Chapter XVI: The Other Four Divine Artifacts
Nagpatuloy ang kuwentuhan nang magkakaibigan tungkol sa kanilang hindi malilimutang mga pakikipagsapalaran. Ang pinakamaraming kuwento, ay siyempre, sina Isake at Ezekias. Sila ang pinakahambog at mapagmalaki kung magkuwento. Marami ring kuwento si Isake tungkol sa personal niyang pagtulong sa mga nangangailangan, ipinagpatuloy niya pa rin ang kanyang pananaw na kahit na mahirap lang ang isang nilalang, tinutulungan niya pa rin ito na makuha ang hustisya.
Natuwa si Finn dahil hanggang ngayon, hindi pa rin tumitingin si Isake sa estado ng isang nilalang sa buhay bago tumulong. Kagaya na lamang noong una silang magkakilala sa Sacred Dragon Institute kung saan kinaibigan pa rin siya ni Isake kahit na ito ay nagmula sa Aristocrat Clan habang siya ay sa Ordinary Clan lamang.
Iyon ang rason kung bakit hanggang ngayon, tinitingala niya pa rin si Isake at itinuturing na mabuti at matalik na kaibigan.
Sa kasalukuyan niyang impluwensya, antas at kapangyarihan, marami ang gustong mapalapit o makipagkaibigan sa kanila, pero karamihan sa mga ito ay may rason. Gusto nilang magbenepisyo sa kanya, at hindi na bago iyon kay Finn dahil marami na siyang nakakasalamuhang ganoong klase ng adventurer.
Tanging si Lore lang ang nanatiling walang gaanong kuwento. Subalit, hindi na nagtaka si Finn dahil si Lore ay si Lore. Madalas itong tahimik, at likas na rito na minsan lang makipag-usap kahit pa sa mga kaibigan niya.
Noong siya ang inuudyukan nina Isake na magkuwento ng mga naging karanasan niya, siyempre ay ikinuwento ni Finn ang kanyang naging pakikipagsapalaran mula nang umalis siya sa Ancestral Continent. Ikinuwento niya ang lahat maliban sa lahat ng tungkol sa nangyari sa Ancestral Continent. Tungkol sa pagpatay niya kay Jero at pagpapabagsak nila sa Soul-eater Alliance, sinabi na lang niya na ginawa niya iyon dahil sa ginawang pagwasak ni Jero sa Ancestral Continent.
Ipinaalam niya rin sa kanyang mga kaibigan kung gaano kasama si Jero. Isiniwalat niya kung gaano kapanganib ang kapangyarihan nito, at ipinaliwanag niya kung bakit hindi na dapat umiral pa ang Soul-eater Alliance dahil sa kanilang paraan ng pagsasanay.
Mas lalong namangha sina Isake nang malaman nila ang pakikipagsapalaran ni Finn. Muling tumaas ang tingin nila sa kanilang kaibigan, at hindi nila mapigilan na mapaawang ang bibig habang nakatitig sa binata habang ito ay nagkukuwento. Tanging si Finn lang ang kilala nila na may ganito kahanga-hangang pakikipagsapalaran. Hindi lang ito basta-basta kuwento ng paglalakbay ni Finn dahil ramdam nila na sa bawat pakikipagsapalaran ng kanilang kaibigan, mayroon itong puso, malasakit at kabutihan sa mga nangangailangan at naaabuso.
Kumpara sa kanilang ginawang kabayanihan sa buong Ancestral Continent, ang nagawa ni Finn ay mas makabayani. Iniligtas nito mula sa kapahamakan ang Dark Continent. Tinanghal itong pinakamalakas sa Mundo ng Alchemy, at nakuha nito ang pagkilala ng mga adventurer sa Crimson Lotus Realm.
Tinalo rin ni Finn si Jero Siporko at sa kanyang pangunguna, pinabagsak niya kasama sina Oyo at ang magkakapatid na mersnake ang Soul-eater Alliance. At ngayon, nasa Holy Light Realm na siya kung saan naririto si Auberon na tumulong sa kanila laban kay Alisaia.
Dahil sa sobrang paghanga at pagtingala nila kay Finn, pinangarap din nilang maglakbay at makipagsapalaran sa mas malawak na mundo. Gusto nilang makagawa ng malaki at makabuluhang bagay, nais nilang bumuo ng alaala na hindi nila malilimutan, at hindi sila makalilimutan kahit pa ilang siglo o milenyo ang magdaan.
Makalipas ang ilang oras, halos hatinggabi na nang matapos ang kanilang kuwentuhan. Tumayo na si Lore sa kanyang kinauupuan, at seryosong tumingin kay Finn.
“Alam kong naaabala ka na namin ng sobra. Ang nagdaang oras ay dapat ilalaan mo para makasama ang iyong pamilya, pero kinuha namin ang oras na iyon. Aalis na ako ngayon, subalit nangangako akong sasali ako sa New Order, at hinihiling ko na sana dumating ang araw na muli kitang makasama sa pakikipagsapalaran at paglalakbay,” ani Lore.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...