Chapter XII

5.2K 1K 135
                                    

Chapter XII: Fulfilled (Part 2)

Lumipas ang mga oras. Patuloy pa rin sa pagninilay-nilay si Finn. Hindi siya nagsasanay, bagkus iniisip niya ang mga naging desisyon niya nitong nakalipas na mga taon mula nang malaman niya ang pagkawasak ng Ancestral Continent. Ngayong malinaw na ang kanyang kaisipan at hindi na siya napupuno ng galit, tinimbang niya ang mga ginawa niya--ang mga mali at tamang ginawa niya sa Crimson Lotus Realm, sa mundo ni Firuzeh, sa planetang Nefius, at sa Soul-eater Realm.

Nakagawa siya ng malaking pagkakamali pagkarating na pagkarating niya pa lang sa Crimson Lotus Realm. Marami siyang pinatay na kawal ng Crimson Guardian dahil sa kanyang matinding galit, subalit bukod sa galit, mayroon din siyang rason kung bakit niya pinaslang ang mga kawal na iyon.

Sinubukan siyang hulihin ng mga kawal upang gawing alipin--na isa sa pinakakinamumuhian niya. Binigyan niya ng pagkakataon ang mga kawal na tumakas at palabasin na walang nangyari sa kaniyang pagdating, pero pinilit siya ng mga ito na patayin sila.

Malinaw sa kanyang napasobra siya. Maaari niya namang hindi paslangin ang mga kawal, pero kung gagawin niya iyon, mas mahihirapan siya dahil sigurado siyang tutugisin siya ng mga kawal ng Crimson Guardian.

Dahil sa kanyang galit, at dahil apektado pa siya ng kanyang emosyon, mas pinili niyang paslangin ang mga kawal na sinubukan siyang hulihin.

Bukod sa mga kawal, pinatay niya rin, kasama si Eon ang lahat ng miyembro ng Bloodrage Bandits. Binihag siya ng mga ito. Binigyan niya rin ng pagkakataon ang mga ito na mabuhay, pero hindi nakinig sa kanya ang isa sa pinuno ng mga bandido na si Jana.

Ikinulong siya ng mga ito kaya sinimulan niya ang walang awang pagpaslang. Hindi niya nakikitang mali ang ginawa niya rito. Ang mga bandidong iyon ay kriminal na nambibihag at nagnanakaw sa mga mas mahinang adventurer sa kanila. Para kay Finn, karapat-dapat lamang na mabura ang Bloodrage Bandits sa mundong ito.

Tungkol sa pakikipaglaban kay Gamor, wala siyang nakikitang mali roon. Hindi rin siya nagsisisi. Kung napatay niya si Gamor, marahil makaramdam siya ng pagsisisi dahil sa totoo lang, ang talagang kasalanan lang ni Gamor ay ang hinayaan niyang manghimasok ang Holy Land of Erekia sa Planetang Accra. Dahil sa Holy Church kaya marami ang namatay. Nagkaroon ng diskriminasyon, marami ang naging alipin at kinamuhian ng bawat lahi ang isa't isa dahil sa maling aral ng Holy Church.

At tungkol sa pagdating ni Alisaia sa Ancestral Continent, tanggap na ni Finn na hindi kasalanan ng Crimson Guardian ang pangyayaring iyon. Wala ring magawa sina Gamor at Urio kung hindi ang sumunod dahil hindi nila kaya si Alisaia.

Sa kabilang banda, sa mundo ni Firuzeh, wala ring nakikitang masama si Finn sa kanyang mga naging hakbang. Ginawa niya lang ang sa tingin niya ay tama. Tinanggihan niya si Firuzeh sa hinihingi nitong tulong dahil makasasagabal lang iyon sa kanyang pagsasanay.

Samantala, kung may ipinagmamalaki man si Finn na nagawa niyang tama, iyon ay ang pagpapalaya niya sa mga higante ng Planetang Nefius. Winakasan niya na ang paghihirap ng mga ito, binigyan niya ng ligtas at payapang tahanan ang mga ito sa loob ng kanyang Myriad World Mirror. Hindi na nila kailangang magtago mula sa mga gargoyle dahil ang kailangan na lang nilang gawin ay magsanay para sa nalalapit na paglaban sa mga diyablo at pagkamit ng trono.

Isa pang pinagmamalaki ni Finn ay ang pagbura nila sa Soul-eater Alliance at pagpaslang niya kay Jero. Totoong wala itong kinalaman sa pagkawala ng mga naninirahan sa Ancestral Continent dahil ang lahat ng iyon ay pakana ni Munting Black, ganoon man, ang tinataglay na kapangyarihan ni Jero at ng mga miyembro ng Soul-eater Alliance ay kailangang mawakasan.

Ang paraan nila ng pagsasanay ay paggamit sa kaluluwa ng iba't ibang nilalang para lumakas, at sila ang salot sa lipunan dahil walang habas silang pumapaslang ng maraming nilalang para sa kaluluwa at kanilang pagsasanay.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon