Chapter XXXV: Sparring with the Light Guards (Part 3)
Hindi maipinta ang ekspresyon ni Finn sa kanyang mukha nang bigla na lamang may lalaki na lumitaw sa kanyang tabi. Sobrang abala siya sa pakikipaglaban kaya hindi niya alam kung paano at kailan ito napunta sa kanyang tabi. Bigla na lang siya nitong kinausap tungkol sa nagaganap na laban, at ang mga sinasabi nito ay kaparehong-kapareho ng iniisip niya tungkol sa tapatan nina Yuros at Ox.
Pinag-aralan niya ang lalaki habang ito ay nagsasalita. Isa rin itong fairy, patunay iyon sa naggagandahan nitong pakpak. Nagtataglay rin ito ng maputing kulay ng buhok at pares ng ginintuang mga mata na kaparehong-kapareho ng mga mata nina Auberon at Aemir. Bukod sa pisikal na hitsura ng lalaking fairy na ito, ang isa pang nakakuha sa atensyon niya ay ang sagisag na nakadikit sa kasuotan nito. Bukod sa sagisag ng pagiging pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light, mayroon pa itong isa pang sagisag na hindi pamilyar sa kanya. Ang isa pang sagisag na nasa kasuotan ng lalaking ito ay nakatayong espada na mayroong pakpak ng fairy at singsing ng liwanag sa ulunan ng espada, at hindi iyon ang sagisag na tinataglay ng mga Light Guard dahil ang sagisag ng mga Light Guard ay kalasag sa halip na espada.
Isa lang ang naiisip ni Finn kung bakit iba ang sagisag na taglay ng lalaking ito. Ibig sabihin, ito na marahil ang sagisag ng isang Holy Knight. At sa mga sumunod na sinabi ng lalaki, doon niya na nakumpirma ang kanyang hinala.
“Paumanhin kung ginulat kita, Finn Silva. Ako nga pala si Porion--miyembro ng Order of the Holy Light at pinuno ng mga Holy Knight,” nakangiting sabi ni Porion at bigla siyang tumawa. “Hindi mo kailangang mailang sa akin, naparito lang ako upang manood sa nagaganap na pagsasanay at upang ipaabot ang mensahe ni Pinunong Auberon.”
Nang magpakilala sa kanya si Porion, sandali siyang nagulantang. Ngayon ay nauunawaan niya na kung bakit may pagkakapareho ang mga mata nito kina Auberon at Aemir, iyon ay dahil kadugo nito ang mga ito. Ganoon man, nakuha ng sinabi ni Porion ang kanyang interes. Narito ito upang manood at upang magparating ng mensahe para sa kanya.
“Mayroong mensahe para sa akin? Ano iyon?” Interesadong tanong ni Finn. “At oo nga pala, tawagin mo na lang ako sa aking pangalan. Ayos na ang pagtawag mo sa akin bilang Finn,” nakangiti pang dagdag niya.
“Kung iyan ang gusto mo,” nakangiting tugon ni Porion.
Nahiwagaan si Finn sa paraan ni Porion ng pakikipag-usap. Para bang wala itong inaalala, napaka-kalmado nito at pala-ngiti--hindi kagaya ni Aemir na madalas seryoso. Ito ang pinuno ng mga Holy Knight, subalit hindi ito makikitaan ng pamomroblema kahit na isa ang kanyang posisyon sa pinakamabigat na responsibilidad sa Holy Light Realm. Dahil dito, kahit na hindi pa niya lubusang kilala si Porion, magaan na agad ang loob niya rito.
“Ang mensahe ni Pinunong Auberon sa iyo ay tungkol kay Alisaia Seranim ng Ancient Phoenix Shrine. Nakatanggap kami ng ulat na si Alisaia Seranim ay isa nang ganap na Supreme Rank. Bukod pa roon, napag-alaman din namin na ang mga matataas na miyembro ng Ancient Phoenix Shrine ay bumilis ang paglakas kaysa sa normal kaya naniniwala kami na may natuklasan sila na may kaugnayan sa kanilang pagtataglay ng dugo ng fire phoenix,” paglalahad ni Porion. Ngumiti siya kay Finn habang nakapikit ang kanyang mga mata at nagpatuloy sa pagsasalita, “Kaya naman pinapasabi ni Pinunong Auberon na kailangan mo munang maabot ang Supreme Rank kung nais mo talagang matalo si Alisaia Seranim.”
Naging taimtim ang mga mata ni Finn at muli siyang bumaling sa nagaganap na laban matapos niyang mapag-alaman na ang mensahe para sa kanya ay tungkol sa paglakas ni Alisaia. Isa na ngayong ganap na Supreme Rank si Alisaia habang siya ay nagsasanay pa rin upang maging malakas na Supreme Rank. Isa itong masamang balita sa parte niya, subalit sa totoo lang, wala siyang pakialam.
“Kahit pa siya ay isang Heavenly Supreme Rank, karapat-dapat siyang mamatay,” pabulong na sambit ni Finn.
Hindi nawala ang ngiti ni Porion, pero matapos ang ilang segundo, bumuntong-hininga siya at sinabing, “Tama nga ang sinabi ni Pinunong Auberon. Ang galit mo kay Alisaia Seranim ay talagang napakalalim.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...