Chapter 20

23.9K 323 21
                                    

Chapter 20

Kinabukasan ay naghanda akong mag-apply sa mga Dela Vega. Bagama't ayokong umalis sa restaurant na pinagtatrabahuan ko ngayon dahil naroon ang mga kaibigan ko, kailangan ko ng mas malaking kita lalo pa't marami kaming bayarin-kahit na alam kong mahihirapan ako roong makibagay.

Balak ko rin sanang bumalik sa pag-aaral sa susunod na pasukan. Base sa balita sa TV ay pwede na raw mag-aral na hindi pumapasok sa klase. Magsasagot na lang daw ng mga modules.

Mabuti iyon lalo na para sa tulad ko. Makakapag-aral ako at sa parehong pagkakataon ay makakapag-trabaho para makabayad ng mga utang.

Inihanda ko na ang mga kailangan para sa pag-a-apply sa trabaho. Nakita ko iyon sa poster na ibinigay ni Leon kahapon.

Nag-suot ako ng puting pants at blouse-terno iyon. Iyon kasi ang nasa instructions na magsuot daw ng kahit ano basta puti. Binili ko iyon noong high school para sa isang role play at isa akong nurse roon.

Napangiti ako nang maalala kung gaano kasaya ang naging role play namin na iyon.

Isinaklay ko ang isang puti ring sling bag na bigay ni ate. Isinilid ko roon ang iilan sa mga kendi at tsokolate na bigay ni Rafael. Kakainin ko mamaya kapag nagutom ako. Isinilid ko rin ang cellphone at isang panyo.

Bago ako umalis ay nagpaalam ako kila Summer na hindi na muna papasok. Tinawagan ko kanina si Summer at tinanong kung gusto niya bang sumama sa'kin at mag-apply rin ngunit tumanggi siya.

"Ayos na ako sa restaurant, Meona. Pasensya na. Tsaka... n-naroon din kasi si Jake-sila Jake at Jack, k-kaya..." Aniya tila nag-aalangan pang magsabi.

"Ayos lang! Nagtanong lang ako dahil baka interesado ka." Sabi ko naman.

"Sige, salamat. Pero okay na naman ako sa sweldo ko sa restaurant eh."

Iyon ang naging sagot niya nang tawagan ko siya. Nagbakasali kasi ako na baka gusto niya ring mag-apply dahil malaki ang sweldo at isa pa-para may kaibigan ako roon. Naiintindihan ko naman siya dahil mahirap na makihalubilo sa isang lugar na wala kang kakilala.

Maaga rin akong pumunta sa restaurant para kuhanin ang sweldo ko kay Sir William kasabay ng pagpapaalam ko sa kaniya.

"Ano?! Kakaunti na nga kayo rito ay aalis ka pa?!" Si Sir William nang magpaalam ako sa kaniyang hindi muna papasok para mag-apply sa mga Dela Vega.

"Pasensya na po, sir. Hindi pa naman po sigurado kung makukuha ako. Susubukan ko lang po dahil kailangan na kailangan ko po ng pera. Tsaka... balak ko po kasing mag-aral ulit."

Nang masabi ko iyon ay napabuntong siya at unti-unting kumalma-ang kaniyang mga mata'y may awang nakatingin sa'kin.

Sa huli ay tumango siya at sinabing pwede pa rin daw akong bumalik sa pagiging waitress kung sakaling hindi ako matanggap. Nagpapasalamat naman ako roon dahil malaki nga ang tsansa na... hindi ako matanggap. At ang katotohanang mayroon pa akong babalikang trabaho kung sakali mang 'di ako matanggap ay nagpagaan sa kalooban ko.

Strings In An Angel's Wings (Chains of Puppetry Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon