Abala at natuliro ang lahat sa dami ng dugong nagkalat. Sinugod na agad sa ospital si Liza malapit doon sa orphanage habang ang iba ay nililinisan ang kalat at dugo doon sa Cafeteria.
Lumilipad ang isip ngayon ng Prinsesa, hindi alam kung saan niya na ilulugar ang sarili ngayong alam niyang may kasalanan siyang nagawa. Nakaupo sa isang sulok doon sa kaniyang kwarto, nanginginig ang mga kamay na tinatakpan ang mga tenga, naririnig niya ang mga usap-usapan tungkol sa nangyari kahit na malayo ang mga tao sa kaniya.
Suot niya muli ang kaniyang nebulizer, hindi mapakali sa kaniyang pwesto.
Sa kabilang gawi.
Namantsahan na rin ng dugo ang damit ng ibang umalalay kay Liza lalo na si Jaslyn na napakaripas rin ng takbo papasugod sa ospital kanina. Tahimik ang lahat at malalim ang iniisip.
Marahang tinatapik ni Ernesto ang likuran ni Jaslyn upang aluin ito at mapakalma. Ilang minuto ang lumipas nang lumabas na ang doktor na umasikaso kay Liza.
"Good morning po, sa ngayon medyo maayos na ang kalagayan niya ngunit may mga nasirang buto sa parte ng kamay ng bata at kailangan nitong magpahinga dahil sa dugong nabawas sa kaniya" pagpapaliwanag ng doktor.
Nakahinga ng maluwag ang ilan ngunit may nababahala pa rin dahil sa tagos na tagos ang tinidor sa kamay nito hanggang sa lamesa. Binigyan na ng gamot si Liza at kung ano pang pwedeng ibigay upang maiwasan ang infection sa malalim na sugat na natamo.
Tanghalian na ngunit hindi na lumalabas pa ang Prinsesa sa kaniyang kwarto. Oras ang lumipas sa kaniyang pagkukulong, pilit binubura sa kaniyang isip ang kaniyang nagawa kanina.
Ang mga bata rito ay abala sa pagkain habang siya ay nakatunganga lang sa kisame, mapagkakamalan siyang patay na dahil halos hindi na ito kumukurap sa pagkatulala. Hindi naman bago sa kaniya ang pagkukulong, doon siya nasanay. Ang mag-isa.
Ilang segundo pa ang lumipas nang doon pa lang mabalik sa wisyo si Pieris nang makarinig siya ng apat na pagkatok sa into. Walang kabuhay-buhay niyang nilingon iyon bago binalik ang tingin sa kisame, binalewala.
Ilang segundo pa ang nagdaan nang may kumatok ulit doon.
"Ate.. ti (si) Tindy (Cindy) po ito ate... may dala po ako para tayo (sayo) hihi" makulit na pagbulong ni Cindy sa labas ng pintuan sa kwarto ng Prinsesa.
Ilang oras ang tinagal ni Cindy para lang mahanap ang kwarto nito at puntahan kahit na nakaramdam ng kaunting kaba sa ginawa ni Pieris kanina, naisip niya pa ring maging malapit dito.
Muling nilingon ni Pieris ang pinto bago napabuntong hiningang pumikit na lang saka tinalikuran ang pinto sa pagkakahiga niya.
Hindi pa rin nagsasawasi Cindy, muling kumatok ng kumatok ng kumatok ng kumatok hangga't hindi siya pinagbubuksan nito, naging dahilan iyon upang lalong mairita ang Prinsesa sa ingay ng pagkakakatok ni Cindy.
Inis siyang napabalikwas ng bangon saka mabigat ang paang naglakad patungo sa pinto. "Alay" (Aray) mabilis itong binuksan dahilan upang muntikan ng masubsob si Cindy sa sahig dahil sa nakasandal ito sa pinto.
Napaangat siya ng tingin kay Pieris na nababagot siyang tinignan ng Prinsesa.
"Anong kailangan mo?" walang gana nitong pagtatanong kay Cindy na para bang wala pa man ay nasa tono na nito ang pagtataboy.
"Shh" pagbabawal pa ni Cindy sa kaniya saka dali-daling sumuksok upang makapasok sa loob kahit hindi pa siya pinapasok ng Prinsesa.
Nasundan siya ng tingin ni Pieris saka napabuga ng hiningang sinarado na lang muli ang pinto, hinayaang makapasok si Cindy.
Nangunot ang nuo ni Pieris habang pinapanood niyang dali-daling tumingkad si Cindy upang maabot ang lamesa na nasa gilid ng kama, nilapag doon ang dala nitong plastik.