Nabahala si Pio nang ibalita ko sa kanya ang sinabi ni Lady V sa telepono. Napailing siya at humipo sa noo niya na parang sumakit ang ulo nito nang dahil sa sinabi ko. Kahit ako ay kinabahan nang malaman kong pinapatawag kami ng hari at reyna. Para saan? Bakit sila nandito?
"Hindi natin kailangan pumunta, Alex." Sabi sa akin ni Pio. Kitang kita sa mukha niya ang pag-aalala. "Tumuloy na lang tayo sa pupuntahan natin. Hali ka na." Dugtong niya.
"Sa tingin mo ba mag-e-enjoy pa tayo sa pupuntahan natin?" Medyo iritado ang pagkasagot ko kaya nabigla si Pio sa naging reaksyon ko. Ngayon lang ako sumagot ng ganito sa kanya.
"Nag-aalala lang naman ako para sa iyo." Sagot niya at nakita kong nagtampo siya.
"Alam ko. Sorry. Sorry." Hinawakan ko siya sa braso at marahan itong hinaplos. "Hindi ko sinasadya."
"Okay lang, naiintindihan kita. Hali ka na. Tumuloy na lang tayo." Sabi niya sabay hawak sa kamay ko. Nagsimula na siyang maglakad.
"Sandali Pio... Sa tingin ko oras na para harapin natin sila." Naisip ko na hindi matatapos 'to kung lagi lang kaming umiiwas. Alam kong hindi rin titigil ang hari dahil nag-iisang anak nila si Pio. Sino ba namang magulang ang gustong mawalay ang anak nila sa kanila? Pero sana naman magkaroon ng milagro at lumambot na ang puso ng hari pagkatapos ng nangyari kay Pio. Kasi grabe na siya ha! Ang tagal nang issue 'to! Nakakapagod na talaga. Hindi ba tumataas ang presyon niya dahil lagi siyang galit sa akin? Hindi ba uso sa kanila ang stress? Kasi ako stress na stress na.
"Sigurado ka?" Tanong ni Pio. "Hindi natin kailangan pum--"
"Oo. Sigurado ako Pio." Sagot ko at hinila niya ako para yakapin.
Sa likod niya, nakita kong may paparating na black SUV. "At saka 'andyan na yata 'yong susundo sa atin oh." Dugtong ko. Hindi ko alam pero natawa ako. Anong drama ba 'to? Parang sasabak lang sa gyera at nagyayakapan talaga?
***
Kahit anong aliw ko sa sarili ko, hindi ko magawang matawa. Pareho kaming tahimik sa byahe maliban sa paminsan-minsang tanong ni Pio kung okay lang ako. Okay lang naman ako, kinakabahan lang talaga. Sana tama ang desisyon ko dahil kung hindi baka umuwi na naman akong luhaan and worse- nag-iisa.
Walang kibo si Pio pero alam kong nag-aalala rin siya dahil mahigpit ang hawak niya sa kamay ko. Ganito ba siya ma-tense?
"Uy, huminga ka naman! Masyado kang seryoso dyan." Biro ko kay Pio. Bumuntong hininga siya at pinisil ang kamay ko.
"Nag-aalala lang ako para sa iyo."
"Relax lang okay? Nandoon si Lady V, ipagtatanggol tayo no'n!" Pabirong sagot ko kahit hindi ako sigurado sa sinabi ko. Ipagtanggol nga kaya kami ni Lady V? At ang reyna, ano kaya ang gagawin niya? Kukunin na naman ba nila si Pio?
Gusto ko nang makarating at nang magkaharap-harap na kami pero parang naduduwag din ako. Nagtatapang-tapangan lang ako kahit ang totoo nangangatog na 'ko sa takot. Papasok na kami sa gate kaya mas lalo akong kinabahan. Alam ko naman na pwede pa namang umatras pero umaasa na lang akong maganda ang kalalabasan ng pag-uusap na ito.
Nanghihina ang tuhod ko pagbaba ko ng sasakyan buti na lang at laging nakaalalay sa akin si Pio dahil kung hindi baka hindi na ako nakaakyat ng hagdan. Hindi rin nakatulong ang malamig na gabi dito sa Tagaytay. Sana pala ay nagdala ako ng jacket.
Pagpasok namin sa mansyon ay narinig ko agad ang malaki at nakakatakot na boses ng hari. Hindi ko pa man sila nakikita ay sobra na ang kaba ko. Parang binabangungot lang ako pero ito, sa totoong buhay. Gusto kong tumakbo palabas pero huli na dahil narinig yata ni Lady ang pagpasok namin at siya na ang sumalubong sa amin.
BINABASA MO ANG
Ang Boyfriend Kong Engkanto (Published by Bookware)
FantasyWhen girl meets engkanto. Bam! Highest rank achieved: #4 in fantasy