Chapter 50

8 2 0
                                    

"Sa kabilang gate kayo dumaan, may body guard na akong pinaghihintay sa pagbaba n'yo ng eroplano. May mga nakaabang na ring body guards na nakaplain clothes lang sa lalabasan n'yong gate kaya hindi mapapansin na doon kayo lalabas. Ibang sasakyan na rin muna ang gagamitin n'yo paalis ng airport," yan ang plano ni Dai. Sa oras na makalapag pa lang ang eroplano namin ay tumawag na s'ya at inabisuhan kami sa daan-daang bashers at kumpulang reporters na naghihintay sa akin sa original arrival gate ng flight ko.

Napatunayan ko naman nang gagana ang plano ni Dai sa ilang beses na naming natakasan ang fans kong naghihintay sa akin noon sa mga nakaraan kong paglabas at pasok ng bansa. Pero iba pa rin kasi ang utak ng bashers, haters, at anti-fans. Mas mabilis pa yata sila mag-evolve sa mga tao sa galing nilang mambatikos at manira ng kapwa.

Bumuukas ang automatic glass sliding door sa arrival gate at napangiti ako nang makitang wala roon ang malahukbong bashers ko.

Hindi naman nagpakampante ang kasama kong body guard, panay ang lingon n'ya sa bawat direksyon at sinisigurong masasabayan ako sa bawat paglakad ko.

Ilang minuto lang ang itatagal ng paglalakad namin bago makalabas ng airport pero pakiramdam ko ay isang oras na kaming naglalakad.

"Huwag kang mag-alala, miss. Wala pa rin namang nakapapansin ng paglabas natin dito. Wala ring nakapaligid na press sa gagamitin nating sasakyan. Isa pa, nandoon naman si Sir Dai, sasabihan n'ya tayo kung sakali," pag-aalo ni Mimi sa akin habang tinutulak ang mga bagahe ko.

Ngumiti na lang ako at pinilit isipin na ilang hakbang na lang naman at tuluyan na kaming makalalayo sa bashers na gusto akong balatan ng buhay. 

"Crystal, my dear, look oh. 'Yong mga chararat mong beshy," wika ni Jigs. Sa pagliko namin ay natanaw ko ang mga taong patuloy pa ring naghihintay sa pagdating ko. Agad namang binababa ni Mimi ang braso n'yang nakaturo pa sa kanila.

Binilisan na namin ang paglalakad kung sakali mang mahuli pa nila kami, kulang na nga lang ay hilahin na ko ng kasama naming body guard para lang mas mapabilis kami.

Pero ilang segundo lang ay may nadinig kami sigaw, "Si Crystal!"

"Ano?"

"Saan?"

Nagsimula nang magsigawan ang nakakita sa amin at dali-dali silang tumakbo papunta sa direksyon ko.

Hinawakan na ko ng body guard, lakad-takbo na rin ang ginagawa ko. Nagpapanic sa likuran ko si Mimi habang todo trash talk naman si Jigs na akala mo ay magagawa s'yang pakinggan ng  bashers.

Habang tumatagal ay mas nakabibingi ang sigawan nila mula sa likuran ko, kung ano-ano nang sinasabi nila sa akin, pero wala na kong balak pang intindihin 'yon. Hindi nagtagal ay naabutan din nila kami. Kung hindi ako hawak ng body guard ay nasubsob na ako sa sahig sa pagbangga nila sa amin.

Pinilit nila kaming kumpulan para mabato ang mga hinanakit at katanungan nila sa akin, mabuti na lang din at may nakaabang na body guards malapit sa pintuan ng airport. Mabilis kaming hinila ng mga ibang body guard papasok sa puting kotse pero bago 'yon ay nahagip ako ng itlog at tumama 'yon sa bandang leeg ko.

"Paandarin mo na, bilis!" utos ni Dai sa driver na nasa passenger seat.

At hindi na nga hinintay na mailagay sa trunk ng sasakyan ang mga bagahe namin at ibinilin na lang sa mga body guard na naiwan. 

Napasigaw kami nang may batong tumama sa likod ng kotse. Akala namin ay tapos na ngunit patuloy pa rin nila kaming hinahabol at binabato ng kung ano-ano kahit na umaandar na ang sasakyan. Hindi ko man maintindihan ang mga sinisigaw nila sa labas, malinaw pa rin sa akin na puno ng galit ang mga 'yon.

Astilbes at Laura's DoorstepTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon