Jemimah Remington-Maxwell
"ORAS na siguro para kausapin natin ang natitirang major shareholders ng Build Corporation," sabi ni Jemimah sa harap ng mga miyembro. Hindi pumasok ngayon sa trabaho si Mitchel pero kailangan pa rin nilang kumilos. "We should start with the family of Michelle de Chavez. Kailangan nating malaman kung paano siya namatay."
"Nang kausapin namin si Ricardo de Chavez noon, mukhang hindi niya gustong pag-usapan ang tungkol sa pagkamatay ng asawa," wika ni Ethan. "Bakit hindi natin kausapin ang mga anak nila ni Michelle? Baka may alam sila sa totoong pangyayari."
Tumango-tango si Jemimah. Baka sakaling may lead silang makuha kapag nalaman kung ano ba talaga ang ikinamatay ni Michelle de Chavez. At kung sakaling suicide nga, ano ang nagtulak dito?
"Kami na lang ni Ethan ang pupunta sa Lucena City para makausap ang mga anak ni Chief de Chavez," aniya. "Paul and Douglas, pumunta muna kayo sa SCIU para makibalita. If possible, maganda sana kung malaman natin ang naging resulta ng imbestigasyon ng Internal Affairs."
Habang nasa biyahe papuntang Lucena, nakamasid lamang siya kay Ethan na nagmamaneho. Nakahawak ang isang kamay ng asawa sa kanya.
"You don't think Theia did it, right?" Hindi napigilang itanong ni Jemimah.
Sumulyap sa kanya si Ethan, ngumiti. "Hindi niya gagawin 'yon. Kilala ko si Theia, alam kong nagbago na siya. Mitchel's right, someone's trying to put all the blame on Theia."
"Sino naman kaya?" Nakakaramdam siya ng galit sa kaisipang may gustong magpahamak sa isa sa mga team members niya.
"Baka isa sa mga dating kasamahan niya sa VOTP group. Sila lang naman ang nakakaalam ng totoong pagkatao ni Red."
"Theia will be safe, right? With Mitchel?" tanong pa ni Jemimah. "Kahit hindi natin sila nakakasama ngayon, ang importante ay pinoprotektahan nila ang isa't isa."
Hinigpitan ni Ethan ang pagkakahawak sa kanyang kamay. "Siguradong hindi pababayaan ni Mitchel si Theia." Dinampian nito ng halik ang likod ng kanyang palad. "Magpahinga ka na muna, medyo mahaba pa ang biyahe."
Lumabi si Jemimah. "Gisingin mo ako kapag pagod ka nang mag-drive, okay? Puwede kitang palitan para ikaw naman ang makapagpahinga. Wala ka ring gaanong tulog."
Tumango naman si Ethan. Ipinikit ni Jemimah ang mga mata, agad na nakatulog. Ginising siya ng asawa na naroroon na sila sa tapat ng bahay ng anak nina Ricardo at Michelle de Chavez na si Bert de Chavez. Gusto sanang pagalitan ni Jemimah ang asawa dahil hindi man lang ito nagpahinga pero pinigilan na ang sarili.
Agad naman silang pinapasok ni Bert nang magpakilala. Hindi ganoon kalaki ang bahay ni Bert de Chavez, sapat lang para sa isang pamilya. Hindi katuad ng inaasahan ni Jemimah, simple lang ang buhay ng mga ito. Ibang-iba sa bahay ni Ricardo de Chavez sa Maynila.
"May kailangan ba kayo sa akin?" nag-aalangang tanong ni Bert.
Sinulyapan ni Jemimah ang mga batang sumampa sa couch na kinauupuan ni Bert para magpakandong dito – mga inosenteng bata. Sana ay hindi madamay ang mga ito sa gulong nangyayari ngayon.
"Nandito kami para magtanong tungkol sa pagkamatay ng ina mong si Bert de Chavez," sagot ni Ethan.
Bumahid ang pagkagulat sa mukha ni Bert, yumuko ito. "Iniimbestigahan niyo ba ang pagkamatay niya? M-matagal ko nang sinasabi sa... sa mga awtoridad na hindi iyon... hindi iyon suicide."
Nagkatinginan sina Ethan at Jemimah. Tama nga ang hinala nila. Someone might have killed Michelle de Chavez. At malamang ay may koneksyon ang pagkamatay nito sa lupang pag-aari ng Build Corporation.
"Paano mo nasabing hindi iyon suicide?" tanong ni Jemimah. "Nakita namin ang reports ng pagkamatay ni Michelle de Chavez. Nakalagay doon na nakita siyang walang buhay sa loob ng master's bedroom, may hawak na bote ng lason sa isang kamay. Nakita mo ba ang nangyari noon?"
Umiling si Bert. "Hindi ko man nakita pero alam kong hindi gagawin ni Mama ang magpakamatay. I know my mom was a strong woman. Hindi siya ang taong susuko kaagad."
"Mukhang mahal na mahal mo ang ina mo," aniya. "At ganoon din si Ricardo."
"What?" Hindi makapaniwalang tanong ni Bert, may dumaang galit sa mga mata nito pagkarinig sa pangalan ng ama. "That bastard didn't love my mother."
Nagulat sina Jemimah sa naging reaksiyon ng lalaki. "May nangyari ba sa kanila noon?" tanong niya.
Mahigpit na ikinuyom ni Bert ang mga kamay. "B-bata pa lang kami ay... m-madalas nang nag-aaway ang mga magulang ko. H-hindi namin ang dahilan noon pero ngayon sigurado akong dahil sa pera iyon." Tumingin sa kanila ang lalaki. "Si Mama ang mas malaki ang kita sa kanilang dalawa... kaya alam kong nanliliit si... si Ricardo. Pero sa pagdaan ng mga araw, unti-unting nagiging greedy ang lalaking 'yon. Ginagamit niya ang pera ni Mama sa pagtatayo ng iba't ibang business na nalulugi din naman. Hindi nga ako makapaniwala na naging Chief siya sa SCIU. Well, ano pa bang aasahan kapag maraming pera?"
"Ibig sabihin, lahat ng pag-aari ni Michelle ay napunta kay Ricardo?" tanong ni Ethan.
Tumango si Bert. "They don't have a pre-nuptial agreement. Joint din ang accounts nila sa bangko kaya lahat talaga ay napunto sa pangalan ni Ricardo. Gusto niya kaming bigyan ng pera pero kami na ang tumanggi. We would rather earn our own money than receive something from him. Hindi naman din 'yon lahat sa kanya. Hindi naman gustong gumamit ng perang pinag-aawayan nila madalas ni Mama."
"Sa tingin mo ba ay dahil sa pag-aaway na 'yon kaya nag-suicide si Michelle?" tanong naman ni Jemimah.
Marahas na ini-iling ni Bert ang ulo. "Matagal na silang nag-aaway ni Ricardo pero ni minsan ay hindi sumuko si Mama. Hindi siya nagpakamatay!" Hindi na napigilan ng lalaki ang magpakita ng galit. "May lumason sa kanya at sigurado akong si Ricardo iyon! Siya na lang dapat ang namatay at hindi si Mama!"
Ilang sandaling hinintay nina Jemimah na kumalma ang lalaki bago muling nagsalita. "Gagawin namin ang lahat para mailabas ang katotohanan sa pagkamatay ng ina mo. May iba ka pa bang alam na posibleng dahilan ng pagkamatay niya? Sa trabaho?"
Umiling si Bert. "Hindi kami nakikialam ng kapatid ko sa trabaho nila."
Nagpasalamat si Jemimah sa lalaki at nagdesisyong umalis na. Pagkalabas ng bahay ay sinigurado muna niya na may nagbabantay na police sa paligid. Kailangan pa rin nilang siguruhin ang kaligtasan ng pamilya de Chavez.
Naa biyahe na sila ni Ethan pabalik nang Maynila nang makatanggap ng tawag si Jemimah kina Paul. "Paul, may problema ba? Pabalik pa lang kami ng Manila."
"Jemimah," nasa tinig ni Paul ang kaseryusohan. "The Chief's dead."
Muntik nang mabitawan ni Jemimah ang cell phone dahil sa narinig. Patay na si Chief Ricardo de Chavez? Bakit? Papaano? "W-we'll be there fast," sabi na lang niya, tinapos na ang tawag. Hindi niya alam kung ano ang itatanong.
"What's wrong?" tanong ni Ethan.
Tinignan niya ang asawa na may pag-aalala na sa mukha. Sinabi niya dito ang nakagugulat na balita. Katulad ng naging reaksiyon niya kanina, ganoon din ang kay Ethan. Binilisan nito ang pagpapatakbo ng sasakyan.
Kailangan nilang malaman kung paano namatay si Chief Ricardo de Chavez. Si Ash ba uli ang gumawa niyon? May pinasabog na naman ba ito? Everything was just too sudden. Unti-unti nang nakakaramdam ng galit si Jemimah sa sarili. Bakit hindi nila mapigilan si Ash?
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood
Mystère / ThrillerCops, government officials and businessmen were being killed. Kasabay ng matinding pag-iingat, kailangan ding kumilos ng mabilis ng team ni Jemimah para mahuli ang killer na tila may galit sa gobyerno at sa mga nasa awtoridad. Bomb threats everywhe...