"Walang dating e," kumento ni Kristina sa dalawang magkaeksena sa kinukuhanan nilang tagpo. Hindi nakasama sa kanila ang director nila dahil nilagnat raw ito at tinawagan siya kaninang madaling araw para sabihing siya na muna ang bahala sa shooting.
Nagmadali niyang tinungo ang Batangas para sa isa sa mga pinakaimportanteng tagpo ng ginagawa nilang pelikula. Pero nakakailang take na sila ay hindi parin niya makuha ang gusto niyang makita sa mga bida niya. Napapailing nalang ang lahat ng crew, maging ang cameraman dahil sa tingin naman nila ay tama ang nakikita nila.
"Kulang e, walang emosyon. At saka isa pa, palagi nalang ganyan ang linya e. 'mahal kita pero niloko mo lang pala ako, wala kang kwenta, tapos magsosorry yung lalaki' putsa ganyan nalang lagi e," sermon niya. Alas onse na ng gabi at ito na ang huling eksena na kukuhanan nila ngayong araw.
Halos lahat ng crew ay gustung-gusto nang magpahinga. Maging ang hangin sa lokasyon nila na nasa gitna ng kalsada sa isang hindi mataong lugar sa Batangas ay hinihila na sila pababa para matulog.
Tumayo si Kristina at nilapitan ang dalawang bida. Huminga siya ng malalim at tumitig sa lalaking bida.
"Ikaw, tigasan mo 'yang mukha mo kasi mamaya masasampal ka. Tapangan mo. Yabangan mo. Yung tipong tangina pagud na pagod na ko sa relasyon natin, ayoko na. Ganun!"
"Pero direk, wala sa script 'yun," katwiran ng lalaki.
"Pwes ngayon meron na. Sumenyas siya sa isang writer at tinanguan lang siya nito."
"Ikaw naman 'te, kalimutan mo na lahat ng minemorya mong linya hindi mo na 'yan gagamitin."
Tinanguan lang siya ng bidang babae.
"Kapag makipagbreak sa'yo yung lalaking mahal na mahal mo, sa totoong buhay ha. Siyempre masa-shock ka 'di ba? 'Yun ang ipakita mo. Hindi kailangan ng mahabang linya kasi sa tunay na buhay kapag nangyari 'to, mauubusan ka ng lakas, iiyak ka nalang at hahayaan na lumayo siya. Wala kang masasabi kasi nga he caught you off-guard. Kuha mo?"
Tumango ulit ito. Tahimik namang nanonood lang ang mga tao sa paligid. Sa unang pagkakataon kasi ngayon lang nila nakitang ganoong ka-hands on si Kristina. Madalas kasi ay simpleng puna lang ang naririnig nila mula rito. Iyong ibang tutulog tulog kanina ay parang gising na gising na.
"Nagmumura ka ba?" tanong niya sa babae. Umiling iyon.
"Kapag sinampal kita o kaya tinandyakan, siguro naman mapapamura ka?"
"Kaya ko direk."
"Okay, good. Pagkatapos niyang sabihin na makikipagbreak na siya. Titigan mo lang siya, yung nakakapasong titig, yung tipong papatay na tingin. Saka mo sampalin. Wag kang umiyak. Tapangan mo, tigasan mo, saka mo murahin, apat na salita lang wag kang mag-alalala, 'di ka mapupunta sa impyerno kapag sinabi mo. 'Tangina mo, gago ka' yan lang Rach. Ganyan lang kasimple. Mas masakit kasing pakinggan na sa dalawang mura mo lang sinagot ang mga litanya niya."
Huminga ng malalim ang babaeng bida. At inihanda ang sarili.
Pagbalik ni Kristina sa pwesto niya ay humudyat ito sa dalawa.
"Okay, last take, 5,4,3,2,1 action!"
Nang marinig ni Kristina ang malutong na sampal at mas malutong na mura ng babaeng karakter ay napikit nalang siya dahil sa halos 24 oras nilang pagtatrabaho ay makakapagpahinga narin sila.
Habang ang lahat ay abala sa pagpapack-up ay nakatitig lang siya sa gitna ng kalsada gamit ang pagod na mata at biglang bumalik sa kanya ang nangyari noong isang linggo pagkatapos siyang halikan ni Tristan.
Pag-akyat niya sa kwarto niya noong gabing iyon ay nakasalubong niya si Tristan na mukhang nagmamadali at may kausap sa telepono. Sinundan niya lamang iyon ng tingin habang bumababa ng hagdan.
"I just need to fetch someone, important, I'll be back," madaliang paalam ni Tristan at napatango nalang si Kristina.
Kinabukasan ay nalaman niya na lang na nasa opisina na pala si Tristan. Hindi man lang sila nakapag-usap ulit. Pag-uwi ni Kristina kinagabihan, galing siya sa academy kasama niya si Joshua dahil sa wakas ay nagsimula na itong magdonate para sa academy, ay nadatnan niya si Tristan na nasa sala, nakaupo at nanonood, nakabihis na iyon ng pambahay.
Hindi niya alam kung babatiin niya ito kaya nagsawalang kibo nalang siya at nagtungo sa kusina para uminom ng tubig. Lumapit ulit siya sa sala at napansin niyang naroon rin pala si Jazz pero tulog na.
Umupo siya sa dulo ng sopang inuupuan ni Tristan, naokupa na kasi ni Jazz ang buong sopa dahil nakahiga iyon.
"Late na ah, wala kang shoot 'di ba?" tanong ni Tristan. Sandaling tumingin si Kristina sa kanya at saka ibinaling ang tingin sa TV.
"Wala pero may inasikaso lang ako."
"What is it?" usisa niya rito.
"Just some important things," seryosong sagot ni Kristina.
Tumahimik sila hanggang sa naglakas loob si Kristina na tanungin naman si Tristan kung saan siya nanggaling kagabi.
"Nagmamadali ka kagabi, may nangyari ba?" Matagal pa bago nakasagot si Tristan.
"My bestfriend called, he was with Sam, lasing na lasing. Since pareho na silang hindi makapagdrive. Ako na ang sumundo."
Napipi naman si Kristina sa sinabing iyon ni Tristan. Naalala niya 'yong sinabi ni Tristan bago umalis, "I just need to fetch someone, important, I'll be back." Napailing nalang siya at napapikit. Iyon pala 'yun, sabi niya nalang sa isip niya.
Ang sumunod niyang sinabi ay hindi niya intensyon na sabihin pero huli na, nabitawan na niya.
"Inlove ka ba dun kay Samantha?" tanong niya.
Nagulat si Tristan sa tanong ni Kristina. Tinitigan niya muna ang babae at hinanap sa mga mata niya ang sagot kung bakit niya natanong ang bagay na iyon. Pero wala siyang makita.
"Since I couldn't remember, yes," sagot niya.
Kumurap si Kristina at pakiramdam niya may malamig na bagay ang bumalot sa katawan niya. Hindi niya maipaliwanag pero nasaktan siya.
"Direk, pasok na po kayo sa loob." Naputol ang pag-iisip niya sa sinabing iyon ng isang crew. Malamig na nga sa labas at mukhang uulan pa. Nagpahid siya ng matang maluhaluha. Hindi niya alam kung dahil sa lamig sa labas, sa puyat, o dahil sa naisip niya. Patayo na siya sa kinauupuan niya ng may bumalot sa kanyang coat galing sa likuran. Nilingon niya ito nagulat sa nakita. Nagkusot siya ng mata ngunit hindi nagbago ang mukhang nakikita niya ngayon.
"You're a fierce person behind the camera," ika nito at inabutan siya ng kape.
"E sa likod lang naman ako lagi e. Salamat," at iminuwestra niya ang kapeng binigay nito.
"Ikaw na lang naiwan dito sa labas, ayaw mong pumasok muna sa loob?"
"Papasok naman talaga ako," depensa niya.
"Mukhang kinoconsume ka na masyado ng trabahong 'to ah, hindi mo man lang napapansin na nandito ako."
"Kailan pa?" gulat na gulat na tanong niya.
"'Yung unang take niyo sa break up scene."
Nanlaki ang mata niya. Ganun na pala katagal siyang nandoon at napanood niya ang halos lahat ng nangyari.
BINABASA MO ANG
Deadend
Ficción General"We are each other's dead end." Hindi pa isinisilang ay nakaplano na ang lahat sa buhay ni Kristina. Mula sa pag-aaral, sa kukuning kurso, hanggang sa kung sino ang mapapangasawa. Lahat ng ito ay kailangang maisakatuparan upang mapanatili sa pamilya...