Chapter VIII

4.9K 919 58
                                    

Chapter VIII: Fulfilling One's Promise (Part 2)

Nagpatuloy ang kasiyahan. Marami ang lumapit kay Finn upang batiin ang binata kabilang na roon sina Eliseo, Shue, at ang iba pang faction master. Binati nila ang binata sa mga napagtagumpayan nito kagaya na lang ng pagtatagumpay ng Craftsman Alliance, at ngayon ang pagkakaroon ng sariling pinamumunuang puwersa na mayroong mataas na hangarin. Nagpahiwatig ang bawat isa ng interes sa pagsali sa New Order, at hindi kalaunan, kagaya nina Nicolas, Helbram at Daiana, nagpaalam na rin sila upang bumalik sa kani-kanilang teritoryo upang gawin ang pakiusap ni Finn na alukin ang kanilang mga miyembro at ang mga adventurer mula sa iba't ibang kaharian at puwersa na sumali sa New Order.

Ang naiwan lang sa bulwagan ay ang pamunuan ng Craftsman Alliance, Azure Wood Family, Golden Lion Family, sina Finn, Yuros, Altair, Olivia, Meiyin, Noah, Kiden, Vella, Red at Cleo.

Tama, ang kasa-kasama nina Noah na lalaking may kulay pulang buhok at mga mata ay nagngangalang Red. At tama ang hinala ni Finn na ang lalaking ito ang Six-winged Enourmous Blood Tiger na katuwang ni Noah. Siya si Munting Red, at kagaya ng iba pang vicious beast na nakaabot sa Heavenly Knight Rank, nagkatawang-tao na rin siya at mas piniling maging adventurer kaysa maging monstrous beast.

Makalipas ang ilang oras na pagdiriwang, napagdesisyunan nina Creed, Finn at ng pamunuan ng Craftsman Alliance na tapusin na ang kasiyahan. Marami pang kailangang asikasuhin si Finn. Kailangan niya pang kausapin sina Noah, at kailangan niya pang samahan sina Altair at Yuros palabas ng Myriad World Mirror.

Isa pa, naghihintay sa kanya sina Oyo. Kailangan niya pang ipasok ang mga ito sa Myriad World Mirror upang maipagpatuloy nila ang kanilang pagsasanay kasama ang mga miyembro ng New Order.

Nang aalis na sina Finn sa bulwagan upang magtungo sa pribadong silid para makausap niya nang masinsinan sina Noah, Kiden, Vella at Red, biglang lumapit sa kanya si Cleo na makikitaan ng komplikado at nag-aalinlangang ekspresyon. Malinaw na mayroon itong nais sabihin sa kanya kanina pa, pero nag-aalinlangan ito.

Tungkol sa sasabihin ni Cleo, may ideya na si Finn kaya hindi na siya nagulat kung bakit lumapit ito sa kanya.

“Ginoong Cleo... alam ko kung ano ang sadya mo sa akin, subalit...” bumuntong-hininga si Finn at umiling-iling. “Ikinalulungkot ko ngunit sa aking naging paglalakbay sa iba't ibang lugar, walang bakas ni Tiffanya akong nakita. Hindi ko siya nakita, paumanhin.”

Nang marinig ang direktang pahayag ni Finn tungkol sa kanyang anak na si Tiffanya, pilit siyang ngumiti. Bakas ang kalungkutan sa kanyang mga mata. Bumuntong-hininga siya at umiling-iling.

“Dapat ay alam ko nang ayaw niya nang magpakita sa akin... Siguradong kinamumuhian niya ako dahil sa ginawa kong pagtrato sa kanya noon. Marami akong pagkakataon para manatili sa tabi niya, pero mas pinili kong lumayo kaya siya nagdusa,” halos pabulong na sabi ni Cleo.

Noon, palagi siyang naglalakbay sa iba't ibang kaharian sa Ancestral Continent dahil sa isang rason--gusto niyang maging malakas para maprotektahan niya si Tiffanya mula sa mga ganid at gahaman sa kapangyarihan. Nagtataglay si Tiffanya ng Ice Sky Pathway, at alam niyang maraming maghahangad na ma-kontrol si Tiffanya kagaya na lang ni Sheeha na pinuno ng Ice Feather Sect.

Iyon ang pangunahing rason kaya siya naglakbay at nagsanay sa iba't ibang kaharian para lumakas, nais niyang protektahan ang nag-iisa niyang anak. Ganoon man, naging malakas lang siya noong huli na ang lahat dahil maraming pagdurusa na ang pinagdaanan ni Tiffanya bago pa siya makabalik sa Nine Ice Family.

At mula noon hanggang ngayon, sinisisi niya pa rin ang kanyang sarili sa mga nangyari, sa pagkawala ni Tiffanya.

Makaraan ang ilang sandaling katahimikan. Bahagyang umiling muli si Cleo at bumuntong hininga. Tumalikod na siya at nagsimulang humakbang palabas ng bulwagan.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon