Chapter 60. Arrested

5.9K 212 36
                                    

꧁ POPPY ꧂

ANG YABAG na 'yon ang palaging nagpapalapad sa ngiti ko noong bata pa ako sa tuwing maririnig ko, dahil 'yon ang senyales na nakauwi na siya sa bahay galing sa trabaho.

Hindi ko inalis ang tingin ko sa pintuan para abangan kung sino ang taong tinawag ng pulis sa labas. Makalipas ang ilang segundo, napasinghap ako nang masilayan ang pamilyar na bulto ng isang lalaki. Pero hindi ko pa masyadong makumpirma ang mukha niya dahil nakukublihan siya ng mga pulis.

Lumihis ang mga pulis para bigyan siya ng daan. At noong wala ng nakaharang sa kaniya, mas lalong namilog ang mga mata ko at napaawang ang bibig sa gulat. Dinig ko ang bahagyang pagsinghap ni Ate Chloe nang makita niya rin ang taong dumating dahil iisa ang mukha nila ni Daddy.

Oras na makita ako nito na nakasalampak sa sahig, agad siyang tumakbo sa 'kin, lumuhod siya sa harap ko at naiiyak niya akong niyakap nang mahigpit.

"Poppy. Anak ko..." 'Tsaka na siya humagulgol.

Wala akong reaksyon bukod sa nakatulala at naguguluhan. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko at para akong nawala sa sarili habang paulit-ulit niyang hinahaplos ang buhok ko.

Bakit niya ako tinawag na anak? At bakit kamukha niya si daddy?

Humawak ako sa magkabila niyang braso at bahagya ko siyang tinulak palayo sa katawan ko. "Bakit mo..." bumaling ako kay daddy na katabi ni Ate Chloe, pareho silang tulala, "kamukha si daddy?" tanong ko. "S-Sino po... kayo?" Nagluluha na ulit ang mga mata ko sa hindi ko malamang dahilan.

Imbes na sagutin ako, tumitig lang siya sa 'kin, umiiyak pa rin. Bakas sa mga mata niya ang sakit nang tanungin ko kung sino siya. Pero agad din napalitan ng dilim ang mga mata niya nang masilayan ang namumulang mga latay sa balat ko.

Inabot niya ang braso ko at marahang hinaplos ang bakat ng sinturon doon. 'Tsaka siya mabilis na tumayo. Walang nakapigil sa kaniya nang bigla niyang sugurin si daddy at pinalipad ang kamao niya sa mukha nito.

Napasigaw si Ate Chloe, maging ako, nang sakyan niya si daddy matapos nitong matumba, 'tsaka niya ito pinaulanan ng suntok sa mukha habang paulit-ulit na minumura.

"H*yop ka! Wala kang karapatang saktan ang anak ko! D*monyo ka! P*patayin kitang h*yop ka!"

"Sir, tama na ho!" Pilit siyang inawat ng dalawang pulis na lumapit sa kanila. Nanginginig siya sa galit nang mailayo siya ng mga ito, habang si daddy naman ay duguan na ang mukha sa ilang suntok na tumama sa kaniya.

Muli akong nilingon ng lalaking kamukha ni daddy at lumuhod ulit siya sa harap ko. Hingal na hingal siya.

Napaurong ako nang bahagya dahil sa takot sa kaniya. Ngunit ang salitang sumunod niyang sinabi—habang hawak niya ang pisngi ko—ang tila nagbukas ng isipan ko.

"My sunshine..." Nang marinig ko 'yon sa kaniya, para akong bumalik sa pagkabata na kasama ko pa ang daddy ko. Gano'n na gano'n ang paraan ng pagtawag niya sa akin. Malambing at punung-puno ng pagmamahal, na para bang ako ang mundo niya. "Narito na 'ko, anak. Wala nang mang-aapi sa 'yo."

Hindi ko na napigilan. Bigla akong napahagulgol at mabilis na yumakap sa kaniya. Hindi pa ako sigurado kung ano talaga ang nangyayari. Kung ano ang sitwasyon na 'to ngayon. Pero isa lang ang nasisiguro ko. Ang lalaking yakap ko ngayon ang daddy ko. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal niya sa 'kin sa higpit ng yakap at pag-iyak niya, at sa pagtatanggol niya sa 'kin kanina.

Hindi rin maikakaila ang suot niyang sapatos, dahil natatandaan ko noon na mahilig si daddy sa black leather shoes na may kaunting takong dahil ang sabi niya ay pampatangkad daw 'yon.

Nang muli niya 'kong bitawan, agad niyang pinahid ang pinsgi kong basang-basa sa luha. 'Tsaka niya binalingan si daddy, na kasalukuyang tinutulungang tumayo ni Ate Chloe.

"Dito na matatapos ang panloloko mo sa mga tao, Rodolfo Samonte. Pagbabayaran mo sa kulungan lahat ng ginawa mo!" May dinukot siya sa bulsa niya, isang papel, at inabot niya 'yon sa isang pulis na malapit sa amin.

Pero hindi doon naka-focus ang atensyon ko kundi sa binanggit niyang pangalan. Rodolfo Samonte?

Binuklat ng pulis ang papel na 'yon at binasa, sapat para marinig naming lahat. "The DNA samples of Lucio Herald and Rodolfo Samonte's STR DNA... shows that Lucio Herald and Rodolfo Samonte have a 99.99 percent likelihood of being the same person."

Hindi ko naintindihan kung ano'ng ibig sabihin no'n. Ang medyo naintindihan ko lang ay 'yong 'same person' kaya naguguluhan pa rin ako.

Itinayo ako ng lalaking tumawag sa akin na "sunshine" at inalalayan niya ako para hindi ako matumba. Kasunod no'n ay may isa pang lalaki, kararating, na pumasok sa loob ng apartment at may dala itong mga papeles. Sumenyas ang daddy ko na nakaalalay sa akin na sa pulis iabot ang mga papeles na 'yon.

Noong hawak na 'yon ng isang pulis at isa-isang binubuklat, nagsalita muli ang daddy ko na siyang nakaalalay sa 'kin. "'Yan ang magpapatunay sa mga kalokohan ni Rodolfo Samonte," aniya.

Matapos busisiin ng pulis ang mga dokumentong hawak niya, nag-angat siya ng tingin kay daddy na katabi ni Ate Chloe. "Mr. Rodolfo Samonte. You are under arrest for identity theft, fraud, defamation, invasion of privacy, criminal impersonation, forgery, unauthorized use of personal information, child abuse, assault and kidnapping."

Dalawang pulis ang lumapit sa kaniya para pagtulungan siyang posasan dahil sinabukan niya pang pumalag. Umapila pa si Ate Chloe at pinagpipilitang hindi totoo ang mga nasa dokumento at ang daddy niya raw ang totoong Lucio. Pero hindi siya pinakinggan ng mga pulis, bagkus ay pinosasan din siya matapos sabihin ng lalaking bagong dating na hindi siya totoong Herald at kasabwat siya ni Rodolfo Samonte sa lahat ng mga ginagawa nito dahil anak siya nito at ni Jody.

Noong nailabas na ng mga pulis si Ate Chloe at 'yong Rodolfo Samonte na nagpanggap na si daddy, lumapit sa amin ang isang pulis. Kinausap niya si daddy at iniimbitahan ito sa police station para raw mas makapagbigay ng impormasyon na kakailanganin sa kaso.

"Susunod ako. Mas kailangan ako ng anak ko ngayon." Sunod siyang bumaling sa lalaking may dala ng mga dokumento kanina. "Jared, ihanda mo ang sasakyan. Dadalhin natin si Poppy sa ospital."

"Yes, boss," sagot nito at mas nauna nang lumabas.

Noong aakyanin na ako ni daddy palabas, pinigil ko siya, kaya natigilan din ang pulis. "D-Daddy..." mahina kong sambit. Wala na akong ibang sinabi. Tinuro ko lamang 'yong ilalim ng sofa kung saan itinago ni Rodolfo Samonte ang mga dokumento na pinatatatakan niya sa 'kin kanina.

Kumunot ang noo ng pulis at siya ang kumilos para itulak ang sofa. Noong nakuha niya 'yong envelope, binuklat niya 'yon at iniharap kay daddy.

Mahinang napamura si daddy. "Mga walanghiya talaga sila." Bumaling siya sa 'kin at marahang hinaplos ang ulo ko. Bahagyang lumambot ang tingin niya. "Wala silang makukuha sa 'yo, anak. Hindi ako papayag. Lahat ng iniwan sa 'yo ng Mommy mo, mananatiling sa 'yo. Sa 'yo lang lahat."

To be continued...

May nagbabasa pa ba? Comment "hi" para malaman ko kung tuloy pa o hindi na. Thank you sa mga nag-v-votes. 

THE PERFECT HUSBAND (LEE BROTHERS #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon