House rules

120 5 0
                                    

"Ikaw kaya sa kalagayan ko, tingnan ko lang kung 'di ka humagulgol. Ayoko dito, ayoko siyang kasama, ayoko sa apelyido ko dati, mas lalo na ngayon. Bakit ba ako pinanganak na mayaman?"

Paulit-ulit na naglalaro sa isip ni Tristan ang narinig niya nang madaanan niya ang silid na kinaroroonan ni Kristina. Tama nga ang hinala niya sa guest room siya dumiretso. 

Ibinagsak niya ang katawan niya sa malaki at malambot na kama pagkarating na pagkarating niya sa kuwarto niya, kuwarto niya lang. Alam niyang ayaw ni Kristina na magsama sila sa iisang kwarto, ganoon din naman siya.

Ipinikit niya ang mga mata niya habang paulit-ulit niyang tinatanong ang sarili kung paano nauwi ang lahat sa isang panibagong bangungot. Matagal niya nang alam ang tungkol dito pero kahit papaano noon ay may pag-asa pa siyang hindi matutuloy pero ngayong nandito na sa harapan niya mukhang mahirap nang takasan at umasa ulit.

Makalipas ang ilang oras na pag-iisip at pagkukulong sa kuwarto ay bumaba na siya. Mula sa hagdan ay tanaw na tanaw ang hapag kainan at doon niya nakita si Kristina na naka-indian seat sa isang upuan habang kumakain.

Ayaw sana niyang pumunta sa kusina pero gutom na rin siya at ito na marahil ang tamang pagkakataon para magkausap sila.

Nang makalapit na siya ay saka niya napansin na dala pala ni Kristina ang laptop niya habang kumakain. Isang instant noodles din ang kinakain niya. "Walang ka-class class talaga 'tong taong 'to," bulong ng konsensiya niya.

Napansin ni Kristina ang pagdating niya, tumingala ito pero agad ding inalis ang atensyon sa kanya. 

Samantala, nagsisimulang umakyat ang inis ni Kristina nang umupo si Tristan sa tapat niya.

"Let's talk," sabi ni Tristan.

Itinigil ni Kristina ang ginagawa at sumubo pa ng isang beses bago tiningnan ang mortal niyang kaaway sa harapan niya.

Walang pakialam si Kristina kung nakikita ni Tristan ang paraan ng pagkain niya. Hindi naman niya kailangang magpasikat dito.

"Una ayoko ng makalat at burara," panimula ni Tristan.

"Your rules?" sabat agad ni Kristina.

"House rules," maikling sagot nito sa kanya.

Tumango lang si Kristina.

"Pangalawa, know your place and your limits," seryosong pahayag ni Tristan. Unti-unti siyang naiinis dahil parang hindi naman nakikinig ang kausap niya, itinulou kasi nito ang pagtipa sa laptop niya.

Pero mali pala siya. Mula sa pagkakayuko, sumagot ito, "Alam ko kung anong sinasabi mo San Antonio, wag na lang natin pakialaman ang isa't-isa para mas tahimik ang mga buhay natin."

"Mind your own life, I'll mind mine. But when we're in public act and talk appropriately," dagdag ni Tristan nang makabawi sa lamig na pagtrato mula kay Kristina.

"Bakit pangit ba kong manalita?" tanong ni Kristina, halata na ang iritasyon. Kahit ano namang sabihin ni Tristan sa kanya naiirita siya.

"I never said that," depensa ni Tristan.

"Paano 'yung sa pagkain, sa paglalaba, sa paglilinis, sa paggo-grocery?" Nakatingin na ngayon si Kristina kay Tristan.

"Someone will be here to take care of those matters," pormal na sagot ng isa.

"Ha? Kukuha ka ng kasambahay, e, tayong dalawa lang naman dito. Ang ibig kong sabihin kung pati ba 'yung mga 'yun mind your own business pa rin? Siyempre sa paglalaba, oo pero pa'no sa iba?" paliwanag ni Kristina.

"I'll let someone trustworthy to do the chores," parehong tono ang gamit ni Tristan.

"Fine. Wait, so puwede akong umalis kahit kalian ko gusto?"

"Just know your limits, kung magkikipagkita ka sa lover mo be sure to keep it clean, nakataya na sa'tin ang pangalan ng kumpanya simula ngayon," sagot ni Tristan na parang walang pakialam kung may karelasyon o wala ang kaaway niya na asawa niya na ngayon.

Napanganga na lang nang bahagya si Kristina sa sinabi ni Tristan. Tinanggap na lang niya ito kaysa makipagtalo pa.

Pagkatapos nilang mag-usap ay umakyat si Tristan at bumaba rin pagkaraan.  Nakapang-alis na siya at mukhang may pupuntahan. Hindi na nagtanong pa si Kristina. Paulit-ulit sa utak niya ang "Mind your own business, Kristina."

"Buong buhay na yata akong mabibilanggo sa mga bagay na pinakaayaw ko. Hay buhay. Sana naging masama na lang akong anak," wala sa sariling nasabi ni Kristina sa sarili niya.

Kinabukasan, bumangon si Tristan na mabigat ang ulo dahil sa pag-inom kagabi. Hindi naman siya nagpakalango pero tinamaan siya nang higit pa sa inaakala niya. Dapat normal lang pero dahil siguro sa bigat ng loob niya, nagsanib na ang mga ito at tumindi ang sakit ng ulo niya.

Lumabas siya sa veranda para magpahangin. Mula roon ay kita niya ang buong hardin at ang pool ng bahay na pinaghandaan ng mga magulang nila ni Kristina. Napako ang tingin niya sa pool, naroon kasi si Kristina, lumulutang at mukhang tulog. 

"Ibang klase din ang trip ng babaeng 'to," wala sasarili niyang nasabi.

Wala siyang ibang mapagkaabalahan kaya bumaba siya para tingnan kung ano talagang ginagawa roon ni Kristina.

Tulog nga ito nang makita ni Tristan nang mas malapit. Ilang metro mula sa gutter ay nakita niya ang isang pares ng running shoes, nagtaka si Tristan doon. Ibig sabihin galing siya sa takbo at lumusong sa pool, suspetsa niya. Lalo siyang nakumbinsi na ganoon nga ang ginawa ni Kristina nang mapansin niyang nakapang takbong damit ito.

Hindi niya alam na may healthy lifestyle din pala ang babae sa kabila ng nakita niyang pagkain nito ng instant noodles kagabi.

Sandali pa ay naramdaman niya ang gutom kaya mabilis siyang nagpunta sa kusina. Nagulat  naman siya sa nadatnan niya doon. May agahan nang nakahanda. Kanin, sunny side up, meatloaf, at crab soup. May toasted slice bread din na may margarine, dadalawa lang iyon kaya naisip ni Tristan na 'yon ang kinain ni Kristina.

Hindi na siya nagdalawang isip na kumain dahil hindi naman exclusive iyon kay Kristina at hindi rin naman niya lahat makakain. Isa pa galing iyon sa grocery na nadatnan nila kahapon.

Tapos nang kumain si Tristan nang pumasok si Kristina. Basa pa ito kaya tumutulo ang mga tubig sa marmol nilang sahig.

Kunwari hindi niya napansin si Tristan na naghuhugas. Kinain niya ang natira niyang toasted bread kanina at nagsimulang magtimpla ng kape. Hindi mainit kundi malamig, 'yung may yelo pa.

"Golden rule," biglang basag ni Tristan sa katahimikan, "ayoko ng makalat at burara."

"Lilinisan ko na lang 'yan mamaya, puwedeng maligo muna?" sarkastikong sagot ni Kristina sa kanya. "Sungit!" pahabol niya. Iniwan niya ang tinimpla niyang kape sa ref at nagmadaling umakyat para maligo at magbihis.

Hindi makakatagal si Tristan maghapon na nasa iisang lugar kasama si Kristina kaya nagdesisyon itong umalis. Paalis na siya nang tumambad sa kanya si Kristina na suot ang karaniwan niyang shorts at plain t-shirt, nakasaksak ang earphones niya sa magkabila niyang tainga habang mina-mop ang kaninang mga tulo ng tubig mula sa basa niyang katawan.

Dahil sa mga nakikita, nagsisimula nang tanungin ni Tristan ang sarili niya kung ganoon ba talaga ka-independent si Kristina? Nagluto siya ng pagkain kanina tapos ngayon naglilinis. O baka nagpapakitang tao lang siya pero ano namang makukuha niya kung nagpapanggap siya? Hindi naman siya gusto nito. Marami pang tanong si Tristan na hinayaan na lang niyang hindi masagot.

--

DeadendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon