Viewer discretion is advised: The content might be uncomfortable to read due to bullying, verbal abuse, and harassment.
NOON. MARCH 8, 2023.
'I still wonder if this is the right thing to do. I feel like I'm running away.'
Nakabukas na ang pinto, at pumasok siya rito nang yakap-yakap ang kahon.
Para siyang humahakbang sa panibagong mundo na mayroon ding hatid na mga bagong posibilidad.
Bakante ang silid maliban na lamang sa ilang kagamitan na mabigat at malaki katulad ng aparador, mga istente, at higaan na wala pang kobre-kama sa kutson.
Puting puti ang mga dingding na bagong pintura at hinihintay na lamang siya na lagyan sila ng bagong dekorasyon.
'But I trust Dad. He's right... I can start new here. Make new friends and memories. It's easier to heal when away from what happened.'
Marahan niyang ibinaba ang huling kahon sa lapag at hinugot ang cutter. Malutong ang paghiwa sa karton noong buksan niya ito.
Inangat niya ang mga isinasabit na palamuti na hugis mariposa, tutubi, at paroparo. Tumama ang araw sa mga ginupit na CD at crystal na idinikit niya rito at nakipaglaro sa kinang na taglay nila. Lumabas ang iba't ibang kulay sa mga CD at crystal na tumalbog sa puting dingding. Habang naging matingkad naman ang mga tuyong bulaklak at dahon sa resin.
Ngumiti nang bahagya si Mayumi.
Inayos niya ang kaniyang mga libro sa istante at idinisplay ang mga proyekto na maganda ang kinalabasan kahit siya lamang ang gumawa. Tumungtong siya sa upuan at sunod na isinabit ang mga naka-kuwadrong insekto. Pinaligiran niya pa ito ng fairy lights na tiyak magmumukhang alitaptap mamayang gabi. Aabangan niya ito kasama ang mga nakasabit na mariposa, tutubi, at paroparo.
Magmumukha silang naglalaro sa gitna ng dilim.
Pinagpag niya ang kama at nakipaglaban pa sa kutson upang mabalutan ng kobre-kama. Inayos niya ang mga unan dito, at kinumutan ang mga plushies niya. Mamaya makikihilera na rin si Loui sa mga ito at pasimpleng ngangatngatin ang braso.
Kulay kahel na ang sikat ng araw noong ayusin niya ang kaniyang aparador. Nakaupo siya sa lapag at isa-isang dinudukot ang mga damit sa kahon upang isabit sa hanger.
Mapusyaw na asul at checkered ang kaniyang bagong uniporme. Simple ito, at ordinaryo tingnan katulad ng mga pangkaraniwang uniporme sa bansa. Long sleeve na polo na pang-high school, mahabang palda, at mayroon pang manipis na asul na laso na binubuhol sa kuwelyo.
Okay naman ito. Hindi masiyadong matingkad o maputla ang kulay, sa halip maaliwalas sa mata.
Isinabit niya ito kasama ang iba pang mga damit.
Dinukot niya ang huling damit sa kahon at napalis ang kaniyang ngiti noong i-angat niya ito.
Bakit ganoon?
Akala niya pa naman ayos na siya at hindi na siya magiging apektado ng isang bagay mula sa nakaraan; sapagkat narito na siya sa kasalukuyan at nasa isang lugar na hindi maaabot ng kanilang presensya at salita.
Masaya na siya habang nag-aayos. Mas iniisip na niya ang bagong oportunidad. New start.
Ngunit habang hawak niya ang uniporme na mukhang pormal at sopistikada, para siyang kinakapos ng hininga. Nanunuyot ang kaniyang lalamunan at tumatahimik ang kaniyang isipan. Iyong katahimikan na malamig at nakakamanhid.
Hindi na tumakbo ang kaniyang isip at hindi na siya makagalaw. Naging malabo ang pagkasabik niya sa hinaharap, sapagkat mas naging mabigat sa kaniyang loob ang isang gamit mula sa nakaraan.
YOU ARE READING
Spring Onions
RomanceMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...
