"Dear, may balak ka bang patayin kami?" nakapamewang na tanong sa akin ni Jigs. Nasa likuran ko s'ya at imbes na gamitin n'ya ang suklay sa buhok ko ay hawak n'ya lang 'yon sa bewang n'ya.
Kinuha ko ang milktea sa foldable na lamesa na nasa harapan ko. Hindi ko s'ya sinagot at uminom muna ng milktea dahil importante 'yon kaysa sa pag-iinarte n'ya.
"Next time 'wag kang mawawala ng gan'on, dear. Hihimatayin ako kakahanap sa'yo," mukhang nangalay s'ya kakapamewang kaya ipinagpatuloy na n'ya ang pag-aayos ng buhok ko.
Tinigil ko ang pag-inom, "pa'no ka hihimatayin kung sa buong panahong nawala ako kahapon ay nakikipagtawagan ka lang sa boyfriend mo?"
Putol-putol at may bahid ng kaba s'yang tumawa, "dear, nagkamali ka lang ng dinig, si Mimi ang tinutukoy ko," pagsisinungaling n'ya saka muling nagpakawala ng mga nyerbyosong tawa.
Isinubo ko muli ang straw at uminom ng milktea.
"Tawag mo ko Don Jigs?" tanong ni Mimi na nakaupo sa foldable bed na nakapwesto sa bandang likuran nitong tent.
"Oo, halos mabaliw ka na naman kasi kakahanap kay Crystal," sagot ni Jigs habang nakatingin sa repleksyon ni Mimi sa maliit na salaming nakapatong sa foldable table.
Tiningnan ko rin si Mimi na abalang inilalabas mula sa maleta ang mga susuotin ko para ngayong araw. Ngumiti lang s'ya sa pahayag ni Jigs at pinagpatuloy ang pag-aasikaso ng mga damit ko. Tama si Jigs, kung meron mang mababaliw at hihimatayin kakahanap sa akin, si Mimi 'yon.
Napatigil si Jigs sa pagtatali ng buhok ko at nabaling ang atensyon naming lahat sa mga tilian galing sa labas.
"Ay, ang chachaka nila sumigaw. May papa ba sa labas?" tanong ni Jigs na agad na nilisan ang pwesto n'ya at lumabas ng tent.
"Hilahin mo nga 'yong intrimitidang bakla na 'yon," utos ko kay Mimi na agad naman n'yang sinunod.
Napatingin ako sa milktea na iniinom ko nang dumagdag sa ingay ang tunog ng paubos na inumin.
"Ubos na agad?!"
Tinanaw ko sila Mimi dahil magpapabili ulit ako pero ilang segundo na kong nakatingin sa daraan nila ay wala pa rin sila.
"Mimi!" sigaw ko pero walang sumagot kundi ang mga tiling hindi ko maintindihan.
Tuluyan kong inubos ang milktea at padabog na nilapag 'yon sa lamesa saka tumayo para sunduin sila.
"Mi-"
"Si Gerald!" tili ng babaeng tumakbo sa harapan ko.
Nakakunot ang noo at nakaawang ang bibig kong sinundan ang babae. Tumigil s'ya sa kumpulan ng mga tao ilang metro mula rito.
"Anong meron doon?" tanong ko sa sarili ko. Nahagip ng paningin ko ang ilan pang babaeng papunta roon. "Teka, teka. Anong nangyayare?" tanong ko sa kanila. Namumukhaan ko ang babaeng kausap ko, isa s'ya sa props staff na nakasama ko sa paghahanap ng singsing.
"Nandito si Gerald," halos mapunit ang labi n'ya sa pagsagot dahil sa hindi mapigilang pagngiti.
"Gerald?"
"Si Gerald, nandito si Gerald Ford!" sagot n'ya saka umalis sa harap ko at nagsimulang magtitili ulit papunta sa kumpulang mga tao.
Kaya naman pala ganito kabaliw ang mga babae, bakla, at kahit mga lalake rito. Si Gerald Ford, ang paternal half-brother ni Stephen and one of the most handsome Philippine actor of all time.
Natanaw ko sila Jigs at Mimi hindi kalayuan sa kumpol na mga tao.
"Grabe, para silang inaasinang mga bulate," komento ko sa dalawang taong iniwan ang amo nila para lang matanaw si Gerald Ford, "aray!" daing ko nang mabangga ako ng isa sa mga tumatakbo.
BINABASA MO ANG
Astilbes at Laura's Doorstep
RomanceWhat secrets of their past lives will be revealed when a well-known actress, former culinary student, and a writer-director who can't complete his screenplay meet and decide to make a film? Crystal, a well-known actress who is admired for her beauty...