Chapter 4

1.7K 56 2
                                    

Jayden Sullivan

NAKATITIG lamang si Jayden sa isang sanga ng puno kung saan may nakalagay na sapot ng gagamba. Pinagmasdan niya ang isang maliit na paru-paro na nasabit sa sapot at hindi na makaalis. Papalapit na sa paru-paro ang malaking gagamba na nakatira doon.

Hindi inaalis ni Jayden ang tingin sa malaking gagamba habang pinupuluputan nito ng sapot ang kawawang paru-paro. Binuksan niya ang school backpack na dala at kinuha doon ang isang posporo.

Nagsindi siya ng isa at itinapat iyon sa sapot. Agad na nasunog ang sapot, kasama na ang gagamba na bumagsak sa lupa, maging ang paru-paro.

Nag-aapoy pa rin ang malaking gagamba na nagpupumilit tumakbo palayo. Sinundan ni Jayden ang gagamba. Akmang tatapakan niya na iyon nang marinig ang boses mula sa harapan.

"Jayden," tawag sa kanya ni Teacher Marta – ang homeroom teacher nila. Nasa high school na siya nang mga panahon na iyon. "Ano bang sinabi ko? Huwag kang magdadala ng posporo sa eskuwelahan. Delikado 'yan."

Nagyuko ng ulo si Jayden. "S-sorry po."

Bumuntong-hininga si Teacher Marta. "Sige na, umuwi ka na. Kanina pa naglabasan, 'di ba? Bakit hindi ka pa umuuwi?"

"Uuwi na rin po ako," aniya bago lumakad palabas ng gate. Medyo madilim na ang paligid. Hindi alam ni Jayden kung nasa bahay pa rin nila ang nakatatandang kapatid na si Gilbert.

Mahigit limang taon nang silang dalawa lang ng kuya niya ang magkasama. Hindi nila nakilala ang kanilang ama dahil iniwan daw nito ang kanilang ina noong ipinagbubuntis siya. Ang kanyang inang si Geraldine ay namatay naman dahil sa isang aksidente.

Napatigil si Jayden sa paghakbang nang mapatapat sa pinto ng bahay nila at makitang bahagyang nakaawang ang front door. Maingat siyang pumasok sa loob.

Walang narinig na kahit ano si Jayden. Siguro ay nasa kuwarto nito si Kuya Gilbert. Siguro ay may bisita na naman ito.

Naglakad siya patungo sa sariling kuwarto nang muling mapatigil sa tapat ng kuwarto ng nakatatandang kapatid. Bahagyang nakaawang ang pinto niyon, nakabukas din ang ilaw.

Dahan-dahang lumapit si Jayden sa pinto para silipin kung naroroon nga si Kuya Gilbert. Tila napako ang kanyang mga paa sa kinatatayuan nang makitang nakahiga sa papag ang nakatatandang kapatid. Nakabuka ang mga kamay at paa, nakakadena.

Walang kahit ano'ng saplot si Kuya Gilbert, may nakatali ring panyo sa bibig. Natutop ni Jayden ang bibig nang makita ang isang lalaki na lumapit sa papag.

Hindi niya gaanong makita ang mukha ng lalaki dahil nakasuot ito ng baseball cap, nakasuot ng itim na damit, pantalon. May sinasabi ito na hindi niya maintindihan.

Nalipat ang tingin ni Jayden sa kamay ng lalaki na may hawak na hachet. Nang tingnan niya ang mukha ng kapatid na si Gilbert ay nanlalaki na ang mga mata nito, nagpupumilit makawala sa pagkakakadena.

Gusto niyang tulungan ang kapatid pero hindi naman sumusunod ang katawan. Nanatili lang si Jayden na nakatayo doon, natatakot gumawa ng kahit anong ingay.

Napasinghap na siya nang itaas ng lalaki ang hawak na hachet para putulin ang isang braso ng kanyang Kuya Gilbert. Nanginig ang buong katawan ni Jayden.

Kitang-kita niya ang pagtilamsik ng mga dugo sa pader. Natuon ang kanyang mga mata sa kwintas ng lalaking pumapatay sa kanyang kapatid. May pendant na krus iyon.

Hindi maintindihan ni Jayden ang nangyayari. Sino ang lalaking iyon? Bakit nito pinapatay ang kapatid? Nananaginip ba siya? At bakit hindi niya maigalaw ang katawan? Hindi makatakbo? Makahingi ng tulong?

Higit na nadagdagan ang takot ni Jayden nang makarinig ng pagyabag...

Dahan-dahang iminulat ni Jayden ang mga mata. Nagising siya dahil sa malakas na katok mula sa pinto ng flat na tinitirhan. Bumangon siya at napahawak sa ulo. Bakit napanaginipan niya ang pagkamatay ng kapatid na si Gilbert?

Napabuntong-hininga si Jayden nang marinig muli ang katok sa pinto. Tumayo na siya at tinungo ang kung sinomang bisita ng ganoon kaaga. Sinulyapan niya ang wall clock sa sala, pasado alas-sais pa lang ng umaga.

Binuksan ni Jayden ang pinto at agad na sumalubong ang mukha ni Lauren Jacinto – isa sa mga senior journalists niya. She was also one of the anchors in DP News. Isa si Lauren sa unang nakilala niya mula nang magtrabaho bilang journalist para sa Daily Philippines. Marami itong itinuturo sa kanya.

"Sa wakas nagising ka rin," naiiling na wika ni Lauren, tuloy-tuloy nang pumasok sa loob ng kanyang flat. "Ano bang ginawa mo kagabi at mukhang nahuli ka na naman sa balita?"

Isinara ni Jayden ang pinto. "Balita?" Tiningnan niya ang babae. Nakasuot lamang ito ng simpleng pink shirt with Mickey Mouse print, pantalon at sneakers. May backpack din na ipinatong sa mesita.

Magandang babae si Lauren, hindi lang sa T.V. kundi maging sa personal. Alam ni Jayden na maraming lalaki ang umaaligid dito pero hindi naman pinag-uukulan ng pansin ng dalaga. Siguro dahil mas importante dito ang career.

Muling napailing si Lauren, abala na sa pagpindot sa hawak na cell phone. "Paano ka makikilala sa larangan ng journalism kung mahuhuli ka lagi sa mga breaking news?"

Naupo si Jayden sa tabi nito. "Wala ka bang trabaho ngayon sa station?" ganting tanong niya.

"Nagtatrabaho ako ngayon," sagot ni Lauren. Naiinis nitong ibinagsak sa couch ang cell phone. "Nagkasakit ang cameraman na nakatoka sa akin. Puwede mo bang tawagan ang cameraman mo?"

"Si Danny?" tukoy ni Jayden sa photographer na nakakasama sa trabaho para sa mga articles niya. "Sige. Bakit ba? May bagong scoop kang nakuha?"

"Gosh, you haven't heard?" Hindi makapaniwalang tanong ni Lauren. "It's all over the news, Jayden. Hindi lang ako ang nakapagbalita kanina dahil iba ang pinili nilang anchor."

Kumunot ang noo ni Jayden. Hindi siya lumabas kahapon kaya walang alam sa nangyari. Hindi rin naman siya nagbukas ng T.V. or internet, mas pinili lang na magpahinga.

Pinakatitigan siya ni Lauren ng ilang sandali. "You really looked so innocent, Jayden. Huwag mo sabihing virgin ka pa rin?" Tumawa pa ang dalaga.

"Masama ba 'yon?" tanong ni Jayden, nagtataka.

Bumahid ang pagkagulat sa mukha ni Lauren. Ibubuka pa nito ang bibig pero yumuko na lamang. Napansin pa ni Jayden ang pamumula ng mukha ng dalaga.

"Ano bang nangyari?" tanong na lang ni Jayden.

Kinuha ni Lauren sa loob ng backpack ang isang tabloid ng Daily Philippines. Tinignan ni Jayden ang nakasulat sa headline.

Police Superintendent Carlo Abad's residence bombing last night leaves three people dead.

"Bombing," usal ni Jayden. "Terrorist attack?"

"Iyon din ang iniisip ng lahat," ani Lauren. "Pero hanggang ngayon, wala pa ring umaako sa mga terrorist groups na sila ang gumawa niyon."

Tumango-tango si Jayden, ipinagpatuloy ang pagbabasa ng diyaryo. "NBI ang humahawak ngayon sa kaso," usal niya.

"Yep, since Carlo Abad was in the police force." Tumayo na si Lauren. "Kaya exciting ang scoop na ito."

"Delikado rin," aniya. "Kung ang pumatay sa mga Abad na ito ay terorista, mahirap silang kalaban. Posibleng maraming inosente ang madadamay."

"Nakita mo naman na tatlo lang ang na-recover na bangkay, 'di ba? Hindi ko pa lang alam kung kaninong mga bangkay iyon, hindi pa rin kasi naglalabas ng information ang NBI." Humalukipkip si Lauren. "Kaya kailangan na nating kumilos at humanap ng puwedeng mapagkuhanan ng impormasyon. Dapat lagi tayong nauuna sa balita."

Napabuntong-hininga si Jayden. Hindi naman talaga siya interesado sa mga terrorist works pero kung makakatulong ito sa kanyang trabaho, bakit hindi susubukan?

At curious din siya sa kung sinomang nagpasabog sa residence ng isang high-ranking police officer. Napakalakas ng loob ng killer na iyon para gumawa ng ganoong krimen.

[Completed] Cold Eyes Saga 3: There Will Be More BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon