Malumanay ang pag-agos ng tubig sa mga palad ni Mayumi na tumutulo sa porselanang lababo. Nakayuko siya upang maabot ang gripo ng lababong masiyadong mababa para sa kaniya.
Hinarap niya ang salamin na mayroong wisik ng tubig at sumisilip na amag sa gilid-gilid.
Kinusot niya ang tira-tirang mascara sa kaniyang mga mata. Pinagkakasya ang isang tuldok na sabon mula sa nangangalahati nang facial wash.
Tipikal ito at generic na mabibili sa kahit na anong pharmacy, grocery, drugstores, at pati na rin sa Eleven 7. Kahit ganoon, ayaw niya pa ring bumawas nang marami.
Minata niya ang lababo na kung ano-ano ang nakatayo sa tabi ng gripo. Toothpaste na naghihingalo, bloke ng sabon, nakataob na shampoo, at mga toothbrush na nakasabit sa may pader. Pink, blue, at yellow. Alam na niya kung alin ang kay Tala.
Bumalik ang kaniyang tingin sa facial wash na parang naligaw sa mga ordinaryong sabon at gamit sa banyo.
Pinunasan niya ang kaniyang mukha gamit ang tuwalya at isinabit ito sa kaniyang balikat. Nakapusod ang kaniyang buhok habang gumilid na sa gilid ng kaniyang noo ang kaniyang basang bangs.
Kinolekta niya ang mga pekeng pilikmata at itinapon ito sa basurahan. Hindi nakalusot ang plastik nito sa kaniyang tingin na bago at walang laman. Bagong palit. Walang bakas ni hibla ng buhok at nanaig na amoy ng sabon panlaba.
Naalala niya rito ang sinabi ng lolo ni Tala noon sa kaniya,
"Kahapon nga nagtataka ako ba't bigla na lang siya naglilinis ng buong bahay, kaso sabi niya may pupunta raw siyang kaibigan. Ikaw pala iyon."
Pinihit ni Mayumi and pinto. Nakasandal si Tala sa may pader at taimtim na naghihintay. Nakatulala siya sa katapat na pader at malikot ang paa na hindi mapirmi sa lapag.
"What are you thinking about?" malumanay na wika ni Mayumi habang isinasara ang maingay na pinto sa likod.
Kaagad na nalipat sa kaniya ang atensyon ni Tala at tumigil ang kaniyang paa. Inangat niya ang dalawang CD nang mayroong malawak na ngiti at inilapit ito sa kaniyang mukha-- masiyadong malapit.
"Ito! Ano sa tingin mo? Parehas kasi maganda, e! Ano mas trip mo?" tugon ni Tala. Masigla at malakas.
Pamilyar siya sa mga ito. Isang panda na sanay magmartial arts, at isa namang iba't ibang hayop na nakapose pa nang mayroong malaking ngiti.
'Wait, I know this one.' isip ni Mayumi habang tinitingnan ang lemur na mayroong berde at dilaw na sumbrero. 'He's from that one song 'I like to move it, move it'!'
"Ang dami kasi naming gan'to, 'di ako makapili!"
Pabiro siyang tiningnan ni Mayumi na parang hindi naniniwala.
Itinuro naman siya ni Tala, "Pramis nga marami!" wika niya sabay kuha sa kamay ni Mayumi. "Heto, buong mag-anak sila dito-- baka nga buong angkan!"
Dinala siya ni Tala sa salas. Tanging ang telebisyon ang nagsisilbing liwanag dito na ipinapalabas ang balita ngunit walang tunog. Luma ang kanilang telebisyon na flat screen sapagkat makapal ang histura nito. Nakapatong ito sa mababa at mahabang aparador na sinapinan ng puting tela na bulaklakin ang disenyo.
Binuksan ni Tala ang aparador na ito at kaagad na dumaing ang lumang kahoy na pilit kumakapit sa katabi nito na saradong pinto. Inabot niya ang loob nito at kumaluskos naman ang isang maliit na bag.
Kuryoso itong pinanood ni Mayumi na ilatag sa lapag. Noong buksan, para itong photo album na mayroong mga klarong pahina na naglalaman ng mga CD.
Inilapit ito ni Tala kay Mayumi, ineengganyo siya na tingnan ang mga ito.
YOU ARE READING
Spring Onions
RomanceMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...
