalugi," tanong ni Sunny.
"Nasabi ko na kay Gab," wala sa sariling
sagot ni Nica. Nagdududa siya. Tama ba ang
ginawa niya? Bakit parang nagu-guilty siya?
"Nasabi ang alin?" Sunny.
"Tinapat ko na siy na wala siyang pag-asa sa
akin," sagot ni Nica.
"Eh, bakit malungkot ka?" tanong ni Sunny.
"Naaawa kasi ako. Nakaka-guilty."
"Guilty ka nga ba? Naaawa? O baka naman,
nahuhulog ka na sa kaniya?" nakangiting sabi
ni Sunny. Natahimik si Nica at malalim na
nag-iisip.
"Hmmm? Kung gusto mo si Gab, huwag
kang matakot. Puwede namang ilihim ang
relasyon ninyo. Isa pa, mabait naman si Gab.
Kahit na mataba lang 'yon sa lahat ng
mataba, mahal ka no'n."
"Huwag na natin siyang pag-usapan,
puwede ba? Sumasakit ang ulo ko e,"
pakiusap ni Nica at napahilot sa sintido.
Gumuhit sa diwa niya ang lungkot sa mga
mata ni Gab nang sabihin niyang wala itong
pag-asa kanina.
"Sanay na akong mambasted ng manliligaw,"
bulong niya sa sarili. Si Gab lang iyon at
wala itong pinagkaiba kaysa sa mga
manliligaw niya. Nothing special kaya dapat
na huwag siyang magpaapekto.
Pagkatapos ng klase nila, kaagad na lumapit
si Sunny sa kaniya dahil sa likuran ito naupo
kanina.
"Uuwi ka na ba? Pasyal muna tayo," yaya ni
Sunny.
"Wala akong pera," sagot ni Nica at kinuha
ang shoulder bag at tumayo.
"Libre na kita ng pang-merienda. Sige na,
Nica. Para may kasama naman ako,"
pakiusap ni Sunny. Si Nica lang kasi ang
malapit sa kaniya. Hindi siya close sa mga
kaklase nila dahil hindi niya kayang sakyan
ang trip nito.
"Gabi na e, five thirty na. Baka mas lalo
akong gabihin. Patay ako sa tatay ko nito.
Sorry talaga," paumanhin ni Nica. Baka hindi
na siya payagang lumabas kapag ginabi siya
ng uwi dahil lang namasyal. Ang mas malala
ay baka sunduin na siya nito araw-araw.
"Ang strict naman ng daddy mo. Sige na
nga lang. Manood na lang ako ng K-movies
sa bahay," ani Sunny na hindi mapigilan ang
ma-disappoint. "Ang hirap magkaroon ng
kaibigan na strict ang parents niya."
"Huwag ka nang magtampo. Kapag may free
time tayo, sasamahan kita," sabi ni Nica at
sumabay na kay Sunny na lumabas ng
classroom.
"Hi," bati ni Gab kaya siniko ni Sunny si Nica.
"Kaya pala ayaw mong sumama. Basted na
nga ba? O kayo na talaga?" bulong ni
Sunny.
"Ewan ko sa 'yo!" sabi ni Nica at inirapan
ang kaibigan.
"Mauna na ako, Gab," nakangiting paalam ni
Sunnt at iniwan na ang dalawa.
"Gab? Ano ang kailangan mo?" tanong ni
Nica. Mabuti na lang dahil huli silang
lumabas ni Sunny kaya wala na ang mga
kaklase nilang makarinig sa pag-uusap nila.
"Ihahatid na kita," sagot ni Gab.
"Gab, hindi ba't sabi ko--"
"Hindi ako titigil sa panliligaw sa 'yo, Nica.
Susuko lang ako kapag may kasintahan ka
na. Pero hanggat hindi ka pagmamay-ari ng
iba, manliligaw pa rin ako sa 'yo," taas
noong sabi ni Gab kaya napasimangot si
Nica. Akala talaga niya, tapos na sila ni Gab.
Na okay na rito. Na hindi na ito manliligaw
sa kaniya. Pero ilang oras lang, heto na
naman si Gab, nanliligaw sa kaniya.
"Magpapayat ka na lang kaya muna?" sabi ni
Nica.
"Mas madaling manligaw kaysa sa mag-
diet," sagot ni Gab. Mabuti pa nga nang
minahal niya si Nica, madali lang. E ang
diet? Taon na ang lumipas, pataba pa rin
siya nang pataba.
"Ewan ko sa 'yo," sabi ni Nica at iiwan na
sana si Gab pero hinawakan siya ng binata
sa kanang kamay.
"Alam kong walang shortcut patungo sa
puso mo pero kahit ngayon lang, mag-
elevator naman tayo, Nica," pakiusap ni Gab.
Hindi talaga niya kaya ang maghagdan. Kahit
sa bahay, hindi siya naghahagdan pababa at
paakyat ng kuwarto. Kaya nga lumipat sila
sa mansion ng lolo at lola niya dahil may
elevator doon.
"Mag-elevator ka at maghagdan ako!" ani
Nica at hinila ang kamay saka naglakad
pababa. Nasa third floor pa naman sila.
"Kapag ako ang pumayat, marami ka nang
kaagaw sa akin!" reklamo ni Gab pero
nakasunod kay Nica pababa ng hagdan.
"Magpapalagay na lang ako ng escalator."
Natigilan siya sa naisip. Oo nga, noh? Bakit
hindi naisip ng pamilya na magpalagay ng
escalator? Alam ba nilanv nagiging impyerno
ang buhay niya dahil sa hagdan na ito?
Hinintay ni Nica si Gab na nasa gitna palang
ng hagdan. Mabuti na lang dahil ang higpit
ng pagkakapit nito sa gilid dahil kung wala,
baka mag-slide na naman ito pababa.
"Mag-jogging ka kaya every morning,"
suhestiyon ni Nica nang hinihingal na lumapit
si Gab.
"Ayaw ko nga!" sagot ni Gab.
"Gab naman, paano ka papayat niyan?"
tanong ni Nica.
"Sa tingin mo, may pag-asa pang pumayat
ako?" nakasimangot na tanong ni Gab.
Impossible.
"Oo naman. Kahit ten kilograms lang, okay
na. Basta iyong sure na healthy ka," ani
Nica.
"Healthy naman ako," ani Gab.
"Hindi ka sure pero hindi mabuti para sa 'yo
ang ganiyan kataba. Sige na," sabi ni Nica
kaya napasimangot si Gab.
"Samahan kitang mag-jogging," sabi ni Nica.
"Talaga?" bulalas ni Gab. "Sabi mo 'yan,
Nica, ha."
"Kapag may time ako. Sige na, baba na
tayo. May dalawang hagdan pa tayong
babaan," sabi ni Nica kaya nakangiting
sumunod si Gab. Ito pa lang yata ang
paggamit niya ng hagdan na hindi siya
nakasimangot.
"Dapat huwag kang tamarin. Kaya mo
namang gumamit ng hagdan, Gab e. Huwag
ka nang mag-elevator," sabi ni Nica. Sana
lang ay makumbinsi niya ang binata.
"Sige, basta sabay tayong bababa at
umakyat sa hagdan," pagpayag ni Gab.
"Bahala ka," walang ganang sagot ni Nica at
napasulyap sa lalaking hirap na hirap sa
pagbaba. Papayat din si Gab, basta tulungan
lang nito ang sarili.
