Chapter 39

62 1 6
                                    

─── ・ 。゚☆: *.☽ .* :☆゚. ───

Paglabas ni Kyle mula sa banyo pagkatapos niyang maligo, naabutan niya si Ezekiel na nakahiga sa kama at natutulog.

"Pagod na pagod talaga." Napailing na lang siya at saka dumako sa lalaking natutulog para ayusin ang pagkakahiga nito sa mas komportableng posisyon.

Ilang saglit pinagmasdan ni Kyle ang natutulog na si Ezekiel. Ito ang imahe na palagi niyang naaalala. Madalas niyang sabihin noon na walang pinagkaiba sa ordinaryong tao ang itsura ni Ezekiel kapag natutulog kahit noong isang kaluluwa pa ito.

"Matulog ka lang, marami tayong gagawin bukas. Sana mag-enjoy ka." ang bulong niya. Marahan niyang hinawi ang buhok na nakatakip sa noo ni Ezekiel bago ito lumabas ng kwarto.

Kinabukasan, maagang nagising si Ezekiel. Medyo nalito pa ito dahil isang hindi pamilyar na kwarto ang sumalubong sa kanya pero nang nakita niyang natutulog si Kyle sa katabing kama, naalala niya na nasa probinsya nga pala sila ngayon.

Maingat na bumangon si Ezekiel at iniiwasang gumawa ng kahit anong ingay at saka marahang lumabas ng kwarto.

Oldies hits mula sa radyo at ang aroma ng kape ang bumungad sa kanya paglabas niya. Nadatnan ni Ezekiel sa kusina ang mama ni Kyle na nagluluto ng sa tingin niya ay sinangag at ang papa naman niya ay nasa sala, nagbabasa ng dyaryo habang nagkakape.

"Good morning po." ang bati niya.

"Magandang umaga, hijo." ang magiliw na bati sa kanya ng mama ni Kyle

"Good morning, hijo. Kamusta ang tulog mo?" ang bati naman ng papa mula sa sala.

"Mahimbing po. Di ko nga po namalayan nakatulog na ako kagabi." Umupo si Ezekiel sa isang sofa, kasabay non ay ang pagpasok ni Warren sa bahay na may dala-dalang isang supot ng pandesal. Nahihiya pa itong bumati kay Ezekiel pero kalaunan ay umupo rin malapit sa kanya.

"Mag-almusal ka na muna, Ezekiel." Naglapag ng isang tasa ng tsaa si Mrs. Salvador. Nagulat si Ezekiel dahil amoy nito yung tsaa na lagi niyang iniinom na gawa ni Kyle.

Napangiti si Ezekiel sa ginang, pero sa loob-loob niya, mabilis ang tibok ng puso nito dahil kay Kyle. Sigurado siya na ito ang nagsabi sa mama niya na tsaa ang gusto niyang inumin sa umaga.

"Heto, may sinangag at daing dito na bagong luto. O kaya yang tinapay." Isa-isang hinain ng ginang ang pagkain. "Paresan mo nitong tuna spread. Pinagawa ni Kyle kasi paborito mo raw yan." ang magiliw na sabi ng ginang at ilapag nito ang isang platito ng tuna spread.

Halos maiyak naman si Ezekiel dahil umagang umaga palang humahakot na ng pogi points si Kyle kahit tulog pa ito. Hindi niya talaga kalilimutan magpasalamat sa kanya pag gising na ito.

"Ano pong oras nagigising si Kyle?" ang tanong niya. Kumuha na siya ng pandesal at pinalamanan ito ng tuna spread. Gusto lang niyang mag-usisa tungkol kay Kyle, nagbabakasakali na may bago siyang malaman mula sa mga magulang nito.

"Maaga naman yang nagigising, pero kagabi kasi ay tinulungan pa niya ang papa niya maghakot nung mga uling galing doon sa suki namin. Anong oras na din natapos, kaya napuyat siguro." ang kwento ni Mrs. Salvador.

Tumango-tango lang si Ezekiel pero ang utak niya, puro 'Kyle's so amazing.' ang laman.

"Mamaya, pwede kayong magpunta sa bayan, maraming makikita doon. O kaya maligo kayo sa beach. Si Kyle ang bahala sa'yo, kaya sana mag-enjoy ka." malumanay ang boses ng papa ni Kyle, at habang tinitignan ito ni Ezekiel, nababakas niya kung saan nagmana ang kaibigan.

Ang Junjun Ko | BL [✔️ COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon