Chapter XLVIII

4.1K 1K 120
                                    

Chapter XLVIII: Faino and Astra

Narating ni pinagtatayuan ng kanyang mansyon. Bumaba siya sa malawak na hardin, at naglakad-lakad muna habang lumilingon-lingon sa paligid. Napakatahimik ng kanyang mansyon at walang maririnig na kahit ano maliban sa kanyang mga yabak. Wala siyang nararamdamang presensya sa kabuoan ng mansyon, ibig sabihin, siya lang ang naroroon. Ganoon man, kahit na walang tao roon, pansin niya ang kalinisan at kaayusan ng paligid. Halatang alagang-alaga ang mga halaman sa hardin. Malinis din ang panlabas na disenyo ng mansyon.

Mayroong palagiang nag-aayos at naglilinis sa kanyang mansyon, iyon ang nasa isip ni Finn habang pinagmamasdan ang kapaligiran.

Makaraan ang ilang sandaling pagsulit sa magandang kapaligiran, dumeretso na si Finn papasok sa loob ng mansyon. Binuksan niya ang dalawang malapad na pinto, at isinara niya rin ito nang tuluyan na siyang nakapasok. Humakbang siya pauna hanggang mapahinto siya dahil napansin niyang may maliit na kahon sa ibabaw ng lamesa hindi kalayuan sa kinaroroonan niya. 

Agad na lumapit si Finn sa lamesa, at dinampot niya ang maliit na kahon na may napakagandang disenyo. Pinagmasdan niya ang kabuoan nito, at napansin niya kaagad ang sagisag ng New Order dito.

Walang pag-aalinlangan niyang binuksan ang kahon. Bumungad sa kanya ang isang interspatial ring sa loob ng kahon, at dahil dito, agad niyang naunawaan kung ano ang kahon na ito ag kung ano ang nilalaman ng interspatial ring.

“Tamang-tama, naipadala agad ni Poll dito ang mga kailangan ko,” sabi ni Finn at dinampot niya ang singsing sa loob ng kahon bago ito isara at ipatong muli sa ibabaw ng lamesa.

Nilagyan niya ng kanyang marka ang interspatial ring gamit ang kanyang soulforce. Pinakiramdaman niya kung ano ang nilalaman nito, at doon niya nakumpirma na ito nga talaga ang interspatial ring na naglalaman ng mga kayamanang kailangan niya sa pagpapataas ng antas. Naririto na rin ang mga kayamanan na nagtataglay ng death energy na gagamitin niya para sa kanyang mga soul puppet.

Itinago niya na ang interspatial ring sa kanyang bulsa. Nagsimula siyang maglakad patungo sa malawak na espasyo, at habang naglalakad siya, mayroon siyang naramdamang pagbukas ng lagusan mula sa kanyang likuran. Napahinto siya sa paghakbang. Lumingon siya at doon niya nasaksihan ang paghakbang ng dalawang pigura palabas sa lagusan.

Napatitig siya siya sa lalaking nakasuot ng pangkaraniwang kasuotan. Pinagmasdan niya ito, at napansin niya ang hindi nito masayang ekspresyon. Medyo nagulat siya sa paglitaw ng dalawa, subalit agad niya ring naunawaan kung sino ang dalawang ito dahil sa nararamdaman niyang koneksyon sa mga ito.

“Mahigit dalawang taon. Hindi mo man lang kami ipinatawag sa mahigit dalawang taon?! Nakakadismaya ka,” ani Faino. Bakas ang galit sa kanyang mukha, pero hindi pinagtuunan ni Finn ang kanyang galit o hindi siya makikitaan ng paghingi ng paumanhin.

“Ikaw ang may sabi na tawagin ko lang kayo kapag may importanteng pangyayari. Wala namang importanteng nangyari na kailangan ang presensya n'yo kaya hindi ako nag-abala na tawagin ka. Iyon naman ang gusto mong mangyari, hindi ba?” Kibit-balikat na sabi ni Finn.

Lalong sumama ang ekspresyon ni Faino. Hindi maipinta ang kanyang ekspresyon habang si Astra ay mayuming tumatawa dahil sa nangyayaring pagtatalo.

Hindi makaisip ng itutugon si Faino. Talagang nagagalit na siya dahil sa hindi pagtawag sa kanila ni Finn. Ganoon man, wala siyang maisip na maiganti dahil tama ang sinabi ng binata, siya ang nagsabi na huwag silang tawagin kapag hindi mahalaga, at alam nila na hindi nagkaroon ng mahalagang pangyayari sa buhay ni Finn na kailangan ang kanilang presensya.

Habang ang ilong ni Faino ay halos umusok na dahil sa galit, si Finn ay papalit-palit ng tingin sa dalawa. Bakas ang nakangiwing ekspresyon sa kanya habang ang kanyang noo ay nakakunot.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon