Chapter XLVII: Current New Order
Natapos si Yopoper sa pagsasalaysay tungkol sa mga nangyari sa New Order sa nakaraang tatlong taon. Masigasig na nakinig si Finn habang binabagtas ni Yopoper ang bawat detalye tungkol sa naganap na pagtanggap ng mga bagong miyembro. At habang napapakinig ang mga sinasabi nito, hindi mapigilan ni Finn na matuwa at maging kontento sa resulta ng kanyang pinlano. Naging masaya rin siya dahil sa kasalukuyan, ayon kay Yopoper, ang New Order ay isa nang malaki at malakas na puwersa.
Inilapit ni Yopoper ang makapal na libro kay Finn. Tiningnan niya ito at ayon kay Yopoper, nakatala sa librong ito ang mga larawan at personal na impormasyon ng bawat miyembro ng New Order. Binuksan niya ang libro. Nililipat-lipat niya ang pahina, at tumango-tango siya habang binabasa ang mga impormasyon ng mga miyembro ng New Order.
Nasa unang pahina ang mga miyembrong malapit kay Finn. Sila ang mga kabilang sa Azure Wood Family at Golden Lion Family. Naroroon din ang kanyang mga kaibigan at ilang mga kakilala. Nakita niya rin sina Nicolas at ang mga pinuno ng mga puwersa sa Sacred Dragon Kingdom.
“Lahat ng impormasyon ng halos isang daang libong miyembro ng New Order ay nakatala na rito?” Tanong ni Finn.
Tama. Ang kabuoang bilang na ng New Order mula sa halos dalawampung libo ay umabot na ng halos isang daang libo. Napakalaki na ng bilang na ito para sa puwersang wala pang dekada mula nang itinatag. Higit pa roon, ang mga miyembrong ito ay hindi pangkaraniwan at mabusising pinili. Bawat isa roon, maliban sa mga mamamayan ng kaharian ng Sacred Dragon ay dumaan sa pagtatasa bago tanggapin sa New Order. At sa ulat pa ni Yopoper, milyon-milyon ang sumubok na makapasok subalit halos walumpung libo lang ang kanilang tinanggap dahil sa utos ni Finn, ang kailangan ng New Order ay masikap at may kakayahan.
“Oo, Panginoong Finn. Inihawalay rin namin ang mga miyembro na nagtataglay ng iba't ibang propesyon kagaya ng inyong utos. Bukod pa roon, ako at ang aking mga kasamahan sa trabahong ito ay pinapanatiling napapanahon ang mga impormasyong nariyan. Sa tuwing may nag-uulat sa amin tungkol sa pagtaas ng kanilang antas sa pagiging adventurer man o sa ibang impormasyon, agad naming binabago ang detalye tungkol sa kanila upang masiguro namin na ang personal na impormasyon ng bawat isa ay wasto sa kasalukuyan,” paliwanag ni Yopoper.
Napangiti pa lalo si Finn dahil sa sobrang tuwa. Sobra siyang nasisiyahan sa trabahong ginawa nina Yopoper, Yagar at ng mga kinuha nilang mapagkakatiwalaang kasama. Nahigitan pa ng mga ito ang kanyang inaasahan kaya hindi niya napigilan na purihin si Yopoper.
“Mabuti, mabuti. Hindi ako nagkamali na ipaubaya sa inyong dalawa ni Yagar ang trabahong ito,” pagpuri ni Finn kay Yopoper. “Ngayon, masasabi mo ba sa akin kung sino ang kasalukuyang pinakamalakas na miyembro ng New Order?”
“Si Drotey Goman, Panginoong Finn. Kasalukuyan na siyang nasa 8th Level Heavenly Chaos Rank sa tulong ng mga kayamanang nakalaan para sa mga miyembro ng New Order. Napakasipag niya rin sa pagsasanay kaya hindi na nakapagtatakang siya ang may pinakamataas na antas at ranggo sa kasalukuyan,” paliwanag ni Yopoper. “Gayon man, mayroong isang miyembro ako na pinaghihinalaan... Si Gaestus, Panginoong Finn. Masyado siyang mayaman sa kaalaman, at masigasig siyang nagtuturo sa ilang miyembro ng New Order--maging sina Eon, Poll, Drotey at ang ilan pang malalakas na miyembro ay nakikinig sa kanyang pagtuturo at pagsasanay dahil nasaksihan naming talagang may kakayahan siya.”
“Subalit, kagaya ni Migassa, ang kanyang totoong antas at ranggo ay misteryo pa rin sa amin. Hindi namin siya pinilit na ihayag sa amin ang totoo niyang antas at ranggo sa kadahilanang ikaw mismo ang nagsali sa kanya sa ating puwersa, Panginoong Finn,” paglalahad pa ni Yopoper.
Bahagyang tumango si Finn. Naiintindihan niya ang ibig sabihin ni Yopoper. Ipinagpatuloy niya na muli ang pagbuklat sa mga pahina at marahan siyang nagwika, “Hayaan mo si Gaestus. Masyadong espesyal ang katayuan niya sa New Order kaya huwag n'yo na lang siyang guluhin hangga't maaari. Isa pa, paalalahanan mo ang mga miyembro ng New Order na sa tuwing nagtuturo si Gaestus, makinig kayo at matuto sa kanya. Walang eksepsyon kahit pa malapit sa akin.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...