Chapter 25
"Meona, anak, mag-iingat ka roon ha?" Marahang sambit ni mama at hinaplos ang buhok ko.
Kinagat ko ang aking ibabang labi at pilit na tumango.
"Mahal na mahal ka ni nanay," bulong niya at hinalikan ang noo ko. "'Wag mong kakalimutan ang bilin ko, ha? Kumbinsihin mo silang kada linggo ibigay sa'yo 'yong sweldo mo. Sabihin mong kailangan natin ng pera para sa ate mo." Marahan niyang bilin.
Kumalabog ang puso ko sa pinaghalong takot, sakit, galit, at awa para sa sarili.
Natatakot ako dahil baka hindi ko makumbinsi ang madame na kada linggo ko matanggap ng paunti-unti ang sahod ko. Natatakot ako sa kung ano ang gagawin sa akin ni nanay kapag nangyari iyon. Natatakot ako na baka matanggal ako sa trabaho at mawala sa isang iglap ang mga plano ko para sa pag-aaral ko.
Nasasaktan ako dahil tila walang pakialam si nanay sa kung ano ang mararamdaman ko.
Nagagalit ako dahil sinasabi niyang mahal niya ako pero hindi ko iyon maramdaman. Nagagalit ako sa sarili ko dahil hindi ko pinaniniwalaan si nanay kahit na ilang beses niya iyong sabihin. Nagagalit ako sa sarili ko dahil napakasama kong anak dahil hindi ko maramdaman ang pagmamahal na pilit na ipinararamdam sa akin ng sarili kong ina.
Naaawa ako sa sarili ko dahil alam kong may parte sa mga sinasabi ni nanay ang hindi totoo pero pinipilit ko pa rin ang sarili kong paniwalaan siya, dahil gaya ng pinapaalala niya sa amin ni ate noon pa man... balang araw ay iiwan din kami ng mga kaibigan namin at maiiwan kaming mag-isa at tanging siya lamang ang taong hinding-hindi kami iiwan ano man ang mangyari.
May parte sa akin na hindi pinaniniwalaan iyon dahil may mga kaibigan ako... sila Summer, Jack, Jake... Rafael, pero may parte rin sa akin ang naniniwala dahil ang sarili nga naming tatay ay iniwan kami para sa ibang babae, paano pa kaya ang mga taong hindi naman namin kadugo?
"Tandaan mo 'yan, Meona. Ako lang ang laging nandito para sa'yo. Kami ng ate mo. Kung ano man ang ginagawa ko ngayon, para iyon sa ikabubuti niyo ng ate mo. Naiintindihan mo ba 'yon?" Marahan ang boses ni nanay ngunit nagpapakilabot iyon sa akin.
Pilit akong tumango.
Ngumiti siya at hinalikan muli ang ulo ko bago ako tuluyang pinapasok sa tricycle dala ang mga gamit na dadalhin ko patungo sa mansyon ng mga Dela Vega.
Habang nasa byahe ay hindi ko maiwasang maluha.
Pilit kong pinipigil ang mga luhang tumulo dahil nakakahiya kay manong ngunit tila kinakalaban ako ng mga ito at hindi ako sinusunod.
Kinagat ko ang aking ibabang labi habang nilalabanan ang hapdi sa puso ko.
Parang namamanhid ang puso ko pero patuloy pa rin ito sa pagsakit. Bakit ganoon? Pwede naman siyang mamanhid na lamang at hindi ko na maramdaman ang sakit dahil ganoon naman dapat. Pero bakit hindi ganoon ang nararamdaman ko?
Bakit habang tumatagal ang pamamangid ay mas sumasakit?
"Ma'am, ayos lang po ba kayo? Gusto niyo po bang huminto muna ako?" Tanong ni manong na mukhang nag-aalala na sa akin.
Umiling ako.
"A-ayos lang po ako, m-manong," sambit ko at pilit na ikinalma ang sarili.
Mahina akong dumaing nang naging malikot ang tricycle dahil sa kalsada at tumama sa tricycle ang sugat ko sa braso.
BINABASA MO ANG
Strings In An Angel's Wings (Chains of Puppetry Series #1)
General FictionSTATUS : COMPLETE Meona's life is defined by her mother's manipulative and abusive behavior. From a young age, she's been entangled in a web of rules and emotional turmoil, constantly striving to follow her mother's orders so she can please her. How...