CHAPTER FIFTY-SIX

12 1 0
                                        

* * *

Silid na papalit-palit mula pula, puti, asul, dilaw, berde, lila, rosas, at iba't iba pang klase ng kulay ang sumalubong kay Axel sa pagdilat niya ng kanyang mga mata. Imbes na masapot, maalikabok, at mabaho na abandonadong bodega ay isang malamig, mabango, at malawak na silid ang nakikita niya sa paligid. Hindi ito tahimik, at malamang ay hindi rin tagong lugar. Naririnig niya ang tawanan at pag-uusap ng mga tao sa loob at labas nito. May iba na sinusubukan pa na bumulong, at may iba naman na parang may gamit na mikropono sa lakas ng boses.

Nangingibabaw ang amoy ng alak sa loob. Matamis at medyo nakakahilo. May natatanaw rin na usok ang nanlalabong paningin ni Axel. Mabigat ang kanyang pakiramdam at namamanhid ang kanyang mga braso at mga paa. Naasiwa rin siya sa tila masikip niyang hinihigaan kaya naman sinubukan niyang bumalikwas, kaso hindi niya magawa dahil sa nakaharang na sandalan ng sofa na hinihigaan niya. Ang malala pa ay natuklasan na rin niya kung ano ang dahilan ng pamamanhid ng kanyang mga biyas.

Mahigpit lang namang nakatali sa likod ang kanyang mga braso habang naka-krus ang kanyang mga binti na nakatali rin.

"Augh!" Nagising ang diwa ni Axel at puwersahan na hinila palayo sa isa't isa ang kanyang mga biyas. Ngunit matibay ang pagkakatali ng mga ito sa kanya, hindi lang pisi, pinulupotan din nila ito ng tali. Maliban pa dito ay wala na ring sapat na lakas si Axel. Matapos nang ginagawa sa kanya ni Aaron kanina ay malamang naubos na ang lakas ng kanyang katawan sa pagpapahina ng epekto ng droga na inispray sa kanya.

"Bernard! You bastard!" sigaw niya nang naging malinaw ang nakangising mukha ni Bernard sa katapat niyang sofa.

Naubos na ata ang tape sa higpit at kapal ng tali sa mga biyas ni Axel at wala ng natira para takpan ang kanyang bibig.

"Oh, hi! Good evening, moonlight," bati sa kanya ni Bernard nang makita ang galit niyang ekspresyon.

"What do you think you're doing? Where's that damn geezer?!" galit na sigaw ni Axel sa kanya.

Bukod sa mga ilaw, inumin, at boses ng mga tao ay maingay rin ang paligid. Hindi na kailangan pa na itanong ni Axel kung nasaan siya, dahil walang duda ay nasa isang club siya dinala ng mga ito.

Hindi na rin nakapagtataka. Sa ganitong paraan magaling ang mga bampira. Sa dami ng iba't ibang nilalang sa daigdig, ay kabilang ang mga bampira sa iilang nilalang na may kakayahan na makisali sa komunidad ng mga mortal ng hindi nahuhuli. Gamit ang mataas na antas ng kanilang pamumuhay, na narating nila dahil sa mahabang buhay na mayroon sila, ay nagtatago sila sa likod ng mamahaling club kagaya nito. O kaya sa isang high-end na condominium building katulad ng mayroon si Axel. At sa malalaking ospital na ipinatayo nila kagaya na lang ng pagmamay-ari ng ilan sa mga tauhan ng Supreme.

Bakit ba naisip ni Axel na sa isang lumang bodega siya dadalhin ng mga ito? Malamang dahil sa tagal na ng pagbabanta sa kanya ni Bernard ay hindi niya akalain na tototohanin na niya ito ngayon.

Alam na niya ito, sa higpit pa lang pagkakatali sa kanya, at sa dami ng mga bampira sa paligid. Alam niya na totoo na ito. Papatayin o pipilitin na sumapi sa kanila. "Either one of that is my fate. I just have to hope that Miller and Kristoff did not forget about me," wika ni Axel sa kanyang isipan.

"Sinong geezer? Ah! Si Aaron?" Sumandal sa sofa si Bernard at pinatong ang mga braso sa sandalan ng sofa. "Tapos niya ang trabaho niya dito, umalis na siya," dagdag nito.

Hindi mapigilan ni Axel na makagat ang sariling ngipin sa inis. Nagpaloko na naman siya kay Aaron.

"You got tricked again, didn't you?" Tawa ni Bernard tapos ay tumingin sa may bandang dibdib ni Axel. "'Yang kwintas mo," nguso niya, "'Wag kang mag-alala sa'yo na 'yan. Depende sa mood ko, baka maisuot mo pa 'yan ng mas matagal."

Taming the VampireWhere stories live. Discover now