CHAPTER FORTY-FIVE
Someone's Point of View
"DITO BA naka-admit si Lourence Kyle?" Tanong ko habang nakatingala sa mataas na istruktura ng pinakamalaking ospital ng Cavite.
"Oo. Nilipat lang siya diyan kasi naliliitan yata sa unang pinagdalhan sa kaniya." Natatawang sagot ng kasama ko bago humithit ng sigarilyo.
Napangisi ako at sumandal sa manibela ng motor niya. "Siguro natatakot na ang pamilya niya dahil iniisip nilang may gagawin ulit tayong masama kay Lourence?"
"Hindi na 'ko magtataka kung totoo 'yan. Kahit ga'no pa sila kayaman at kasikat may kinakatakutan pa rin sila."
"At tayo ang tatakot sa kanila?"
Nakangisi siyang umiling. "Pamilya niya pa rin si Dominic at wala 'yong kinakatakutan."
Nawala ang ngiti sa labi ko nang maalala ang naging pagkikita namin noon maging ang mga sinabi niya sa aking nagpatindig sa balahibo ko. Totoo ang galit sa mga mata niya at may kung anong meron do'n na naghahatid ng matinding takot sa akin para paniwalaan ang mga banta niya.
Kahit na 'yong ginawa niyang pagsakal sa akin ay talagang hindi ko inaasahan. Una naming paghaharap 'yon pero ramdam ko ang kagustuhan niyang patayin ako. Sobrang bigat at lakas ng kamay niya na parang kaya akong sugatan ng mga 'yon sa oras na dumapo sa alinmang parte ng katawan ko. Maging ang mga mata niya ay parang laging may sinasabi.
"Bakit natahimik ka? Natakot ka ba sa kaniya?"
Tumikhim ako at nag-iwas ng tingin. "Bakit naman ako matatakot sa kaniya? 'Di niya nga ako nagawang patayin, tss." Pangmamang-maangan ko.
Tumawa siya para asarin ako. "Kahit ikaw naman ang makaharap ko no'n hindi rin kita papatayin. Gusto pa kitang makilala at pagdusahin sa mga kamay ko bilang paghihiganti. Malamang gano'n ang inisip ni Dominic kaya pinalaya ka niya."
Nang sabihin niya 'yon ay tinamaan na naman ako ng takot at pagkabalisa. Sa t'wing naaalala ko kung pa'no akong tingnan ni Dominic noon ay hindi napapakali ang pakiramdam ko, tapos mukhang tinatakot pa yata ako ng lalaking 'to.
"E basta. Wala na 'kong pake sa kung ano mang dahilan niya. Basta galit ako sa kaniya," inis kong tugon at ngumisi siya. "Ikaw nga dapat ang pinagsasabihan ko, e. Hindi mo nagawang patayin si Lourence. Sabi ko naman kasi sa'yo lakasan mo sobra ang pwersa mo."
Humithit siya ng yosi at ibinuga ang usok no'n. Walang mababasang emosyon sa mukha niya. "Nakakaawa naman kung papatayin ko siya e, kaya binuhay ko."
"Tss. May awa ka pa sa lagay na 'yon ah?"
Nakangiwi siyang tumango. "Wala akong gustong patayin sa ngayon dahil labas 'to sa laban ng grupo. Hindi ko rin 'to kakayanin dahil kailangan ko ng tulong ni Spade, kaya easy-easy muna lang sa 'kin ang kilos ko." Kalmado niyang sabi.
"E pa'no tayo ngayon niyan?"
"Anong pa'no tayo ngayon? Ikaw lang ang delikado dahil baka mamaya kilala ka na ni Dominic," halos pagtawanan niya 'ko. "Pero 'di pa rin ako p'wedeng makampante. Sadyang matalino ang lalaking 'yon kaya walang nakakalusot sa kaniyang kahit sino, dahil sa oras na kantiin natin ang pinakamamahal niyang kapatid, hindi matatahimik ang kaluluwa niya."
"At kapag hindi siya natahimik, dapat nang magtago ang mga dapat na magtago."
Bahagyang nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang huli niyang sinabi. Doon ko na talaga tumayo ang mga balahibo ko at nakaramdam na naman ng matinding takot sa lalaking 'yon.
Alam kong delikado siya, pero dahil hindi ko siya lubusang kilala ay hindi ko rin lubusang alam ang mga kaya niyang gawin. Pero sa sinabing ito ng kaibigan ko... pakiramdam ko kahit patay na 'ko ay nanganganib pa rin ang buhay ko.
YOU ARE READING
School Playlist #1: Breakthrough [On-going]
Teen FictionThis is only the beginning of their difficulties. Will they be able to surpass the chaos, or will they continue what has come to a halt between them? Is this also the beginning of their characters' breakthrough?