Chapter LVIII: Rebirth
Pilit na sinuportahan ni Alisaia ang kanyang sarili para makatayo mula sa pagkakahiga niya sa lupa. Nanliligo siya sa sarili niyang dugo, at ang kanyang katawan ay napupuno ng mga sugat. Ganoon man, sa kabila ng malubha niyang kondisyon, hindi makikitaan ng pag-inda si Alisaia. Malalim ang kanyang mga paghinga, subalit nananatiling kalmado ang ekspresyon niya sa mukha. Hindi niya na rin maimulat ang kaliwa niyang mata, at tuluyan na itong nabulag dahil naabot ito ng talim ng isa sa dalawang espada ni Finn.
Tungkol kay Finn, mabagal siyang humahakbang papalapit kay Alisaia. Itinago niya ang kanyang mga espada, at bakas sa kanya ang nanghahamak na tingin at ngiti. Nag-unat siya ng kanyang mga kamay at daliri. Pinatunog niya ang kanyang leeg, at nang dalawang metro na lang ang layo niya kay Alisaia, pinagkrus niya ang kanyang mga braso sa kanyang dibdib.
“Kumakapit ka na lang sa iyong munting buhay, hanggang saan ka pa ba tatagal, Alisaia?” Makahulugang tanong ni Finn. “Pero, magpapakatotoo ako. Humahanga ako sa iyong pagkamahinahon. Mula simula hanggang ngayon, kahit nasa hukay na ang iyong isang paa, nananatili kang mahinahon at kalmado. Hindi ka ba natatakot na mamatay, o talagang tinanggap mo na ang iyong kamatayan simula't simula pa lamang?”
Hindi nagsalita si Alisaia. Nananatili siyang naghahabol ng hininga. Nanginginig ang kanyang katawan dahil nahihirapan siyang tumayo nang tuwid, pero kagaya ng sabi ni Finn, nananatiling kalmado ang kanyang ekspresyon. Walang takot na makikita sa kanyang mukha. Ito ang kanyang panlabas na ekspersyon, pero sa loob-loob niya, hindi siya handang mamatay.
“Alam mo kung ano ang mas nakakagalit, ha, Alisaia? Ang pagiging kalmado mo,” mariing sabi ni Finn. Halata ang galit sa tono ng kanyang pananalita. Matalim ang tingin niya kay Alisaia at muli siyang nagpatuloy sa pagsasalita, “Hindi ka makikitaan ng kahit anong pagsisisi, na para bang wala kang pinagsisisihan sa ginawa mo--at iyon ang dahilan kaya hindi ako mag-aalinlangan na patayin ka.”
“Ipinagmamalaki kong taglay ko ang kapangyarihan ng fire phoenix. Hindi ako yuyukod sa kagaya mo, at hindi ako nagsisisi sa ginawa ko. Isa akong adventurer, at sa mundong ito, walang lugar ang awa at pagsisisi sa akin dahil ako ang pumili na gawin ang ginawa ko,” tugon ni Alisaia.
Malinaw niyang naipabatid ang kanyang sinabi kay Finn kahit na malalim ang kanyang paghinga. Totoong wala siyang pinagsisisihan, ginawa niya ang lahat ng kanyang ginawa dahil mayroon siyang rason, at pinili niya iyon sa kabila ng maaaring maging kapalit.
Ang tanging pagkakamali niya, hindi niya inaasahang si Finn ay mayroong hindi pangkaraniwang pagkatao na maging ang pinuno ng Order of the Holy Light ay itinuturing itong batang panginoon. Kung ordinaryong adventurer lang si Finn, at wala itong koneksyon kay Auberon, ang lahat ay magiging madali para kay Alisaia.
Nanlamig ang ekspresyon ni Finn. Inilabas niya ang kanyang sibat. Hinawakan niya ito ng mahigpit, at nag-ipon siya ng enerhiya rito. Pinadaloy niya ang kanyang enerhiya mula sa kanyang katawan patungo sa kanyang sibat.
“May punto ang sinasabi mo, pero dahil ako ang kinalaban mo, mawawalan ng saysay ang retorika mo,” ani Finn.
Mayroon siyang naramdaman sa kanyang paligid. Napangisi siya, subalit hindi niya ito pinagtuunan ng pansin. Inihanda niya ang sibat upang isaksak kay Alisaia. Hindi niya agad pinakawalan ang kanyang atake dahil mayroong kasalukuyang pasugod sa kanya.
“HINDI KITA HAHAYAAN NA PATAYIN ANG AKING GURO!!!” Malakas na sigaw ni Fae.
Naagaw ni Fae ang atensyon ng mga manonood. Hindi siya sinulyapan ni Finn. Napakabilis ng pagbulusok nito patungo sa kanya. Kasalukuyang napalilibutan ang katawan nito ng apoy, at malapit nang tumama ang napupuno ng puwersa na tadkak nito sa kanyang katawan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...