Jemimah Remington-Maxwell
NAKAUPO si Jemimah sa loob ng SCIU interrogation room, katabi sina Mitchel at Paul. Nasa harap nila ang dating asawa ni Leo Parfan na si Marissa Garcia. Hindi maitatanggi ang pamumugto ng mga mata ng babae.
"Ms. Garcia," panimula ni Jemimah. "Ilang taon na kayong hiwalay ni Leo Parfan?"
"Mahigit... sampung taon na," sagot ni Marissa, napahikbi. "H-hindi ko... inaasahan 'to. Bakit? Bakit pati si Rick nadamay?"
"Maaari ba naming malaman kung bakit kayo nakipaghiwalay sa kanya?" tanong naman ni Mitchel.
"M-mahal ko si Leo," pumiyok pa ang babae. "Pero nagbago na siya. Naging... naging gahaman na siya sa pera at mas inintindi na lang ang pagpapayaman."
Tiningnan ni Jemimah ang profile report ni Leo Parfan na nasa mesa. "Nakasulat dito na may-ari ng isang real estate business si Leo Parfan bago siya tumakbo sa pulitika. Two years ago nang maging Justice Secretary siya." Ibinalik niya ang tingin kay Marissa. "May naiisip ka bang dahilan kung bakit may pumatay sa kanya? Kaaway noong nagsasama pa kayo?"
Iniyuko ni Marissa ang ulo. "My husband was a good man. Pero nagbabago ang tao lalo na kapag nasilaw ng pera." Ilang saglit itong huminto, pinunasan ang mga luha sa pisngi. "Wala akong alam sa mga business deals niya pero siguro... siguro may nagawa siyang mali para mangyari ito. Dapat nakinig siya sa akin nang sabihin kong hindi pera ang nagpapatakbo sa mundo."
Humugot muna ng malalim na hininga si Jemimah bago nagpatuloy. "Nakalagay din dito na ang anak n'yong si Rick ang nag-manage sa real estate business mula nang pumasok si Leo sa politics."
Tumango si Marissa. "Si Rick lang naman ang magmamana niyon. But it didn't turn out well. Base na rin sa nababalitaan ko. Walang alam si Rick sa pagpapatakbo ng ganoong business."
"Madalas ba kayong magkita ng anak mong si Rick?" tanong naman ni Paul.
Umiling ang babae, punong-puno ng kalungkutan ang mukha. "Rick and I are never close. Hindi ko naman siya masisisi na mas gusto niyang manatili kay Leo. His father spoiled him so much."
"Sa loob ng mahigit sampung taon na hiwalay na kayo ni Leo, hindi ka na rin bumuo ng panibagong pamilya?" tanong ni Mitchel.
"M-mahal ko pa rin si Leo," sagot ni Marissa, kinagat ang pang-ibabang labi para pigilan na naman ang pag-iyak. "Pero hindi ko kayang makisama sa taong pera lamang ang iniintindi."
Tinapos na naman nila ang pag-iinteroga makalipas ang ilang sandali. "Wala naman siyang itinatago," wika ni Mitchel. "Wala rin siyang makukuha kung magsisinungaling sa atin. Base sa nakita nating Last Will and Testament ni Leo Parfan, kay Rick niya ipinamamana ang lahat ng kayamanan."
"Pero wala na rin si Rick, that's too bad," ani Paul. "Hindi ko lang maintindihan kung bakit hindi pinatay ni Ash si Marissa."
"Let's just be thankful na kahit isa ay nakaligtas," ani Jemimah. "May kakausapin lang ako."
Lumakad siya patungo sa isang opisina para kausapin ang isa pang Team Leader ng SCIU na si Queenie Agustin. Binati siya ng babae nang makapasok.
Kanina bago sila pumunta sa interrogation room ay kinausap siya ni Queenie at sinabing baka may maitulong ito sa kasong hinahawakan nila. Queenie was beautiful and sophisticated. Pareho lang siguro sila ng edad ng babae. Mas matagal na nga lang itong nagtatrabaho para sa SCIU.
"Sinabi mong baka may maitulong ka sa kasong hawak namin," panimula ni Jemimah.
Ilang sandaling nag-alangan si Queenie. "How was the case doing? May mga leads ba kayo?"
Napabuntong-hininga siya. "Hindi ko masasabi, alam mo 'yon. But we found Rick Parfan's car in a bar in Quezon City. Nagtanong-tanong kami sa mga staffs doon kung may nakita silang kasama si Rick nang gabing mawala siya pero wala silang maalala."
"Ang mga CCTV's?"
Umiling si Jemimah. "Nakuha sa CCTV ang pagpasok ni Rick Parfan sa loob ng bar. Sa loob naman ay hindi na gaanong makita ang mga tao dahil sa dami, medyo malabo rin ang footage. Hindi na nakita ang paglabas ni Rick, hula namin ay sa backdoor sila dumaan. Walang CCTV doon."
Hinaplos-haplos ni Queenie ang baba. "Magiging mahirap nga para sa inyo."
"So ano'ng ibig mong sabihin kanina? Do you have something?"
May ipinakita sa kanyang larawan si Queenie – picture ni Rick Parfan, sa isang beach resort iyon kinuhanan. "You know this case is all over the news. Halos lahat dito sa SCIU ay nagkakagulo na rin dahil sa kasong ito. I accidentally found this photo of the victim. Hindi ko sana pag-uukulan ng pansin kung hindi ko nakita ang tattoo na nasa kaliwang dibdib niya."
Pinakatitigan ni Jemimah ang tattoo – isa iyong diamond na may nakapulupot na ahas. "And what about that tattoo?"
"Tattoo iyan ng isang gang," sagot ni Queenie. "Ang isang ex-boyfriend ko ay may ganyan ding tattoo. It's a well-known gang dahil maraming mga mayayaman ang miyembro noon."
Ibinalik niya ang tingin sa babae. "Ano'ng pangalan ng gang?"
"Taipan, like the name of a venomous snake."
Inilista iyon ni Jemimah sa notepad na hawak. Taipan. Hindi nila alam kung makakatulong iyon pero kailangan nilang subukan. "Bakit mo nga pala ako tinutulungan?" tanong niya.
Hindi niya matatawag na kaibigan si Queenie. Minsan lang itong nakakausap ni Jemimah, tuwing may mga importanteng meetings lang ang SCIU. At isa pa, malapit ito kay Chief Ricardo de Chavez – ang Chief ng SCIU. Hindi maganda ang relasyon ng team niya sa Chief. Hindi rin naman sila nagre-report dito kundi direktang kay Director Morales na.
"Oh, come on, Jemimah," natatawang wika ni Queenie. "Masama bang magtulungan ang mga empleyado ng SCIU? I'm not here for competition." Ibinigay pa sa kanya ng babae ang isang papel kung saan nakasulat ang address daw ng ex-boyfriend nito na member ng Taipan gang.
Mukha namang sincere si Queenie sa sinabi kaya nagpasalamat na lang si Jemimah dito. Pagkalabas ng SCIU Headquarters ay tinawagan niya si Ethan para ipaalam dito ang nakuhang impormasyon.
"Wait for me there, I'll pick you up," ani Ethan bago nagpaalam.
Lumingon si Jemimah sa likod nang marinig ang pagtawag sa kanyang pangalan. Si Paul iyon.
"Jem, wala kang sasakyan? Gusto mo bang sumabay sa amin ni Mitchel? Plano naming magpunta ngayon sa bahay ni Leo Parfan para humanap ng bagong leads," wika ng lalaki.
Nginitian ni Jemimah ang binata. "That's good. Gusto ko rin sanang sumama pero may bagong lead din akong nakuha." Ipinaliwanag niya kay Paul sa pinakamabilis na paraan ang napag-usapan nila ni Queenie Agustin kanina. "Papunta na rito si Ethan para samahan ako sa isang member ng Taipan gang."
Tumango-tango si Paul. "Sige, mag-iingat ka," anito saka lumakad na palayo.
Ilang minuto lang naman ay nakita niya na ang pagparada ng sasakyan ni Ethan sa tapat ng SCIU. Pumasok siya sa loob at sinabi sa asawa ang address na kanilang pupuntahan.
Habang nagmamaneho ay nakatitig lang si Jemimah sa asawa. Naging sobrang busy nila dahil sa pagsabog na naganap sa Supreme Court kaya nakalimutan nang itanong kay Ethan ang tungkol kay Lieutenant Kevin Pascua. Siguro naman ay masasagot na ng asawa ang ilan sa mga katanungan niya.
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood
Misteri / ThrillerCops, government officials and businessmen were being killed. Kasabay ng matinding pag-iingat, kailangan ding kumilos ng mabilis ng team ni Jemimah para mahuli ang killer na tila may galit sa gobyerno at sa mga nasa awtoridad. Bomb threats everywhe...