Chapter 4
“Nay...” tawag ko nang nasa harap na ako ng aming bahay.
Isa namang malakas na kalabog ang narinig ko mula sa loob. Isang lubhang pamilyar na kalabog. Mukhang hinampas na naman ni nanay ang lamesa.
Padabog na binuksan ang pintuan kaya bahagya akong napaigtad.
“Ano?!” Salubong sa akin ni nanay.
“Nay, nakabalik na po ako sa trabaho.” Pagpapaalam ko sa kaniya.
Ang kaniyang magkasalubong na kilay kanina ay unti-unting kumalma. “Ano? Paano nangyari 'yon?”
“Ah...” Napalunok ako, nag-aalangang sabihin ang ginawa dahil baka... iba rin ang isipin niya at baka... hindi niya ako paniwalaan.
“Ano?!” Tila nauubos na ang kaniyang pasensya.
“Humingi po ako ng pasensya saka nakiusap na kung pwede ay ibalik ako sa t-trabaho...” Pag-amin ko.
Kumunot ang kaniyang noo. “Nakiusap ka? Kanino?” Puno ng pagtataka ang kaniyang tono.
“S-sa mga Dela Vega po.”
Binalot kami ng katahimikan. Akala ko ay magagalit siya... kagaya ng lagi niyang nagiging reaksyon pagdating sa'kin. Kaya... kataka-takang ngumiti siya sa akin at binuksan pa ang pinto para papasukin ako.
“Halika na, anak. Pumasok ka na.” Sambit ni mama.
Napalunok ako bago tumango at tuluyang pumasok sa bahay.
Nang gabing iyon ay ipinagluto ako ni nanay ng paborito kong tortang talong. Sabay kaming kumain at nagkwentuhan. Nakangiti siya sa akin buong gabi at ikwenento ang tungkol sa nangyari sa party na dinaluhan niya. Bagay na hindi niya hilig gawin pagdating sa'kin.
Natulog ako na may ngiti sa labi dahil sa biglaang pagbabago ni nanay. Hindi ko alam kung bakit pero masaya ako dahil masaya si nanay. Iyon ang mahalaga.
Kinaumagahan ay nagising ako na may ngiti sa labi, lalo na nang datnan kong may nakahain na tortang talong sa lamesa. Naroon din si nanay, naghihintay sa akin.
“Magandang umaga, anak.” Bati sa akin ni nanay.
Tila may mga kamay na yumakap sa puso ko. Nangilid ang aking mga luha dahil kakaibang emosyon na naramdaman. Anak... ang sarap palang pakinggan ang salitang iyon kapag nanggaling sa kaniya... at kapag sinabi niya iyon ng hindi galit.
“Magandang umaga rin po, 'nay.” Bati ko pabalik sa kaniya at mainit nq ngumiti.
Umupo ako sa upuan na katapat ng kay mama. Nakahanda na ang plato at kubyertos. Ngumiti siya sa akin.
Akmang kukuha na ako ng kanin nang inunahan niya ako. Natigilan ako nang mapagtanto na nilalagyan niya ng kanin ang aking plato. Pagkatapos ay kinuha niya ang pinakamalaki sa tatlong pirasong tortang talong at inilagay iyon sa aking plato—sa ibabang ng kanin.
Kinagat ko ang aking ibabang labi dahil sa hindi mapigilang panginginig nito. Ang mga luha sa mata ay unti-unting nagpapalabo sa aking paningin.
“Ketchup ang gusto mong sawsawan 'di ba, anak? Teka at kukunin ko.” Sambit ni nanay sabay tumayo at tinungo ang aparador.
Kumuha siya ng mangkok at sinalinan iyon ng ketchup bago dinala sa lamesa.
BINABASA MO ANG
Strings In An Angel's Wings (Chains of Puppetry Series #1)
General FictionSTATUS : COMPLETE Meona's life is defined by her mother's manipulative and abusive behavior. From a young age, she's been entangled in a web of rules and emotional turmoil, constantly striving to follow her mother's orders so she can please her. How...