Chapter 33

5.5K 181 1
                                    

Isabella

Nakaupo ako sa labas ng bahay ni Zaira habang dinadama ang banayad na simoy ng hangin na kasalukuyang tumatama sa mukha ko habang nakatulala sa kagubatan.

Naalala ko ang sinabi ni Zaira na hindi basta bastang nananaginip ang mga bampira dahil lahat ng ito ay may kahulugan.

Ngunit ilang beses na akong nanaginip sa lugar na ito.

Ibig bang sabihin nito ang lahat ng iyon ay may dahilan?

Pero ano kaya iyon?

Ipinilig ko ang ulo at huminga ng malalim.

Pansin ko ang takot na gumuhit sa reaksyon ni Zaira para sa akin ngunit ang hindi niya alam...

Magmula ng tumapak ako sa mundong ito ay nasa panganib na ang buhay ko.

Ngunit kung totoo man ang sinabi ni Zaira na nagbigay ang reyna ng pangitain sa akin sa pamamagitan ng panaginip ay marahil nais niya akong bigyan ng babala sa anumang maaaring mangyari sa hinaharap.

Ilang linggo na ang lumipas at hanggang ngayon ay lumulutang parin ang isip ko dahil sa mga nalaman ko.

Isang tao rin na gaya ko si reyna Diana.

Muling nagbalik ang alaala ko nung gabing nakarinig ako ng yapak at sinundan ito, na nagdala sa akin sa silid ng hari at reyna.

Ang silid na nakita ko sa panaginip ko.

Siya  ba ang may gawa non?

"Aargghh" nakakainis, ang daming tanong sa utak ko at wala akong mahanap na sagot.

Ang isa pang gumugulo sa akin ay ang sinabi ni Zaira na digmaang naganap ng patayin ang reyna.

Kaya siguro hindi na ako muling hinanap ni Alexus ay dahil maaari lang akong magdulot ng kapahamakan sa Magno.

Kung sa bagay, ako man ang nasa kinatatayuan niya ay pipiliin ko ang Magno dahil maraming buhay ang nakasalalay dito.

Ngunit ang katumbas naman nito ay kamatayan ko.

Pinahid ko ang luhang naglandas sa pisngi ko.

Pero may parte sa puso ko na humihiling na sana ay piliin ako ni Alexus.

"Isabel tara na, magsasanay na tayo" pagtawag sa akin ni Zaira.

Nakasanayan ko ng tawagin siyang Zaira.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo at sumunod sa kanya.

Gusto akong turuan ni Zaira na matutong makipaglaban para daw maipagtanggol ko ang sarili ko kung sakali mang may magtangka ng masama sa akin.

Ilang linggo ko na rin itong ginagawa, minsan ay hindi maiiwasang magkaroon ako ng pilay at gasgas ngunit palagi pa rin akong nag iingat para hindi masugat.

Nang makarating kami sa malawak na bukid ay agad akong napaluhod ng tuhuran ako ni Zaira mula sa likod.

"Ano ba naman yan Isabel, diba't ilang ulit ko ng sinabi sa iyo na hindi sasabihin ng kalaban mo kung kailan siya susugod?" Kunot na kunot ang noo ni Zaira sa akin.

Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko.

"Palagi kang maging handa sa anumang atake."

Pagkasabi niya nito ay agad siyang nawala sa harapan ko.

Sa pagkakataong ito ay hindi ko na hahayaang mangyari itong muli.

Ipinikit ko ang mata at pinakiramdaman ang paligid.

Sa nakalipas na mga pagsasanay ko ay nilalagyan ako ni Zaira ng takip sa mata. Ito ay para raw mas tumalas ang pakiramdam ko sa paligid.

Ngayon ay naisipan niyang tanggalin na ito upang ihanda ako sa totoong laban.

Naririnig ko ang hangin na tumatama sa mga dahon, mga kuliglig sa paligid ngunit hindi ko maramdaman ang kinaroroonan ni Zaira.

Dumilat ako at tiningnan ang paligid. Wala rito si Zaira. Napangiti ako ng mapagtanto kung nasaan siya.

Agad akong umikot sa ere at umalis sa kinatatayuan ko ng marinig ang pagbagsak niya mula sa itaas ng puno.

Binalak niyang sumipa sa tagiliran ko na mabilis kong nailagan. Inambahan niya ako ng suntok ngunit mabilis kong nahawakan ang kamay niya at pinaikot.

"Natututo ka na Bella" tumaas ang isang sulok ng labi niya sa akin.

Umikot si Zaira sa ere at mabilis umupo at sinipa ang mga paa ko dahilan para mapahiga ako sa lupa.

Agad siyang pumaibabaw sa akin at sumuntok ngunit hindi ko hinayaan na tamaan niya ako dahil mabilis akong gumulong at tumayo.

Nang tumingin ako sa paligid ay wala na si Zaira. Mabilis akong tumalikod at agad tumilapon sa ere ng malakas akong itulak ni Zaira na siyang nasa likod ko.

Hindi ko inaasahan ang atakeng iyon.

Tumama ang likod ko sa isang nakausling sanga ng puno. Agad akong ginapang ng kaba ng maramdaman ang kirot mula rito.

Naramdaman ko ang dahan dahang pagtulo ng dugo ko sa likod.

Bumibigat rin ang bawat pag hinga ko.

Agad kong hinanap si Zaira at nakita siyang titig na titig sa akin.

"I-Isabel" bahagyang umawang ang labi niya habang nakatitig sa akin.

Nakita kong humawak siya sa lalamunan niya na parang nakaramdam ng uhaw at saglit na nagpula ang mga mata niya.

Nakita kong palapit siya sa akin at sa kauna unahang pagkakataon ay nakaramdam ako ng takot kay Zaira.

Napaatras ako mula sa kinatatayuan.
Patakbo na sana ako ngunit mabilis siyang humarang sa daraanan ko at mahigpit na hinawakan ang dalawang balikat ko.

"W-Wag mo akong p-patayin...Zaira" natatakot na sambit ko.

Lumanghap siya sa ere at napapikit.

"P-Pumasok ka sa k-kwarto...k-ko at hanapin mo ang m-maliit na...b-bote na may p-puting likido... g-gamutin m-mo ang s-sugat mo." Nahihirapang banggit ni Zaira.

Nakahinga ako ng maluwag sa narinig.

Akala ko ay papatayin na niya ako.

Pansin ko ang matinding pagpipigil niya sa sarili na huwag akong saktan.

"N-Ngayon na!" Napasigaw siya sa akin ng hindi ako kaagad kumilos. Mabilis akong natauhan at agad siyang sinunod.

Ginamit ko ang bilis ko papasok sa kwarto niya at tiningnan ang ibabaw ng kabinet niya. Pagbukas ko ay bumungad sa akin ang maliit na boteng may puting likido gaya ng sinabi niya.

Nilislis ko ang kasuotan ko at tumalikod sa salamin. Pinilit kong patakan ang sugat ko sa likod. Nakagat ko ang labi ko sa sakit ng pumatak ito.

Namangha ako ng makitang unti unting gumagaling ang sugat ko at nawala. Mabilis akong nagpalit ng damit ni Zaira at itinago ang damit kong may dugo.

Matapos kong gawin ito ay agad bumukas ang pinto.

Her Human BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon