Chapter 8

75 3 0
                                    

Kyle Enrico Salvador
─── ・ 。゚☆: *.☽ .* :☆゚. ───

Kinaumagahan, nagising ako dahil sa liwanag na tumama sa mata ko. Pagkatapos kong makita sa cellphone ko na alas-7 pa lang ng umaga at wala na yung kapatid ko sa kwarto, muli kong binalot ang sarili sa malambot kong kumot para ituloy ang tulog ko.

"Hey, wake up!"

"Wake up!"

"Rise and shine, pogi."

May malamig na bagay ang dumampi sa pisngi ko. Hindi pala dampi, mahinang sampal pala.

"Ano bang kailangan mo?" tanong ko sa asungot na si Junjun.

Sakto naman na kapapasok lang ng kapatid ko sa kwarto nang marinig niya ako.

"Problema mo, kuya?" tanong ng bunso kong kapatid na si Warren na nagtapon sa aking ng masamang tingin.

Palihim akong umirap sa direksyon ni Junjun na ngayon ay nagpipigil ng tawa na akala mo'y may makakarinig sa kanya.

"Ha? Wala, nananaginip ata ako kanina."

Bumangon na ako dahil paniguradong hindi na naman ako makakabalik sa tulog muli. Inayos ko ang kama ko at saka nag-ayos ng sarili bago lumabas ng kwarto.

Nasa sala sina mama at papa na nag-aalmusal. Merong isang supot ng mainit na pandesal na nakapatong sa maliit na mesa sa gitna at pareho silang may hawak na tasa ng kape.

"Morning ma, pa." bati ko at tumabi sa upuang pang-isahan na nasa sala pagkatapos kumuha ng isang tinapay.

Di makakaligtas sa paningin ko ang pagkatakam at pagdila ni Junjun sa ibabang labi nito. Umiral na naman ang kasibaan ng damuho.

"Nga pala 'nak. Mamaya samahan mo sina Aling Sitang mamaya sa palengke at sumabay ka na'ng mamili. Heto ang listahan ng ipapamiling rekado para sa handa natin bukas." Iniabot ni mama ang gusot na dilaw na papel na may nakasulat na mga rekado. Gusto ni mama na sumabay ako kina Aling Sitang mamili dahil para maturuan ako mamili ng magandang klaseng karne at iba pang pangsahog. Hindi kasi ako magaling mamili non. Mamaya din kasi ay pupunta sa kabilang isla sina mama. Ewan ko kung anong gagawin nila don.

"Okay ma."

Pasado alas-otso nang sunduin ko si Aling Sitang sa bahay nila. Matagal ko na'ng kilala ang pamilya nila mula pagkabata kaya hindi naman ako nahihiya sa kanila. Parang pangalawang nanay din ang turing ko sa kanya. Nakita ko ang ale na lumabas na may bitbit na bayong. Nagmano ako dito saka kinuha ang bayong at nilagay ito sa loob ng tricycle.

"'Nak, nandito na si Kyle o. Tara na!" ang pagtawag ni Aling Sitang.

Isang dalaga ang  lumabas sa pinto ng bahay nila. Hindi ito katangkaran na tantya ko ay hanggang balikat ko lang. Itim at tuwid ang mahaba nitong buhok. Bilugan ang mga mata niya at tuwid ang mga kilay.

"Eto ang kababata mo Kyle, si Alicia. Sayang at di kayo nagpang-abot nung huli ka ditong dumalaw." sabi ni Aling Sitang.

Nagkatinginan kami nung babae.

"Leng-leng?" bulalas ko.

"Excuse me? Wag mo kong tawagin niyan. Ali na ang nickname ko."

Napatingin ako kay Le—Ali. Hindi ako makapaniwala na siya yung kalaro ko nung mga bata pa kami. Dugyutin kaming mga bata noon at hindi naiiba 'tong si Ali. Inaasar pa namin siya na Leng-leng beleleng kasi lagi magulo ang buhok nito na puro kuto. Kahit ganon ay kasama pa rin namin siya lagi sa takbuhan at isa siya sa mga pinakamabilis tumakbo, dinaig pa ang mga lalaki.

Ang Junjun Ko | BL [✔️ COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon