Halos hindi na ako makakilos sa aking kinatatayuan nang magbagting ang bell at nagsimula na ang katahimikan para sa panonood ng laban. Nagkatitigan lang kami at parehong hindi alam ang gagawin.
Naninikip ang dibdib ko at hindi inakalang mangyayari ito na aabot sa puntong ang mismong itinuring kong kakampi ay magiging kalaban ko rin pala. Ganito na siguro ako pinagkaitan.
Kung hindi kami kikilos baka kaming dalawa ang mamamatay dito, kailangan may makaligtas na isa sa amin. Iba rin ang kutob ko sa awra niya ngayon, hindi ko maipaliwanag. Parang may nais siyang sabihin pero hindi niya magawa.
Dahan-dahan kong nalingon kung saan ang gawi ng mga nakakataas na tao dito. Ang mga opisyal na nagbabantay at iba pang mga sakop sa organisasyong ito. Naroon si Boss.
Nasa gitna at kampanteng naka upo. Nasapo ko ang kulay hazel niya ring mga mata. Naglabanan kami ng tingin na para bang may kuryente na dumadaloy sa tinginan namin. Alam kong siya ang dahilan kung bakit makakalaban ko si Venom na itinuring ko ng kapatid.
Hindi pa man ako nakakalingon sa gawi ni Venom ay sipa niya ang sumalubong sa akin na ramdam ko ng tatama iyon sa akin pero hindi ako umilag. Inantay kong saluin iyon.
Mabilis akong nakaramdam ng hilo sa pagkakatama niya dahilan para gumewang ako kasabay niyon ay ang paghila niya sa braso ko at ibinuhat ako bago malakas na ibinalibag pabagsak. Namilipit ako sa sakit ng ginawa niya pero balewala lang sa akin iyon at hinahayaan siya.
Kita ko ang paglapit niya. Hindi ako tumayo at nananatiling nakahilata sa sahig hanggang sa lamukusin niya ang damit ko para kwelyuhan ako. Halos mabuhat niya na ang kalahati kong katawan mula sa pagkakahiga ko dito sa pakikwelyo niya. Nasundan ko pa ng tingin ang pag-angat ng kamao niya at balak akong suntukin.
Tinitigan ko lang siya sa mga mata niya, nanunubig rin ang mga ito at parang napipilitan sa ginagawa niya dahil hindi niya tinuloy ang pagsapak sa akin.
"Lumaban ka, t anga" parang tinusok ng paulit-ulit ang puso ko nang marinig ang pagkabasag ng boses niya.
Kahit sinong matapang at tigasin na lalaki ay marunong pa ring umiyak kapag may nawala sa kaniya.
Titig lang ang naging sagot ko dahilan para dumiin pa ang paglalamukos niya sa damit ko, mukhang nagtataka na ang mga manonood kung ano ang nangyayari. Dahil sa mga laban namin, segundo lang ay napapatumba na namin ang mga kalaban pero ngayon ay aabutan na kami ng isang minuto dito sa ring.
"Lumaban ka!" madiin niyang pag-uutos sa akim at inalog pa ako.
Pigil hininga akong hindi inalis ang tingin sa kaniya bago pumatak ang luha ko. "Ayaw" garalgal ang boses ko. Hindi sinunod ang utos niyang iyon.
"four and six" nanginginig na ang kamao niya na nakatutok sa akin. Mababa lang ang mga boses namin.
Just follow.
Code namin iyon, ang mga numero na kami lang apat na nakakaintindi. Iyon ang bilang ng bawat letra na may mabubuong salita. Ang salitang and sa code namin ay iyon ang magsisilbing space sa salita, mahirap nga magets agad dahil puro numero pero nakasanayan na namin iyon.
Inilingan ko siya, nagmatigas akong hindi siya sundin at hayaan siyang saktan ako upang mapanalo niya ang laban.
"Huwag kang magmayabang, tarant ado! Hindi ka bayani para subukan mong iligtas ako, animal ka! Sinabi ko sa'yong lumaban ka! T angina!" pagdidiin niya pa sa aking sundin siya, para bang pinagagalitan na naman ako sa pagiging pasaway ko.