Chapter 14

1.5K 49 5
                                    

Jemimah Remington-Maxwell

SILANG tatlo nina Paul at Mitchel ang nakaupo sa loob ng interrogation room, kaharap si Jimbo Cuello na nanatili pa ring walang imik. Inabot ni Paul ang isang ID na nakalagay sa loob ng sampling bag.

"Jimbo Cuello," wika ng binata. "Nabasa ko kanina ang report ng kasong kinasasangkutan mo. Alam mo ba ang mangyayari kung mananatili ka lang na tahimik?"

Hindi pa rin sumasagot si Jimbo.

"Siguro naman ay alam mo ang nangyaring pagsabog sa hotel na ito." Ipinakita ni Paul ang isang larawan sa lalaki. "Base sa mga nakuhang ebidensya, ginamit mo ang pangalan ng patay mong kapatid na si Rolland Cuello. May mga witnesses na nag-describe sa itsura mo at nagsabing ikaw ang nag-rent ng mga kuwartong nakapalibot sa hotel room ni Luis Manahan – ang target ng pambobomba."

Bumahid na ang pagkagulat sa mukha ni Jimbo. Mukhang naintindihan na kung ano ang pinasok nito.

"W-wala akong... a-alam sa mga pinagsasasabi niyo," nauutal na wika ni Jimbo.

"Lahat ng ebidensya at witnesses ay tumuturo sa'yo," sagot ni Paul, seryoso. "At ang mga nakita namin sa possession mo, sa bahay ni Rose Ann Alday kung saan ka nagtago ng ilang araw. Marami pang kaso ang puwedeng isampa sa'yo, katulad ng illegal possession of firearms, drugs. Umamin na rin si Rose Ann sa amin na nakiusap kang makitira sa bahay niya kapalit ng malalaking halaga na ibinibigay mo sa kanya. Mga perang nakakapagtaka kung pagbabasehan ang kinikita mo sa isang bar."

Napayuko na si Jimbo.

"Kung hindi man ikaw ang nagpasabog sa hotel room ni Luis Manahan, siguradong kilala mo kung sino," wika naman ni Mitchel. "Alam mo bang kapag lumabas na hawak ka namin ngayon, baka ikaw naman ang isunod ng kung sinomang nag-uutos sa'yo."

Nag-angat ng tingin si Jimbo, may takot na sa mukha. "P-papatayin din niya ako? P-pero sinunod ko siya. Sinunod ko lahat ng utos niya!"

"Sinong siya?" tanong ni Jemimah. Nakita niya ang pag-aalangan sa mukha ni Jimbo. "Hindi mo kailangang matakot. Magkakaroon ka ng police protection kung makiki-cooperate ka."

Ini-iling ni Jimbo ang ulo. "H-hindi ko alam," garalgal na sagot nito, isinubsob ang mukha sa mga kamay na nakaposas. "M-may nagdeliver lang sa apartment na tinutuluyan ko noong nakaraang linggo ng isang kahong puno ng pera. Kasama doon ang isang folder kung saan nakasulat ang mga utos na kailangan kong gawin. May sulat din doon na nagsasabing, dodoblehin ang perang pinadala sa akin kapag nagawa ko lahat ng maayos." Nanlalaki ang mga matang tumingin sa kanila ang lalaki. "Sino'ng makakahindi sa ganoong pera?"

"Ano'ng mga utos?" tanong naman ni Paul.

"S-simple lang. Katulad ng... ng subaybayan ko ang lalaking 'yan." Itinuro ni Jimbo ang picture ni Luis Manahan. "Alamin ko kung saan siya nagpupunta, kung may mga bodyguards ba siya o ano? Walang bodyguard ang lalaking 'yan, driver lang."

Alam nilang walang bodyguard si Luis Manahan, tanging ang kambal na anak lang nito. Pero dahil madalas na takasan ng mga anak ni Manahan ang mga bodyguards kaya hindi alam ng mga nakausap nila kung saan ito nagpupunta.

"Paano mo naibibigay sa kung sinomang nag-uutos sa'yo ang impormasyon?" tanong pa ni Jemimah.

"Text. May ibinigay silang number sa akin. Sinusubukan kong tawagan nitong nakaraang mga araw pero unattended na."

At siguradong hindi na rin nila mate-trace ang number na 'yon kung sakali.

"Ano pa?" Paul kept on probing.

"Iyong... iyong pag-rent sa mga hotel rooms, n-nakasulat din 'yon sa utos niya. Siya ang nagplano na gamitin ko ang pangalan ng kapatid kong si Rolland para daw... para daw hindi ako mahuli. Sinabi niyang gamitin ko ang mga perang ipinadala niya... na dadagdagan pa ang ibibigay sa akin kapag natapos na ang lahat." Kakikitaan na ng takot ang mukha ni Jimbo. "W-wala akong kinalaman sa nangyaring pagsabog, maniwala kayo. N-nagulat din ako nang makita iyon sa balita kaya... kaya naisipan kong magtago."

[Completed] Cold Eyes Saga 3: There Will Be More BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon