Chapter III: Deserve to Know
Natapos ang hapunang inabot ng ilang oras dahil sa mahabang kuwentuhan. Nagliligpit na ng pinagkainan si Olivia. Nagprisinta muli si Meiyin na tumulong sa pagliligpit habang si Creed ay kasalukuyang isinasalaysay kay Finn ang mga kaganapan tungkol sa Craftsman Alliance. Iniuulat niya ngayon ang mga pagbabago at pag-unlad na naganap sa Craftsman Alliance sa nakalipas na mga taon mula nang umalis ang binata para gawin ang misyon sa Dark Continent. Bakas sa kanyang mukha at boses ang kumpyansa habang ipinapaalam kay Finn kung gaano kalaki ang pag-unlad ng Craftsman Alliance. Nabanggit niya rin na sa kasalukuyan, sila na ang pangunahing nagsusupply ng mga produktong armament, magic cannon, formation, at inscription sa bawat kaharian at puwersa.
Sila na ang pinakamakapangyarihang puwersa sa kanilang bagong teritoryo na kinaroroonan, at bawat indibidwal, kaharian o puwersa ay tinitingala ang Craftsman Alliance dahil sa lakas ng impluwensiya at dami ng malalakas nitong miyembro.
Sobrang saya ni Finn sa kanyang mga naririnig na magagandang balita tungkol sa Craftsman Alliance. Ipinagmamalaki niya ang tatlong pinuno ng puwersang kanyang itinatag para paunlarin ang mga adventurer, at iba't ibang propesyon sa Ancestral Continent. Hindi niya mapigilang maging masaya dahil hindi siya nagkamali sa pagtitiwala kina Creed, Augustus, at Earl para pamunuan ang puwersang babago sa takbo ng buhay ng mga adventurer sa Ancestral Continent.
Ang pangunahing rason niya kung bakit niya itinatag ang Craftsman Alliance ay para bigyan ng siguradong proteksyon ang Azure Wood Family sa buong kontinente, at ang ikalawa niyang rason ay upang gawing maunlad ang iba pang adventurer sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng karapatan na gumamit ng mga kayamanan na may matataas na kalidad na tanging sa mataas na mundo lamang makikita.
Habang nakikinig, hindi maiwasan nina Altair at Yuros na mamangha sa lahat ng mga nagawa ni Finn para sa Ancestral Continent. Kahit sila, na mga Heavenly Chaos Rank ay napapahanga sa mga napagtagumpayan ni Finn sa lower realm. Wala sila sa aktwal na pinangyarihan, hindi nila nasaksihan ang mga pakikipagsapalaran at paglalakbay ng binata. Hindi nila nakita ang mga pagtatagumpay nito, subalit, ganoon man, masyado silang namamangha rito na nagtataglay ng pambihirang kapangyarihan at kakayahan bilang adventurer, at ngayon biniyayaan ng talento sa iba't ibang propesyon.
Sa hanay ng Order of the Holy Light, walang katulad ni Finn. Walang kasing talentado niya sa iba't ibang larangan.
Nagsasanay ng dalawang magkaibang kapangyarihan na kayang pag-isahin maging ang ikalawang antas ng foundation art, nagmula sa lahi ng mga celestial, mayroong kaalaman at talento sa iba't ibang propesyon, at nagtataglay ng maalamat na blue-green alchemy flame. Ang lahat ng mga ito ay kahanga-hanga na maging sa hanay ng mga miyembro ng Order of the Holy Light ay walang may kakayahang makahigit o makapantay.
“Hindi ako makapaniwala na nagawa mo ang lahat ng iyon, Finn... Pareho lang tayo ng edad, subalit wala ako sa kalingkingan ng mga nagawa at napagtagumpayan mo,” nasabi na lang ni Yuros habang humahangang nakatingin kay Finn. “Isa kang mahimalang adventurer. Kahanga-hanga...”
Hindi napigilan ni Finn na hawakan ang tungki ng kanyang ilong. Natutuwa siyang mabigyan ng papuri sa kanyang mga ginawang pagsisikap, subalit pinanatili niya ang kanyang sariling mapagkumbaba. Matagal na siyang nakatatanggap ng kung ano-anong magandang salita at papuri mula sa iba, subalit hanggang ngayon ay nakararamdam pa rin siya ng ilang.
“Sinuwerte lang ako dahil mayroong oportunidad na lumapit sa akin. Isang kayamanan ang nakahanap sa akin na bumago sa buong buhay ko,” mapagkumbabang sabi ni Finn habang nakangiti. Seryoso niyang tiningnan si Yuros at nagwika, “Kung kayo ang magkakaroon ng ganoong oportunidad, siguradong magagawa n'yo rin ang mga nagawa ko. Magiging matagumpay rin kayo sa mga bagay na gusto ninyong mapagtagumpayan.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...